settings icon
share icon
Tanong

Ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagbibigay ng ikapu ng mga Kristiyano?

Sagot


Ang pagbibigay ng ikapu ay isang isyu para sa mga Kristiyano at marami ang nahihirapang sundin ito. Sa ilang mga Iglesya, sobrang nabibigyan ng diin ang pagbibigay ng ikapu. Marami ding mga Kristiyano ang hindi sumusunod sa itinuturo ng Bibliya tungkol sa pagbibigay ng kaloob para sa Panginoon. Ang pagbibigay ng kaloob o ikapu ay nararapat na ibigay ng may kasiyahan at pagpupuri sa Diyos. Ang nakalulungkot, hindi na ganito ang sitwasyon sa mga Iglesya sa ngayon. Ang pagbibigay ng ikapu ay isang konsepto na nagmula sa Lumang Tipan. Ang ikapu ay hinihingi ng Kautusan kung saan ang lahat ng mga Israelita ay kinakailangang magbigay ng sampung porsyento ng lahat ng kanilang kinikita o tinatangkilik sa Tabernakulo o sa Templo (Levitico 27:30; Bilang 18:26; Deuteronomio 14:24; 2 Cronica 31:5).


Nauunawaan ng iba na ang pagbibigay ng ikapu sa Lumang Tipan ay isang paraan ng pagbabayad ng buwis para matugunan ang mga pangangailangan ng mga saserdote at Levita sa Sistema ng paghahandog. Hindi naman makikita o ipinag-uutos sa Bagong Tipan na kailangang sumunod ang mga Kristiyano sa legalistikong sistema ng pagbibigay ng ikapu. Sinabi ni Pablo na ang mga mananampalataya ay nararapat magtabi ng bahagi ng kanyang kinikita bilang pagsuporta sa gawain ng iglesia (1 Corinto 16:1-2). Hindi itinatakda sa Bagong Tipan ang tiyak na porsyento ng kita na dapat itabi, sa halip sinasabi lamang nito ang ‘halagang makakaya’ (1 Corinto 16:2). Kinuha ng Iglesyang Kristiyano ang numero na sampung porsiyento mula sa nakasulat na ika-sampu sa Lumang Tipan at ipinatupad ito bilang ‘inirerekomendang pinakamababang kaloob’ sa Iglesya ng mga Kristiyano. Gayunman, hindi dapat na isang obligasyon lamang ang pagbibigay ng ikapu. Dapat magbigay ang mga Kristiyano ng naaayon sa kanilang makakaya o ‘halagang makakaya.’ Ang ibig sabihin, ang isang Kristyano ay maaring magbigay ng higit pa sa ikapu, at kung minsan din naman ay nakakapagbigay siya ng mas mababa sa ikapu.

Ang lahat ay nakadepende sa kakayahan ng isang Kristiyano at sa mga pangangailangan ng Iglesya. Ang lahat ng mga Kristiyano ay nararapat na taus-pusong manalangin at hanapin ang kalooban ng Diyos kung makikilahok ba siya sa pagbibigay ng ikapu o higit pa rito o kung magkano ang kanyang ibibigay para sa gawain ng Panginoon (Santiago 1: 5). “Ang bawat isa'y dapat magbigay ayon sa sariling pasya, maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang, sapagkat ang ibig ng Diyos ay kusang pagkakaloob” (2 Corinto 9:7).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagbibigay ng ikapu ng mga Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries