settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa laki ng kapangyarihang taglay ng mga Kristiyano?

Sagot


Ang kahulugan ng kapangyarihan ay kakayahan na gumawa ng isang bagay gaya ng lakas, abilidad, mga kasangkapan, o ibinigay na kapangyarihan. Sinasabi ng Bibliya na ang kapangyarihan ng isang Kristyano ay nagmumula sa Diyos sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.

Ang Diyos ang ultimong pinanggagalingan ng kapangyarihan. Ang lahat ng kapangyarihan ay nagmula sa Kanya at nasa ilalim ng Kanyang pamamahala: “Sa inyo ang kadakilaan, ang kapangyarihan, ang karangalan at ang pagtatagumpay sapagkat inyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa. Sa inyo ang kaharian at kayo ang dakila sa lahat. Sa inyo nagmumula ang kayamanan at ang karangalan at kayo ang naghahari sa lahat. Taglay ninyo ang kapangyarihan at kadakilaan, at kayo ang nagbibigay ng lakas at kapangyarihan sa lahat” (1 Cronica 29:11–12).

Maraming talata sa Lumang Tipan ang tumatalakay sa pagbibigay ng Diyos ng kapangyarihan sa mahihina: “Ang mahihina't mga napapagod ay kanyang pinapalakas” (Isaias 40:29). Sinasabi sa Awit 68:35 na binibigyan ng Diyos ng kapangyarihan ang Kanyang bayan: “Kahanga-hanga ang Diyos sa santuwaryo niyang banal, siya ang Diyos ng Israel na sa tana'y nagbibigay ng kapangyariha't lakas na kanilang kailangan. Ang Diyos ay papurihan!” Sa tuwina, nababasa natin ang tungkol sa pagbibigay gn Diyos ng kapangyarihan sa mga hari (1 Samuel 2:10) at mga propeta: “Subalit ako'y puspos ng kapangyarihan, ng espiritu ni Yahweh, ng katarungan at kapangyarihan upang ipahayag sa mga Israelita ang kanilang mga kasalanann” (Mikas 3:8).

Ang hindi nauubos na kapangyarihan ng Diyos ay ibinuhos Niya sa buhay ng kanyang bayan at nakita sa iba’t ibang paglalapat sa Bibliya. Sinasabi ng Bibliya na ang Ebanghelyo mismo ang kapangyarihan ng Diyos para sa ikaliligtas ng tao: “Hindi ko ikinahihiya ang Magandang Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griego” (Roma 1:16; gayundin sa 1 Corinto 1:18).

Ang kapangyarihan ng isang Kristiyano—ang kanyang kakayahan na gumawa ng anumang bagay na mahalaga—ay kanyang tinanggap mula sa Banal na Espritu. Nang umakyat si Jesus sa langit, sinabi Niya sa Kanyang mga alagad na maghintay sa kapangyarihan na kanilang kinakailangan: “Subalit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig” (Gawa 1:8). Kung wala ang Banal na Espritu, walang magagawa ang mga alagad, gaano man sila katalentado, kalakas, o kasigasig sa kanilang pagbabahagi ng Ebanghelyo.

Ang kapangyarihan ng isang Kristiyano ay mula sa Diyos na nagpapalakas sa kanyang panloob na pagkatao: “Idinadalangin kong sa pamamagitan ng kanyang Espiritu ay palakasin niya ang inyong buhay espirituwal ayon sa kanyang kayamanan at kadakilaan” (Efeso 3:16). Hindi tayo nawawalan ng pag-asa, “Kaya't hindi kami nasisiraan ng loob. Kahit na humihina ang aming katawang-lupa, patuloy namang pinalalakas ang aming espiritu araw-ara” (2 Corinto 4:16).

Ang kapangyarihan ng isang Kristiyano na mula sa Diyos ang nagbibigay sa kanya ng kakayahan na maging isang lingkod ng Ebanghelyo: “Sa kagandahang-loob ng Diyos, ako'y ginawa niyang lingkod upang ipangaral ang Magandang Balita. Ang tungkuling ito'y ibinigay niya sa akin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan” (Efeso 3:7).

Ang kapangyarihan ng isang Kristiyano ay hindi sa kanya. Pagkatapos na gamitin ng Diyos si Pedro para pagalingin ang isang pulubing lumpo, ipinaliwanag ng apostol sa mga namamanghang nagmamasid na ang lalaki ay hindi niya gumaling sa pamamagitan ng kanyang sariling kapangyarihan kundi sa pamamagitan ng pananampalataya sa pangalan ni Jesu Cristo: “Nangmakita ni Pedro ang mga tao, sinabi niya, “Mga Israelita, bakit kayo nagtataka sa nangyaring ito? Bakit ninyo kami tinititigan? Akala ba ninyo'y napalakad namin siya dahil sa sarili naming kapangyarihan o kabanalan? Niluwalhati ng Diyos ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob ang kanyang Lingkod na si Jesus na isinakdal ninyo at itinakwil sa harap ni Pilato, gayong ipinasya na nito na palayain siya. Itinakwil ninyo ang Banal at Matuwid, at hiniling na palayain ang isang mamamatay-tao. Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay, ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos, at saksi kami sa pangyayaring ito. Ang kapangyarihan ng pangalan ni Jesus ang nagpagaling sa lalaking ito; nangyari ito dahil sa pananalig sa kanyang pangalan. Ang pananalig kay Jesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, tulad ng inyong nakikita” (Gawa 3:12–16).

Ang kapangyarihan ng isang Kristiyano na mula sa Diyos ang nagbibigay sa kanya ng kalakasan para mapagtiisan ang mga pagdurusa sa harap ng paguusig: “Sapagkat ang espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili. Kaya't huwag kang mahihiyang magpatotoo para sa ating Panginoon, at huwag mo rin akong ikakahiya, na isang bilanggo alang-alang sa kanya. Sa halip, makihati ka sa pagtitiis para sa Magandang Balita. Umasa ka sa kapangyarihan ng Diyos” (2 Timoteo 1:7–8).

Ang kapangyarihan ng isang Kristiyano ay nagiging ganap sa kahinaan: “Ganito ang kanyang sagot, “Ang kagandahang-loob ko ay sapat na para sa iyo, sapagkat lubusang nahahayag ang aking kapangyarihan kapag ikaw ay mahina.” Kaya't buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang manatili sa akin ang kapangyarihan ni Cristo” (2 Corinto 12:9).

Ang isang Kristiyano ay nakakatagpo ng kapangyarihan sa panalangin: “Kaya nga, ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid” (Santiago 5:16).

Binibigyan ng Diyos ng kapangyarihan ang mga Kristiyano para sa ministeryo, para mangaral ng may katapangan sa pangalan ni Jesus, “Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, “Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya't humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon” (Mateo 28:18–20).

Sinasabi sa atin sa Efeso 3:20 na ang kapangyarihan ng Diyos ay hindi natin kayang ganap na maunawaan. Ang kapangyarihan ng Diyos ay gumagawa sa mga Kristiyano para sila makagawa ng mga bagay na higit pa sa kanilang iniisip at hinihingi. Binibigyan Niya tayo ng abilidad, lakas, kasanayan, pinagkukunan, at awtoridad na higit pa sa maaari nating isipin at naisin. Sinasabi sa Efeso 1:19–20 na walang maihahalintulad sa Kanyang dakilang kapangyarihan para sa atin na mga sumasampalataya. Sa katunayan, ang kapangyarihang ito ng Diyos na Kanyang ibinibigay sa mga mananampalataya ay ang parehong kapangyarihan na bumuhay kay Cristo mula sa mga patay at nagluklok sa Kanya sa kaitaasan.

May napakalaking dahilan para magalak ang mga mananampalataya. Sinasabi ng Bibliya sa mga Kristiyano na binibigyan tayo ng kapangyarihan at lahat na ating kinakailangan para tayo makapamuhay ng banal sa mundong ito na puno ng kasalanan: “Tinanggap natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay na magtuturo sa atin upang tayo'y mamuhay na maka-Diyos. Ito'y dahil sa ating pagkakilala kay Jesus, na siya ring tumawag sa atin upang bahaginan tayo ng kanyang kaluwalhatian at kadakilaan” (2 Pedro 1:3).



English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa laki ng kapangyarihang taglay ng mga Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries