Tanong
Lagi bang mali na gamitin ang isang talata ng hindi naaayon sa konteksto?
Sagot
Ang paggamit ng isang talata o sitas sa Kasulatan ng hindi naaayon sa konteksto ay maaaring magbunga sa maling turo o maling pangunawa, ngunit hindi naman palagi. Ang pagbanggit sa isang talata sa Kasulatan ay paggamit nito ng hindi ayon sa konteksto ngunit hindi naman iyon nangangahulugan na sadyang ginagamit ng mali ang talatang iyon. May ilang mga talata na hindi ayon sa konteksto ang paggamit ang naghahayag ng isang katotohanan; may ilan na kinakailangan ang pangunawa sa konteksto para maging tama ang interpretasyon at paglalapat sa buhay.
Ang pagiging tama o mali ng pagbanggit ng isang talata ay nakadepende sa intensyon ng manunulat o tagapagsalita. Kung ang isang talata na wala sa konteksto ay ginamit para magturo ng iba sa orihinal na pakahulugan ng manunulat ng Bibliya o para hindi bigyang pansin ang intensyon ng pangkalahatang sitas, ito ay hindi tapat na paggamit sa talatang iyon. Ngunit kung nananatili ang orihinal na pakahulugan ng manunulat at iginagalang ang intensyon ng talata, ito ay isang maayos at magandang paran ng paggamit sa talata. Siyempre, may mga talata na maaaring mali ang paggamit kahit walang masamang intensyon, kaya’t dapat tayong magingat.
Ang isang halimbawa ng maling paggamit sa isang talata ay ang pagbanggit sa mga pananalita ni Jesus sa Lukas 12:19, “Kaya't magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpakasaya!’” at pagkatapos ay ituturo na ito ang pilosopiya ni Jesus sa buhay. Ang konteksto kung saan ginamit ang mga pananalitang ito ay isang talinghaga at eksaktong kasalungat ng kahulugan na ipinapahiwatig ng mga salita. Bilang tagapagsalaysay ng kuwento, naglalagay si Jesus ng mga salita sa bibig ng isang hangal na lalaking mayaman, isang karakter na tumanggap ng hatol ng Diyos dahil sa pamumuhay sa walang taros na pagsasaya at pilosopiya ng kawalan ng pakialam sa kapwa.
Ang isa pang halimbawa ng maling paggamit sa isang talata ng hindi ayon sa konteksto ay ang pagbanggit sa unang bahagi ng Habakuk 2:15 para kondenahin ang pagbibigay ng alak sa isang tao: “Mapapahamak kayo! Pinainom ninyo ang inyong mga kalapit bansa.” Sa paggamit sa talatang ito para sabihin na maling magbigay ng inuming nakalalasing sa kapwa, binabaluktot ng taong gumagamit sa talata ang Kasulatan. Ang talata ay may mga kundisyon: “Mapapahamak kayo! Pinainom ninyo ang inyong mga kalapit bansa, ng alak na tanda ng inyong pagkapoot. Nilasing ninyo sila at hiniya, nang inyong titigan ang kanilang kahubaran!” (idinagdag ang diin). Ang mga kasalanan dito ay paglalasing, pamboboso, kalibugan, at pagsasamantalang sekswal. Sa karadagdan, ang isang pagsusuri sa konteksto ng Habakkuk 2:15 ay maghahayag na ang pagbibigay ng alak ay isang pigura ng pananalita para sa pambansang kasalanan ng Babilonia.
Sa mga nasabing halimbawa, maliwanag na may mga talata (o bahagi ng mga talata) na hindi maaaring gamitin ng hindi ayon sa konteksto para magturo ng isang aralin. Ang isang magaaral ng Bibliya “na tapat na nagtuturo ng katotohanan” ay magiingat para maiwasan ang ganitong mga pagkakamali sa interpretasyon (2 Timoteo 2:15).
Ngunit hindi lahat ng mga talata ay napipilipit kapag inalis mula sa kanilang mga konteksto. May mga pagkakataon kung saan maaari nating gamitin ang isang talata o maging isang bahagi ng isang talata pero tama pa rin ang pakahulugan ayon sa layunin ng Diyos. Halimbawa, kung nais nating ibahagi sa isang tao na ang kaligtasan ay kaloob ng Diyos, maaari nating gamitin ang Juan 3:16: “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Ito ay isang talata na ginagamit ng nagiisa ngunit nagagamit ng tama. Maliwanag na sinasabi nito ang gusto nitong sabihin at kahit ang isang pahapyaw na pangunawa sa talata ay magbubunsod sa isang tao na maniwala ayon sa konteksto ng Juan 3.
Sa pagbubuod, ang pagbanggit ng isang talata ng “hindi ayon sa konteksto” ay maaaring ayos lang sa ilang pagkakataon; sa ibang pagkakataon, ito ay isang problema. Kung ang paggamit natin ng isang talata ng hindi naaayon sa konteksto ay magpapahiwatig ng ibang kahulugan mula sa mas malawak na itinuturo ng isang sitas, ito ay mali. Sa tuwing makakabasa tayo o makakarinig sa isang tao na ginagamit ang isang talata ng hiwalay sa konteksto nito, maganda na ibalik ang talatang iyon sa orihinal na sitas na pinagkunan at tingnan kung ang paliwanag ay akma pa rin sa orihinal na interpretasyon ng orihinal na manunulat at unang mambabasa.
English
Lagi bang mali na gamitin ang isang talata ng hindi naaayon sa konteksto?