Tanong
Bakit ipokrito ang ilang mga Kristiyano?
Sagot
Maaaring wala nang mas nakakagalit na akusasyon kundi ang akusasyon ng pagiging ipokrito. Sa kasamaang palad, may ilan na binibigyang hustisya ang kanilang pagiging ipokrito dahil sa pananaw na lahat naman ng Kristiyano ay ipokrito. Ang salitang ‘ipokrito’ ay may malalim na kasaysayan sa salitang ingles. Ang terminolohiya ay nagmula sa salitang Latin na ‘hypocrisies’ na nangangahulugan ng ‘pagpapanggap,’ ‘pagpapakitang tao.’ Ang salitang ito ay lumabas din sa Bagong Tipan sa salitang Griyego at may parehong kahulugan na ‘pagpapanggap’ at ‘pagkukunwari.’
Malimit na ginamit ni Hesus ang terminolohiyang ito sa Kanyang pangangaral. Halimbawa, ng itinuro ni Hesus sa mga kabilang sa kaharian ng Diyos ang kahalagahan ng pananalangin, pagaayuno at pagbibigay ng limos, binalaan Niya sila sa pagsunod sa halimbawa ng mga ipokrito (Mateo 6:2, 5, 16). Sa pagsambit ng mahabang panalangin at sa pagpapapansin sa mga tao tuwing nagaayuno at sa pagyayabang sa mga ipinagkakaloob sa Templo at sa mahihirap, ipinapahayag lamang nila ang kanilang paimbabaw na relasyon sa Panginoon. Habang ginagampanan ng mga Pariseo ang kanilang pagbibigay halimbawa sa pagiging relihoyoso, nabigo sila sa kanilang panloob na paguugali na siyang pamantayan ng tunay na katwiran (Mateo 23:13-33; Markos 7:20-23).
Ni minsan hindi tinawag ni Hesus na ipokrito ang Kanyang mga alagad. Ang taguring ito ay ibinigay lamang sa mga relihiyoso na mahilig magpakitang tao. Sa halip tinawag Niya ang kanyang mga alagad bilang ‘mga tagasunod,’ ‘mga sanggol,’ ‘mga tupa’ at ‘Kanyang iglesya.’ Bilang karagdagan, may isang babala sa Bagong Tipan tungkol sa kasalanan ng pagiging ipokrito (1 Pedro 2:1) na tinatawag ni Pedro na ‘kawalang katapatan.’ Gayundin, may dalawang tahasang pagkukunwari ang naitala sa kasaysayan ng iglesya. Sa Gawa 5:1-10, ibinunyag ang pagkukunwari ng dalawang alagad na ipinagmalaki ang kanilang pagiging mapagbigay ng higit sa nararapat. Ang resulta ay nakalulungkot. At higit sa lahat, sa lahat ng tao, si Pedro pa ang naturingan na namuno sa isang grupo ng mga ipokrito dahil sa kanilang maling pagtrato sa mga Hentil (Galatia 2:13).
Sa pagtuturo ng Bagong Tipan, may dalawang konklusyon tayong makikita. Una, totoong may mga ipokrito na mga nagsasabing sila ay Kristiyano. Naroon na sila sa simula pa lamang at ayon sa talinghaga ni Hesus tungkol sa mga damo sa triguhan, ang mga damong ito ay mananatili hanggang sa katapusan ng panahon (Mateo 13:18-30). Kung kahit na ang isang apostol gaya ni Pedro ay nakukuhang magpakitang tao o maging ipokrito sa isang sandali ng kanyang buhay, masasabi na ang isang ordinaryong Kristiyano ay maaari ding mahulog sa pagiging ipokrito. Lagi tayong dapat magbantay upang hindi tayo mahulog sa parehong kasalanan (1 Corinto 10:12).
Hindi lahat ng taong nagsasabi na sila ay Kristiyano ay talagang tunay na Kristiyano. Maaaring ang mga ipokritong Kristiyano na kilala sa lipunan ay mga nagpapanggap at mandaraya lamang. Sa panahong ito, may mga lider ng Kristiyanismo na nahulog sa kasalanang ito. Ang mga pinansyal at sekswal na eskandalo ay paminsan-minsang nangyayari sa mga komunidad ng Kristiyano. Gayunman, sa halip na gayahin ang ilan at siraan ang sangka-Kristiyanuhan kailangang siyasatin kung totoo ba talagang Kristiyano ang mga lider na ito. Napakaraming mga talata sa Bibliya na nagsasabi na ang tunay na kay Kristo ay magpapakita ng bunga ng Espiritu (Galatia 5:22-23). Malinaw na itinuturo sa talinghaga ni Hesus tungkol sa manghahasik sa Mateo 13 na hindi lahat ng nagpapahayag ng pananampalataya sa Kanya ay totoong mananampalataya. Nakalulungkot na marami ang nagaangkin na sila ay Kristiyano ngunit magugulat sila isang araw dahil maririnig nila mula sa mismong bibig ng Panginoong Hesu Kristo, "Kailanma'y hindi ko kayo nakilala. Lumayo kayo sa akin, mga mapaggawa ng masama!" (Mateo 7:23).
Ikalawa, habang hindi nakagugulat sa atin na may mga taong nagkukunwaring sila ay banal kahit hindi nagaangkin na sila ay Kristiyano, hindi rin natin masasabi na ipokrito ang lahat ng mga Kristiyano. Masasabi natin na lahat tayo na tumatawag ng Panginoon kay Hesu Kristo ay nagkakasala pa rin kahit na napatawad na ang lahat ng ang kanilang mga kasalanan. Kahit na naligtas na tayo sa walang hanggang kaparusahan ng ating mga kasalanan (Roma 5:1; 6:23), hindi pa rin tayo ganap na naligtas at napalaya mula sa presensya ng kasalanan sa ating mga buhay (1 Juan 1:8-9), kasama dito ang kasalanan ng pagiging ipokrito. Sa pamamagitan ng ating buhay na pananampalataya sa ating Panginoong Hesu Kristo, patuloy tayong nagtatagumpay sa kapangyarihan ng kasalanan hanggang sa ganap tayong mapalaya mula sa ating mga kasalanan (1 Juan 5:4-5).
Nabigo ang lahat ng mga Kristiyano na mamuhay ayon sa pamantayan na itinuturo ng Bibliya. Walang kahit isang Kristiyano ang perpektong naging kagaya ni Kristo habang nabubuhay sa lupa. Gayunman, may mga Kristiyano na tunay na nagnanais na makapamuhay bilang Kristiyano ang patuloy na nagtitiwala sa paguusig, pagbabago at pagbibigay sa kanila ng Banal na Espiritu ng lakas upang mapagtagumpayan ang mga kasalanan. Napakaraming mga Kristiyano ang namuhay na malaya sa anumang eskandalo. Walang Kristiyanong perpekto, ngunit ang pagkakamali at kabiguan na maabot ang perpeksyon sa buhay na ito ay hindi katulad ng pagiging isang ipokrito.
English
Bakit ipokrito ang ilang mga Kristiyano?