Tanong
Ano ang Kristiyanong gnostisismo (gnosticism)?
Sagot
Ang totoo, wala talagang tinatawag na Kristiyanong gnostisismo (gnosticism), dahil ang Kristiyanismo at gnostisismo (gnosticism) ay dalawang magkaibang sistema ng paniniwala. Sinasalungat ng mga prinsipyo ng gnostisismo ang kahulugan ng pagiging Kristiyano. Kaya, habang may naniniwala sa ilang anyo ng gnostisismo na nagaangkin na sila ay Kristiyano, ang totoo hindi talaga sila Kristiyano.
Maaaring ang gnostisismo ang pinakamapanganib na katuruan na kinaharap ng unang iglesya noong unang tatlong siglo. Ang gnostisismo ay impluwensya ng mga pilosopiya ni Plato at ibang mga mga pilosop na nakasalig sa dalawang maling katuruan. Una, niyayakap nito ang dualismo tungkol sa espiritu at katawan. Pinaniniwalaan ng mga gnostists na ang katawan ay likas na masama at ang espiritu ay likas na mabuti. Dahil sa pagaakalang ito, pinaniniwalaan nila na anuman ang ginagawa ng isang tao sa kanyang katawan, kahit ang pinakamalaking kasalanan, ay walang kabuluhan dahil ang tunay na buhay ay sa realidad lamang ng espiritu.
Ikalawa, inaangkin ng mga gnostists na nagtataglay sila ng mataas na karunungan na nalalaman lamang ng iilang tao. Ang salitang gnosticism o gnostisismo ay galing sa salitang Griyego na "gnosis" na nangangahulugan ng "kaalaman." Inaangkin ng mga gnostists na mayroon silang mataas na karunungan, na hindi mula sa Bibliya, na kanilang nakuha mula sa isang mistikal o hindi maipaliwanag na mataas na awtoridad. Nakikita ng mga gnostists ang kanilang sarili na mas mataas kaysa sa mga karaniwang tao dahil sa kanilang "mataas at malalim na kaalaman sa Diyos".
Upang makita ang ganap na pagkakasalungatan sa pagitan ng Krisitiyanismo at gnostisismo, kailangan lamang ikumpara ang kanilang katuruan sa mga pangunahing doktrina ng pananampalatayang Kristiyano. Sa isyu ng kaligtasan, itinuturo ng gnostisismo na ang kaligtasan ay makakamit sa pamamagitan ng pagkakaroon ng makadiyos na karunungan na nagpapalaya sa ilusyon ng kadiliman. Bagama't inaangkin nila na sumusunod sila kay Hesus at sa Kanyang orihinal na itinuro, sinasalungat ng mga gnostists ang mga katuruan ni Hesus sa lahat ng aspeto. Hindi itinuro ni Hesus na ang kaligtasan ay makakamtan sa pamamagitan ng isang sikretong karunungan kundi sa pamamagitan ng pananampalatya sa Kanya bilang tagapagligtas mula sa kasalanan. "Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay naligtas kayo sa pamamagitan ng inyong pananalig kay Cristo. At ang kaligtasang ito'y kaloob ng Diyos, hindi mula sa inyo. Hindi ito dahil sa inyong mga gawa kaya't walang dapat ipagmalaki ang sinuman" (Efeso 2:8-9). Bukod pa dito, iniaalok ng Diyos ang kaligtasan ng libre at maaaring makamtan ng sinumang mananampalataya (Juan 3:16), hindi lamang ng piling iilan na nagtataglay ng espesyal na karunungan.
Pinaninindigan ng Kristiyanismo na may iisa lamang pinagmumulan ng Katotohanan at ito ay ang Bibliya, ang kinasihan at walang pagkakamaling Salita ng Diyos, ang tanging pamantayan ng pananampalataya at mga gawa (Juan 17:17; 2 Timoteo 3:15-17; Hebreo 4:12). Ito ang isinulat na kapahayagan ng Diyos sa sangkatauhan at hindi mapapasinungalingan ng mga kasipan, mga panulat, pangitain at ideya ng isip ng tao. Sa isang banda, gumagamit ang mga gnostists ng iba't ibang mga aklat ng mga bulaang guro na tinatawag na Gnostic gospels, isang koleksyon ng mga kinopyang libro na tinatawag na "mga nawawalang Aklat ng Bibliya."
Ngunit salamat na ang mga unang pinuno ng iglesya ay nagkakaisa sa pagkilala na ang mga aklat ng gnostics ay mga aklat na kinopya lamang mula sa kung anu anong mga aklat na yumayakap sa mga doktrina tungkol kay Kristo, sa kaligtasan, sa Diyos at iba pang mahalagang katotohanan ng Kristiyanismo. Kahit na gumagamit ang mga tinatawag na Kristiyanong gnostists ng Bibliya, isinusulat nila uli ang mga bahagi ng mga talata upang sumang ayon sa kanilang pilosopiya, isang gawain na istriktong ipinagbabawal ng Bibliya (Deuteronomio 4:2; 12:32; Kawikaan 30:6; Pahayag 30:6).
Ang persona ni Hesu Kristo ang isa pang katuruan ng Kristiyanismo na sinasalungat ng gnostisismo. Naniniwala ang mga gnostists na hindi totoo ang pisikal na katawan ni Hesus kundi iyon ay kunyari lamang, at ang Kanyang Espiritu ay bumaba sa Kanya ng Siya'y bawtismuhan at umalis sa kanyang katawan bago ang pagkabuhay na muli. Ang ganitong pananaw ay sinisira hindi lamang ang tunay na pagiging tao ni Hesus kundi maging ang pagtubos dahil si Hesus ay kailangang tunay na Diyos at tunay na tao na may tunay na pisikal na katawan na totoong naghirap at namatay sa krus upang maging katanggap tanggap sa Diyos ang Kanyang sakripisyo para sa kasalanan (Hebreo 2:14-17). Ang Biblikal na pananaw kay Hesus ay sumasang ayon sa Kanyang pagiging ganap na tao at pagiging ganap na Diyos.
Ang gnostisismo ay base sa isang mahiwaga, at personal na imahinasyon, at emosyonal na pagunawa sa katotohanan na hindi na bago. Napakatagal na ang ganitong maling katuruan na noon pa man ay makikita na sa hardin ng Eden kung saan pinagdudahan ni satanas ang salita ng Diyos at kinumbinse si Adan at Eba na tanggihan ang Diyos at paniwalaan ang kanyang kasinungalingan. Ginagawa pa rin niya ang gayon sa panahon ngayon dahil siya ang "leong umaatungal at aali-aligid na humahanap ng masisila" (1 Pedro 5:8). Patuloy niyang pinagdududahan ang Diyos at ang Kanyang Salita at binibihag ang mga taong walang alam sa Bibliya o hindi pinahahalagahan ang katotohanan at naghahanap ng mga personal na kapahayagan upang maramdaman nila na sila ay naiiba, espesyal at mas mataas ang karunungan kaysa sa iba. Sundin natin ang payo ni Apostol Pablo na "Suriin ninyo ang lahat ng bagay at pulutin ang mabuti" (1 Tesalonica 5:21), at magagawa natin ito kung ikukumpara natin ang anumang katuruan sa Salita ng Diyos, ang nagiisang katotohanan.
English
Ano ang Kristiyanong gnostisismo (gnosticism)?