Tanong
Bakit isang madugong relihiyon ang Kristiyanismo?
Sagot
Para maintindihan kung bakit ang Kristiyanismo ay isang “madugong relihiyon,” dapat nating balikan ang deklarasyon ng Diyos patungkol sa dugo sa Lumang Tipan: “ang buhay ng laman ay nasa dugo” (Levitico 17:11, 14). Sa talatang ito, sinasabi ng Diyos na ang buhay at dugo ay iisa at pareho sa esensya. Ang dugo ang nagdadala ng mga sustansyang nagbibigay buhay sa lahat ng bahagi ng katawan. Kinakatawan nito ang esensya ng buhay. Sa paghahambing, ang pagbububo ng dugo ay kumakatawan sa pagkitil ng buhay o kamatayan.
Ang dugo ay ginamit din sa Bibliya bilang simbolo ng espiritwal na buhay. Noong magkasala sina Adan at Eba sa Hardin ng Eden sa pamamagitan ng pagsuway sa Diyos at sa pagkain sa bunga ng ipinagbabawal na puno, agad nilang naranasan ang espiritwal na kamatayan at ang pisikal na kamatayan kalaunan. Ang babala ng Diyos na, “Huwag na huwag mong kakainin ang bungang iyon, sapagkat sa araw na kainin mo iyon ay mamamatay ka" (Genesis 2:17) ay naganap. Ang kanilang dugo—ang kanilang mga buhay—ay nadungisan ng kasalanan. Gayunman, sa Kanyang mabiyayang plano, nagkaloob ang Diyos ng paraan upang makaligtas sa kanilang kinatatakutan sa pamamagitan ng pagdedeklara ng paghahandog ng dugo, una ay dugo ng mga hayop at sa huli ay ang dugo ng kordero ng Diyos (si Jesu Cristo) na sapat para takpan ang kasalanan ng sangkatauhan at ibalik ang ating espiritwal na buhay. Itinatag ng Diyos ang sistema ng paghahandog, sa pasimula ay ang hayop na Kanyang pinatay upang bigyan sila Adan at Eba ng kasuotan at sa gayon ay “tinakpan” ang kanilang kasalanan (Genesis 3:21). Ang lahat ng mga sumunod na paghahandog sa Lumang Tipan ay panandalian lamang at kinakailangang ulit-ulitin. Ang nagpapatuloy na paghahandog na ito ay anino lamang ng isang tunay at ganap na handog, si Cristo na ang dugong nabuhos sa krus ay siyang bayad sa kasalanan magpakailanman. Hindi na kailangan pa ang ibang paghahandog dahil sa paghahandog Niya ng Kanyang sariling dugo (Hebreo 10:1-10).
Patungkol sa Kristiyanismo bilang isang madugong relihiyon, oo ito nga ay madugo. Ngunit ito ay isang natatanging madugong relihiyon. Kumpara sa mga relihiyong hindi madugo, siniseryoso nito ang kasalanan na nagpapahiwatig na siniseryoso ng Diyos ang kasalanan at nagpapataw Siya ng parusang kamatayan para dito. Hindi isang maliit na bagay ang kasalanan. Ang simpleng kasalanan ng pagmamataas ang naging dahilan upang maging isang demonyo si Lucifer. Ang simpleng kasalanan ng pagkainggit ang dahilan ng pagpatay ni Cain sa kapatid nitong si Abel at iba pa. At sa pagkain nina Adan at Eba sa bunga ng ipinagbabawal na puno, pinaniwalaan nila ang manlilinlang sa halip na ang mabuti at mapagmahal na Diyos. Pinili nilang magrebelde laban sa Kanyang pag-ibig at itinakwil ang Kanyang kabutihan. Ang Kristiyanismo ay isang madugong relihiyon dahil itinuturing nito ang kasalanan ayon sa pananaw ng Diyos–na isang seryosong bagay.
Gayundin, dahil ang Diyos ay makatarungan, kinakailangang maparusahan ang makasalanan. Hindi lamang basta-basta nagpapatawad ang Diyos sa kanyang kahabagan hangga’t hindi nabibigyang kasiyahan ang Kanyang hustisya. Kaya nga kinakailangan ang handog bago maging posible ang kapatawaran. Ang pagbububo ng dugo ng mga hayop, gaya ng itinuturo ng Hebreo ay tinatakpan lamang ang kasalanan sa sandaling panahon (Hebreo 10:4) hangga’t hindi nagaganap ang sapat na paghahandog ni ginampanan ng kamatayan ni Jesus. Kaya nga ang Kristiyanismo ay kakaiba sa ibang hindi madugong relihiyon dahil ito lamang ang nagkakaloob ng sapat na handog para lutasin ang problema ng kasalanan.
Panghuli, bagama’t ipinapakilala ng Kristiyanismo ang isang madugong handog, ito lamang ang nagiisang relihiyon na hindi madugo sa bandang huli. Ang kasalungat ng kamatayan ay buhay. Sa pagkamatay ni Jesus, nagkaloob Siya ng buhay gaya ng ipinapakita sa napakaraming talata ng Bibliya. At sa pagtitiwala sa paghahandog ni Cristo para sa iyong kasalanan, ikaw ay maliligtas mula sa kamatayan at lilipat sa buhay (Juan 5:24; 1 Juan 3:14). Nasa kanya ang buhay at Siya ang buhay. Ang ibang mga daan ay magdadala sa tao sa kamatayan (Gawa 4:16; Juan 14:6).
English
Bakit isang madugong relihiyon ang Kristiyanismo?