settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kasunduang Edenic?

Sagot


Ang kasunduang Edenic ay isang kasunduan o tipan na ginawa ng Diyos para kay Adan sa Hardin ng Eden. “Tinatawag din itong kasunduan ng gawa” at ito ang unang kasunduan na tuwirang ginawa ng Diyos para sa tao.

Makikita natin sa Banal na Kasulatan ang dalawang uri ng kasunduan na ginawa ng Diyos para sa mga tao. Ang iba ay hindi kondisyonal na kasunduan, na tinutupad pa rin ng Diyos anuman ang gawin ng tao. Ang iba naman ay kondisyonal na kung saan ay kailangan sundin ng tao ang kasunduan upang makamtan nila ang pangakong kalakip nito. Ang kasunduang Edenic ay isang halimbawa ng kondisyonal na kasunduan sapagkat kailangang sundin ni Adan ang panuntunan nito upang hindi niya pagdusahan ang bunga ng paglabag niya dito.

Ang kasunduang Edenic, o kasunduan ng gawa ay matatagpuan sa pambungad na kabanata ng Genesis kung saan ang Diyos ay nagbigay ng kondisyonal na mga pangako kay Adan. Ang kasunduang ito ay hindi malinaw na masasabing kasunduan talaga sa Genesis; gayunman,kalaunan ay tinukoy rin ito bilang kasunduan sa Oseas 6:7, “Ngunit gaya ni Adan ay sumuway sila sa tipan, doo'y nagsigawa silang may kataksilan sa akin.”

Bagaman ang mga teologo ay maaaring makapagbigay ng hindi hihigit sa anim na iba't-ibang obligasyon na kailangang sundin ni Adan, ang puso ng kasunduang Edenic ay ang utos ng Diyos kay Adan na “huwag kakain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay pagkaalam sa mabuti at masama” (Genesis 2:16-17). Kalakip ng utos na iyon ang pangako at ang parusa kapag siya ay sumuway.

Kaugnay nito, sa ilalim ng kasunduang Edenic ay nangako ang Diyos na pagpapalain niya si Adan, ngunit ang pangakong iyon ay kondisyonal depende kung susundin ni Adan ang utos na huwag kakain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman sa mabuti at masama (Genesis 2:16-17). At ang parusa dahil sa kanyang pagsuway ay pisikal at espirituwal na kamatayan susumpain din ang lupain upang paghirapan niya ang pagbubungkal ng lupa hanggang sa kanyang kamatayan (Genesis 4:17-19).

Ang kasunduang ito ay mayroong mahalagang bahagi sa kapahayagan ng planong pagtubos ng Diyos, Sapagkat ipinapakita nito ang kawalang-kakayahan ng tao na mapanatili ang kanyang matuwid na kaugnayan sa Diyos kahit noong sila ay nakatira pa sa paraisong ginawa ng Diyos para sa kanila.

Dahil sa kasalanan ni Adan, nasira ang kasunduan sa Diyos at ito ay nag sadlak sa sangkatauhan sa isang bagsak na kalagayan, Ngunit hindi magtatagal at gagawa ang Diyos ng pangalawa, ngunit hindi kondisyonal na kasunduan o tipan ng pagtubos kay Eba at Adan (Genesis 3:14-24). Katulad ng kasunduang Edenic, ang isang ito ay hindi malinaw na tumutukoy sa kasunduang katulad ng sa Genesis, ngunit ito ay isang mahalagang pangako ng Diyos para sa sangkatauhan. Ito ang kaunahang pangako ng pagtubos at pagdating ni Cristo (Genesis 5:15). Mapapansin natin na sa tatlong kabanata ng aklat na ito, ay binibigyan tayo ng Diyos ng pag-asa tungkol sa Manunubos. Masasabi rin minsan na ang Genesis 3:15 ay protevangelium, o unang pagpapahayag ng ebanghelyo sa Banal na Kasulatan. Dito ay ipinangako ng Diyos na ang binhi ng ahas ang tutuklaw sa sakong ng binhi ni Eba at ang binhi naman ni Eba ang dudurog sa ulo ng ahas, ito ay paunang hula na si Cristo ay susugatan ni Satanas sa krus, ngunit sa krus ding iyon ay magtatagumpay si Cristo laban kay Satanas.

Ang kasunduang Edenic at ang sumunod na Kasunduan ng Pagtubos ay parehong mahalaga sa ilang mga kadahilanan. Una sa lahat, sila ay naglagay ng halimbawa na nauulit sa kabuuan ng Banal na Kasulatan: 1)mga kasalanan ng tao, 2)Hinahatulan ng Diyos ang kasalanan, at 3)Ipinapakita ng Diyos ang kanyang habag at kagandahang loob sa pamamagitan ng pagbibigay ng daan sa tao upang siya ay matubos at maibalik ang kanyang kaugnayan sa Diyos. Ikalawa, ipinapakita sa atin ng kasunduan na mayroon laging kaakibat na epekto ang kasalanan. Ang pagkaunawa sa iba't-ibang kasunduan sa Lumang Tipan at ang kanilang kaugnayan sa isa't-isa ay mahalaga upang maunawaan natin ang pangkasunduang kaugnayan ng Diyos sa mga taong pinili niya at ang kanyang panukala ng pagtubos na nahayag sa Banal na Kasulatan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kasunduang Edenic?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries