settings icon
share icon
Tanong

Kautusan laban sa Biyaya-bakit napakaraming hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Kristiyano tungkol sa isyung ito?

Sagot


Sinasabi ng isang panig na, “ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ng biyaya makakamtan.” Ang kabilang panig naman ay nagsasabi na ang ganung ideya ay nauuwi sa kawalan ng kautusan. Sapagkat para sa kanila, kailangang patuloy na panghawakan ang pamantayan ng Diyos sa katuwiran.” May nagsasabi rin na, “ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng biyaya, ngunit ang biyayang iyon ay makakamit lamang ng mga taong sumusunod sa kautusan ng Diyos.” Dito ay makikita natin na ang ugat ng mga pagtatalong ito ay ang magkakaibang pananaw tungkol sa batayan ng kaligtasan. Kaya't ang kahalagahan ng isyu ang nagpapalubha sa diskusyon.

Dapat nating maunawaan na kapag binabanggit sa Bibliya ang tungkol sa “kautusan,” ito ay tumutukoy sa detalyadong pamantayan na ibinigay ng Diyos kay Moises sa pamamagitan ng Sampung Utos na makikita sa ika-20 kabanata ng Exodo. Ipinapaliwanag ng Kautusan ng Diyos ang kanyang kahingian para sa mga taong banal at nakapaloob dito ang tatlong kategorya kagaya ng kautusan o batas na sibil, seremonyal, at moral. Ang Kautusang ito ay ibinigay sa bayan ng Diyos upang sila ay ilayo sa masamang bansa na nasa paligid nila at upang tukuyin kung ano ang kasalanan (Esdras 10:11; Roma 5; 13; 7:7). Malinaw ding ipinapakita ng kautusan na walang sinumang tao ang may kakayahang maging malinis upang kalugdan ng Diyos-ibig sabihin, inihayag ng kautusan ang ating pangangailangan ng Tagapagligtas.

Sa panahon ng Bagong Tipan, binago ng mga lider ng relihiyon ang kautusan sa pamamagitan ng pagdaragdag nila rito ng sarili nilang tuntunin at mga tradisyon (Marcos 7:7-9). Bagaman ang kautusan ay mabuti, ito naman ay mahina sapagkat wala itong kapangyarihan upang baguhin ang makasalanang puso (Roma 8:3). Ang pagsunod sa kautusan ayon sa panuntunan ng mga Pariseo ay naging mapaniil at nagdulot ng labis na kabigatan sa mga tao (Lucas 11:46).

Sa mga panahong ng legalistang kapaligiran, ay dumating si Jesus, at ang tunggalian sa pagitan Niya at ng mga mapagpaimbabaw na tagahatol ng batas ay hindi naiwasan. Ngunit si Jesus na siya mismong pinagmulan ng kautusan ay nagwika ng ganito: “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang ipawalang-bisa ang Kautusan at ang mga Propeta. Naparito ako hindi upang ipawalang-bisa ang mga iyon kundi upang tuparin” (Mateo 5:17). Hindi masama ang kautusan, sapagkat ito ay nagsisilbing salamin upang mahayag ang puso ng tao (Roma 7:7). Sa Juan 1:17 naman ay sinasabi na, “Ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises; ngunit dumating ang kagandahang-loob at katotohanan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.” Siya ang kumakatawan sa perpektong balanse ng kautusan at ng biyaya (Juan 1:14).

Ang Diyos ay palaging puspos ng kagandahang loob (Awit 116:5; Joel 2:13), kaugnay nito, naliligtas ang mga tao sa pamamagitan lagi ng pananampalataya sa Diyos (Genesis 15:6).Itinuturo din nito sa atin na hindi nagbago ang Diyos sa Lumang Tipang hanggang sa Bagong Tipan (Mga Bilang 23:19; Awit 55:19). Ang Diyos na nagbigay ng Kautusan ay siya ring Diyos na nagkaloob kay Jesus sa sanlibutan (Juan 3:16). At ang kanyang kagandahang loob ay nahayag sa kautusan sa pamamagitan ng sistemang paghahandog upang takpan ang kasalanan. Isinilang si Jesus sa “ilalim ng kautusan” (Galacia 4:4) bilang huling handog upang matupad ang kautusan at mapagtibay ang Bagong Tipan (Lucas 22:20). Dahil diyan, ang sinumang lumalapit ngayon sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo ay itinuturing na matuwid (2 Corinto 5:21;1 Pedro 3:18; Hebreo 9:15).

