Tanong
Ano ang pagtatanggol sa pananampalatayang Kristiyano (apologetics)?
Sagot
Ang salitang ingles na "apology" ay nagmula sa wikang Griego na nangangagulugang ‘pagtatanggol.’ Ang pangangatwirang Kristiyano (apologetics) kung gayon, ang siyensya ng pagtatangol sa pananampalatayang Kristiyano. Maraming tao ang nagdududa tungkol sa pagkakaroon ng Diyos o kaya nama'y umaatake sa paniniwala sa Diyos at sa Bibliya. Maraming mga kritiko na lumalaban sa kawalan ng pagkakamali ng Bibliya. May mga bulaang guro din na nagtuturo ng mga hidwa o maling pananampalataya at tinatanggihan ang mga pangunahing katotohanan ng pananampalatayang Kristiyano. Ang misyon ng pagtatanggol sa pananampalatayang Kristiyano (Christian apologetics) ay bantayan ang mga ganitong kilusan at ipagtanggol ang Diyos ng mga Kristiyano at ang mga katotohanan ng Kristiyanismo.
Maaaring ang pangunahing talata sa pagtatanggol sa pananampalatayang Kristiyano (apologetics) ay ang 1 Pedro 3:15, "Kundi inyong ariing banal si Cristo na Panginoon sa inyong mga puso: na lagi kayong handa ng pagsagot sa bawa't tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa inyo, nguni't sa kaamuan at takot.." Walang paumanhin para sa isang Kristiyano na wala siyang kahit anong kakayahan na ipagtanggol ang kanyang pananampalataya. Ang bawat Kristiyano ay nararapat na makapagbigay ng isang makatwirang presentasyon o paglalahad ng kanyang pananampalataya kay Kristo. Hindi kailangang maging eksperto ang isang Kristiyano sa pagtatanggol sa kanyang pananampalataya. Gayunman, bawat Kristiyano ay dapat na alam kung bakit siya sumasampalataya, ano ang kanyang sinasampalatayanan, kung paano niya ito ibabahagi sa iba at kung paano ipagtatanggol ang kanyang pananampalataya laban sa mga pagatake at kasinungalingan.
Ang ikalawang aspeto ng pagtatanggol sa pananampalatayang Kristiyano na laging isinasantabi ay ang pangalawang bahagi ng 1 Pedro 3:15, "na lagi kayong handa ng pagsagot sa bawa't tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa inyo, nguni't sa kaamuan at takot." Ang pagtatanggol sa pananampalataya ay hindi dapat sa diwa ng kagaspangan ng paguugali, kawang galang at pagkagalit. Habang nagtatanggol tayo sa ating pananampalataya, dapat tayong maging matibay sa ating pagdedepensa at gayundin naman ang asal natin ay dapat na katulad ni Kristo. Kung nanalo tayo sa isang debate ngunit naitulak naman natin ang isang tao palayo kay Kristo dahil sa ating magaspang na paguugali, hindi rin natin nakamit ang tunay na layunin ng Kristiyanong apologetics.
May dalawang pangunahing pamamaraan ang pagtatanggol sa pananampalatayang Kristiyano. Ang una ay ang karaniwang tinatawag na klasikal na pamamaraan na may kaakibat na pagpiprisinta ng mga katibayan at ebidensya na ang mensahe ng Kristiyanismo ay totoo. Ang ikalawa naman ay tinatawag na "presuppositional apologetics" na kinapapalooban ng mga pagpapalagay (mga hakahaka, palapalagay) sa likod ng posisyon na laban sa Kristiyanismo. Ang mga tumatangkilik sa dalawang pamamaraan ng pagtatanggol sa pananampalataya ay laging nagdedebate kung alin ang mas epektibo. Ngunit mas produktibo na gamitin ang parehong pamamaraan depende sa tao at sitwasyon.
Ang pagtatanggol sa pananampalatayang Kristiyano ay isang simpleng pagpiprisinta ng makatwirang depensa sa pananampalatayang Kristiyano at ng mga ebidensya at katotohanan sa mga hindi sumasang ayon. Ito ay kinakailangang sangkap ng buhay Kristiyano. Tayong lahat ay inuutusan na maging handa sa pagpapahayag ng Ebanghelyo at sa pagtatanggol sa ating pananampalataya (Mateo 28:1-20; 1 Pedro 3:15). Ito ang esensya ng pagtatanggol sa pananampalatayang Kristiyano o Christian apologetics.
English
Ano ang pagtatanggol sa pananampalatayang Kristiyano (apologetics)?