settings icon
share icon
Tanong

Dapat ba na magpaseguro o kumuha ng insurance ang isang Kristiyano?

Sagot


Maraming Kristiyano ang nahihirapan sa pagdedesisyon kung kukuha ba sila ng insurance at nalilito kung ang nasabing aksyon ba ay nagpapakita ng kakulangan ng pananampalataya sa Diyos. Ito ay dapat lamang pagisipan at nararapat na alamin ang sinasabi ng Bibliya upang malaman kung sinasang-ayunan ba ng Bibliya ang isyung ito.

Una, sabihin na natin na hindi binabanggit ang pagpapaseguro o pagkuha ng insurance sa Bibliya. Kung hindi partikular na binanggit ang isang bagay sa Bibliya, kailangan nating alamin ang prinsipyo at patotoo ng Kasulatan patungkol sa bagay na iyon. Pagkatapos na makita ang lahat ng mga prinsipyo, tiyak na magkakaiba pa rin ang personal na kumbiksyon ng mga Kristiyano. Isinasaad sa kabanata 14 ng aklat ng Roma ang mga sitwasyon kung saan nararapat nating igalang ang kumbiksyon ng iba. Sa parehong kabanata, sinasabi din na dapat na magdesisyon ng matibay ang isang Kristiyano. Ang mga salitang ginamit sa teksto ay nagpapahiwatig na kailangan nating magaral ng Salita ng Diyos upang makamit ang isang makadiyos na kumbiksyon. Sinasabi sa huling talata na anuman ang ating maging desisyon, dapat na iyon ay naaayon sa pananampalataya.

Narito ang ilang mga prinsipyo sa Bibliya na gagabay sa atin. Sinusunod natin ang mga maykapangyarihan sa pamahalaan. Kaya kung itinakda ng batas na magpaseguro tayo, gaya halimbawa ng pagpapaseguro ng sasakyan, nararapat lamang tayong sumunod. Dapat nating pangalagaan ang kapakanan ng ating pamilya, kaya dapat tayong magplano sa hinaharap para sa ikabubuti ng ating pamilya. Kabilang dito ang paghahanda para sa mga hindi inaasahang pangyayari sa hinaharap gaya ng biglaang pagkamatay ng isang miyembro ng pamilya. Maaari ituring ng ibang Kristiyano na ang pagpapaseguro o pagkuha ng insurance ay kawalan ng pananampalataya at pag-ibig sa salapi. Ang iba naman ay maaaring ituring ito na isang masinop na pagpaplano o matalinong pamamahala sa pananalapi ng pamilya. Ang kumbiksyon ng mga Kristiyano ay maaaring magkakaiba sa usaping ito. Tiyak na ikinalulugod ng Diyos ang pagpaplano para sa hinaharap. Ang kuwento tungkol sa buhay ni Jose at ang kanyang matalinong pagpaplano ay hindi lamang nagligtas sa bansang Egipto kundi maging ng bansang Israel at ng angkan na pinagmulan ni Hesu Kristo (Genesis 41).

Ang pinakamahalaga sa lahat ay nararapat nating pagaralan ang Salita ng Diyos, tumawag sa Kanya at humingi ng karunungan kung ano ang nais Niyang gawin natin sa lahat ng bahagi ng ating buhay. Sinabi sa Hebreo 11:6 na imposibleng bigyang lugod ang Diyos kung walang pananampalataya ang lalapit sa Kanya. Ito ang isang mahalagang tanong: "Masisiyahan ba ang aking Ama sa Langit?" Ang isa pang talata na maaaring ikunsidera ay ang Santiago 4:17 na kung saan sinasabi na kung alam natin ang mabuti ngunit hindi natin iyon ginagawa, tayo ay nagkakasala. Ang isa pang talata na tinatalakay ang isyung ito ay ang 1 Timoteo 5:8, na nagsasabi na kung gusto nating maglingkod sa iba, dapat nating umpisahan ang paglilingkod sa ating sariling pamilya. Ang pagpapaseguro o pagkuha ng insurance ay isang maganda at angkop na kasalangkapan upang makamit ang layuning ito.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Dapat ba na magpaseguro o kumuha ng insurance ang isang Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries