Tanong
Dapat bang magsuot ng alahas at gumamit ng pampaganda ang mga Kristiyanong babae?
Sagot
Idineklara sa Unang Samuel 16:7b, "Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit puso ang tinitingnan ko." Sinasabi sa atin ng 1 Timoteo 2:9-10, "Ang mga babae nama'y dapat maging mahinhin, maayos at maingat sa pananamit at ayos ng buhok. Ang pinakahiyas nila'y hindi ang mga palamuting ginto, perlas o mamahaling damit, kundi ang mabubuting gawang nararapat sa mga sumasampalataya sa Diyos." Hindi ipinagbawal ni Pablo na magsuot ng alahas, gumamit ng kolorete o magayos ng buhok - kundi sinabi niya na huwag hayaan ng mga babae na maging mas mahalaga para sa kanila ang panlabas kaysa sa panloob na kagandahan.
Ipinaalala sa atin ni Pedro ang isang espiritwal na katotohanan, "Ang inyong ganda'y huwag maging sa kagayakang panlabas lamang, paris ng pag-aayos ng buhok at pagsusuot ng mga gintong hiyas at mamahaling damit. Sa halip, pagyamanin ninyo ang gandang natatago sa kaibuturan ng puso, ang gandang walang kupas na likha ng mayumi at mahinhing diwa, at lubhang mahalaga sa mata ng Diyos. Iyan ang kagandahang pinagyaman ng mga banal na babae noong unang panahon. Sila'y nanalig sa Diyos at napasakop sa kanilang asawa" (1 Pedro 3:3-5). Walang masama sa pagsusuot ng alahas, paglalagay ng kolorete sa mukha at pagaayos ng buhok hanggat hindi napapabayaan ng isang babae ang kanyang espiritwal na pamumuhay. Kung gumugugol ang isang babae ng napakaraming panahon at gumagastos ng malaking pera sa pagpapaganda at ito ang kanyang nagiging prayoridad sa buhay, iyon ang masama. Ang mamahaling mga alahas at kasuutan ay resulta lamang ng problema hindi ito ang mismong problema.
English
Dapat bang magsuot ng alahas at gumamit ng pampaganda ang mga Kristiyanong babae?