Tanong
Ano ang ibig sabihin ng katubusan ng Kristiyano?
Sagot
Ang lahat ay nangangailangan ng katubusan. Ang ating normal nating nararanasan ay ang laging paguusig ng ating budhi dahil sa ating kasalanan: "Sapagkat ang lahat ay nagkasala at walang sinumang karapat-dapat sa paningin ng Diyos" (Roma 3:23). Pinalaya tayo ng ginawang pagtubos ni Kristo sa paguusig ng ating mga budhi, "pinawalang-sala sila sa pamamagitan ni Cristo Jesus, na nagpalaya sa kanila" (Roma 3:24).
Kabilang sa mga benepisyo ng pagtubos sa atin ng Diyos ay ang pagkakaroon ng buhay na walang hanggan (Pahayag 5:9-10), kapatawaran ng mga kasalanan (Efeso 1:7), katuwiran (Roma 5:17), kalayaan mula sa sumpa ng kautusan (Galacia 3:13), pag-ampon sa pamilya ng Diyos (Colosas 1:18-20), kalayaan mula sa pagkabilanggo sa kasalanan (Tito 2:14; 1 Pedro 1:14-18), kapayapaan sa harapan ng Diyos (Colosas 1:18-20), at pananahan ng Banal na Espiritu (1 Corinto 6:19-20). Ang matubos ay ang mapatawad, mapabanal, mapawalang sala, maging malaya, maampon at makipagkasundo sa Diyos. Tingnan din ang Awit 130:7-8; Lukas 2:38; at Mga Gawa 20:28.
Ang ibig sabihin ng salitang "pagtubos" ay nangangahulugan ng "bilhin muli". Ang salitang ito ay partikular na ginagamit noon sa pagbili ng kalayaan ng isang alipin. Ang aplikasyon nito sa kamatayan ni Kristo ay napakalinaw. Kung tayo ay "tinubos", nangangahulugan na ang ating dating katayuan ay pagkalipin. Binili ng Diyos ang ating kalayaan at wala na tayo sa pagkalipin sa kasalanan at sa mga batas ng Lumang Tipan. Ang metaphor na paggamit sa salitang "pagtubos" ay itinuturo sa Galacia 3:13 at 4:5.
Kahalintulad sa konsepto ng pagtubos ay ang salitang ransom. Binayaran ni Hesus ang halaga para sa ating paglaya sa kasalanan at sa mga konsekwensya nito (Mateo 20:28; 1 Timoteo 2:6). Ang kapalit ng Kanyang kamatayan ay ang ating buhay. Sa katotohanan, ang Bibliya ay malinaw na nagsasabi na ang katubusan ay posible lamang sa "pamamagitan ng Kanyang dugo", ang ibig sabihin, sa pamamagitan lamang ng Kanyang kamatayan ang ating katubusan (Colosas 1:14).
Ang langit ay mapupuno ng mga dating alipin na sa pamamagitan ng merito na hindi sa kanilang sarili ay nakatagpo ng katubusan, kapatawaran, at kalayaan. Ang mga alipin ng kasalanan ay naging mga banal. Hindi katakataka na tayo ay aawit ng isang bagong awit - awit ng papuri para sa ating Tagapagligtas na pinatay alang alang sa atin (Pahayag 5:9). Dati tayong mga alipin ng kasalanan, at nahatulan ng walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos. Ngunit binayaran ni Hesus ang halagang kinakailangan upang matubos tayo at ang resulta niyon ay ang ating paglaya sa kasalanan at ang ating kaligtasan mula sa Kanyang walang hanggang poot.
English
Ano ang ibig sabihin ng katubusan ng Kristiyano?