Ang tunggalian sa pagitan ni Jesus at ng mga nagmamatuwid sa sarili ay mabilis na umusbong. dahil dito karamihan sa mga nasa ilalim ng mapaniil na sistema ng mga Pariseo ay sabik na yumakap sa kahabagan ni Cristo at sa iniaalok niyang kalayaan (Marcos 2:15). Ngunit sa tingin ng iba ay mapanganib ang pagpapakitang ito ng biyaya: ano nga ba ang makakapigil sa tao upang manatili ang kanyang moralidad? Hinarap ni Pablo ang kaparehong isyu sa Roma 6: “Ano ngayon ang sasabihin natin? Patuloy ba tayong magkakasala upang sumagana sa atin ang kagandahang-loob ng Diyos? Hinding-hindi! Tayo'y patay na sa kasalanan, paano pa tayo mamumuhay sa pagkakasala?” (mga talatang 1-2). Dito ay binigyang linaw ni Pablo na ang turo ni Jesus tungkol sa Kautusan ay nagpapahayag ng kalooban ng Diyos (ang kabanalan), at ang kagandahang-loob ang nagbibigay sa atin ng lakas at pagnanais na maging banal. Kaya't sa halip na magtiwala sa kautusan ay kay Jesus tayo dapat sumampalataya upang maligtas. Tayo ay nakalaya sa pagkaalipin ng kautusan dahil sa minsan lamang ngunit pangkabuuang paghahandog (Roma 7:6; 1 Pedro 3:18).

Wala naman talagang salungatan sa pagitan ng biyaya at ng Kautusan, kung ito ay uunawain ng mabuti. Ginanap ni Jesus ang kautusan para sa atin at ibinibigay niya ang kapangyarihan ng Espiritu na mag udyok sa binagong puso upang mamuhay ng may pagsunod sa Kanya (Mateo 3:8; Gawa 1:8; 1 Tesalonica 1:5; 2 Timoteo 1:14). Ayon sa Santiago 2:26, “Patay ang katawang walang espiritu; gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kasamang gawa.”Ibig sabihin, ang biyaya na may kapangyarihang magligtas ay mayroon ding kapangyarihan upang himukin ang pusong makasalanan patungo sa makadiyos na pamumuhay. Sapagkat hindi natin masasabi na pananampalatayang nakapagliligtas ang nasa isang tao kung wala siyang pagnanais para sa makadiyos na pamumuhay.

Ayon sa Bibliya, Sapagkat sa biyaya ay naligtas tayo sa pamamagitan ng pananampalataya (Efeso 2:8-9). sa makatuwid, hindi maliligtas ang sinuman sa pagsunod sa kautusan (Roma 3:20; Tito 3:5). Sa katunayan, iyong mga nag aakalang matuwid sila dahil sa pagsunod sa kautusan ay akala lamang nila iyon na nasusunod nga nila ang mga ito; Iyan ang naging pangunahing punto ni Jesus sa kanyang Sermon sa Bundok (Mateo 5.20-40; tingnan din ang Lucas 18:18-23).

Ang pangunahing layunin ng Kautusan ay ilapit tayo kay Cristo (Galacia 3:24). At bilang mga naligtas, nais ng Diyos na maluwalhati Siya sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa (Mateo 5:16; Efeso 2:10). Samakatuwid, ang mabubuting gawa ay hindi nauunang dapat gawin upang maligtas kundi ito ay bunga ng kaligtasan.

Nagkakaroon lamang ng tunggalian sa pagitan ng “biyaya” at “Kautusan” kung Una: mali ang pagkaunawa ng isang tao sa layunin ng kautusan; ikalawa: binabago nila ang kahulugan ng biyaya bilang kabutihan ng Diyos sa mga hindi karapat-dapat (tingnan ang Roma 11:6); Ikatlo: sinisikap nilang makamit ang kaligtasan sa pamamagitan ng sariling gawa “kapalit” ng mga sakripisyo ni Cristo; Ikaapat: Sinusunod nila ang kamalian ng mga Pariseo sa pamamagitan ng paglalagay ng mga tradisyong gawa ng tao sa kanilang doktrina; o Ikalima: Nabigo silang pagtuunan ang “buong kapasyahan ng Diyos” (Gawa 20:27).

Kaya nga, sa ating “pag aaral ay nagiging katanggap-tanggap tayo sa Diyos, kapag ang Banal na Espiritu ang gumagabay sa atin sa pagsasaliksik ng Banal na Kasulatan” (2 Timoteo 2:15) at natutuklasan natin ang kagandahan ng kanyang biyaya na nagbubunga ng mabubuting gawa.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Kautusan laban sa Biyaya-bakit napakaraming hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Kristiyano tungkol sa isyung ito?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries