Tanong
Maaari pa bang mawala ang kaligtasan ng isang Kristiyano?
Sagot
Bago masagot ng maayos ang tanong na ito, dapat munang ipaliwanag ang ibig sabihin ng pagiging "Kristiyano." Ang isang tunay na Kristiyano ay isang tao na hindi lamang nanalangin ng panalangin ng pagtanggap, o lumakad sa altar o isinilang sa isang Kristiyanong pamilya. Habang ang mga ito ay maaaring naging bahagi ng karanasan ng isang Kristiyano, hindi ang mga bagay na ito ang naging dahilan kung bakit siya naging isang "Kristiyano". Ang isang tunay na Kristiyano ay isang tao na sa pamamagitan ng pananampalataya ay naglagak ng kanyang buong pagtitiwala kay Kristo na Siyang kanyang tanging Tagapagligtas, hindi sa salita lamang kundi sa buong puso, isip, lakas at kaluluwa (Juan 3:16; Mga Gawa 16:31; Efeso 2:8-9).
Kung ang isang tao ay tunay na naging isang Kristiyano ayon sa pakahulugang nabanggit, maaari bang mawala pa ang kanyang kaligtasan? Ang pinakamainam na paraan upang sagutin ang tanong na ito ay alamin kung ano naganap sa buhay ng isang Kristiyano sa oras ng kanyang kaligtasan ayon sa Bibliya at kung ano naman ang magaganap kung mawala ang kanyang kaligtasan. Narito ang ilang mga halimbawa.
Ang isang tunay na Kristiyano ay naging isang bagong nilalang. "Kaya't ang sinumang nakipag-isa kay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; siya'y bago na" (2 Corinto 5:17). Ang talatang ito ay nagsasaad na ang isang tao ay lubusang nagbabago dahil sa kanyang pagiging "kay Kristo". Para mawala ang kanyang kaligtasan, ang bagong pagkataong ito ay kailangang mawala at mapawalang bisa.
Ang isang tunay na Kristiyano ay tinubos na sa kasalanan. "Alam ninyo kung ano ang itinubos sa inyo sa walang kabuluhang pamumuhay na inyong minana sa inyong mga magulang. Ang itinubos sa inyo'y di mga bagay na nasisira o nauubos, paris ng ginto o pilak, kundi ang buhay ni Cristong inihain sa krus. Siya ang Korderong walang batik at kapintasan" (1 Peter 1:18-19). Ang salitang "tinubos" ay nangagahulugan ng pagbabayad ng buo sa isang itinakdang halaga. Para mawala ang kaligtasan ng isang tunay na Kristiyano, kailangang pawalang bisa ng Diyos ay Kanyang ginawang pagtubos sa pamamagitan ng banal na dugo ni Kristo.
Ang isang tunay na Kristiyano ay pinawalang sala na. "Yamang napawalang-sala na tayo dahil sa pananalig sa ating Panginoong Jesu-Cristo, sa pamamagitan niya'y mayroon na tayong kapanatagan sa harapan ng Diyos" (Roma 5:1). Ang "pagpapawalang sala" ay nangangahulugan ng pagdedeklara na ang isang tao ay "matuwid". Ang lahat ng tumanggap kay Kristo bilang kanilang tanging Tagapagligtas ay "idineklarang matuwid" ng Diyos. Para mawala ang kaligtasan ng isang tunay na Kristiyano, kailangang bawiin ng Diyos ay kanyang deklarasyon na Kanyang ginawa sa Kanyang sarili.
Ang isang tunay na Kristiyano ay pinangakuan ng buhay na walang hanggan. "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Ang buhay na walang hanggan ay ang pangako ng isang walang hanggang buhay sa langit na kasama ang Diyos. Ipinangako ng Diyos sa mga mananampalataya na mayroon na silang buhay na walang hanggan. Para mawala ang kaligtasan ng isang tunay na Kristiyano, kailangang alisin ng Diyos sa isang tao ang buhay na walang hanggan. Kung pinangakuan ng Diyos ang isang Kristiyano na siya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, paano babaliin ng Diyos ang kanyang pangako sa pamamagitan ng pagbawi sa buhay na walang hanggan?
Ang isang tunay na Kristiyano ay pinangakuan na siya ay luluwalhatin. "At yaong mga itinalaga niya, ay kaniyang tinawag naman: at ang mga tinawag ay inaring-ganap naman niya: at ang mga inaring-ganap ay niluwalhati din naman niya." (Roma 8:30). Natutunan natin sa Roma 5:1 na ang pagpapawalang sala ay ginawa sa oras ng deklarasyon ng pananampalataya. Ayon naman sa Roma 8:30, ang pagluwalhati ay tiyak na magaganap sa lahat ng pinawalng sala. Ang pagluwalhati ay tumutukoy sa pagtanggap ng Kristiyano ng isang maluwalhating katawan sa langit. Kung nawawala ang kaligtasan ng isang tunay na Kristiyano, ang Roma 8:30 ay isang pagkakamali dahil hindi kayang garantiyahan ng Diyos ang pagluwalhati sa kanyang mga itinalaga, tinawag at pinawalang sala.
Napakarami pa ang mga naganap sa buhay ng isang Kristiyano matapos niyang maligtas. Kahit ang ilan lamang sa mga oangyayaring ito ay malinaw na nagpapatunay na ang kaligtasan ay hindi na maaaring mawala pa sa isang tunay na Kristiyano. Marami, hindi man lahat sa mga pangako sa Bibliya na nangyari sa atin ng tanggapin natin si Hesus bilang tanging Tagapagligtas ay hindi totoo kung nawawala pa ang kaligtasan. Ang isang tunay na Kristiyano ay hindi maaaring isilang na muli ng pangalawang beses at ang Pagtubos ay hindi maaaring pawalang bisa. Ang buhay na walang hanggan ay hindi maaaring mawala dahil kung mawawala ito salungat ito mismo sa kahulugan ng buhay na walang hanggan. Kung maaaring mawala ang buhay na walang hanggan sa isang Kristiyano, babawiin ng Diyos ang Kanyang sinabi at magbabago ang Kanyang isip - dalawang bagay na hindi maaaring gawin ng Diyos.
Ang pinakapangunahing pagtutol sa paniniwalang ito ay ang mga sumusunod: 1) Paano ang mga nagsasabing Kristiyano ngunit patuloy na namumuhay sa imoralidad? 2) Paano yaong mga dating Kristiyano ngunit kalaunan ay itinakwil si Kristo at hindi na nagpatuloy sa pananampalataya? Ngunit ang dapat na bigyan linaw sa mga pagtutol na ito ay "Sino nga ba talaga ang mga tunay na Kristiyano?" Idineklara ng Bibliya na ang mga tunay na Kristiyano ay hindi magpapatuloy sa immoral na pamumuhay (1 Juan 3:6). Sinasabi ng Bibliya na ang pagtalikod sa pananampalataya ay nagpapakita lamang na ang taong tumalikod ay hindi talaga naging tunay na Kristiyano. "Bagamat sila'y dating kasamahan natin, hindi natin tunay na kaisa ang mga taong iyon. Sapagkat kung sila'y tunay na atin, nanatili sana silang kasama natin. Ngunit umalis sila, kaya't maliwanag na silang lahat ay di tunay na atin" (1 Juan 2:19). Kaya nga, ang pagtutol na ito ay nakabatay sa maling pangunawa kung sino ang tunay na Kristiyano. Ang mga tunay na Kristiyano ay hindi magpapatuloy sa immoral na pamumuhay o kaya naman ay itatakwil si Kristo at tatalikod sa pananampalataya. Ang mga aksyong ito ay mga patunay lamang na hindi talaga sila natubos sa kanilang mga kasalanan.
Hindi maaaring mawala pa sa tunay na Kristiyano ang kaligtasan. Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos (Roma 8:38-39). Walang makaaagaw sa isang tunay na Kristiyano sa kamay ng Diyos (Juan 10:28-29). Ang Diyos ay may kakayahang garantiyahan at ingatan ang kaligtasang ipinagkaloob Niya sa atin. Sinabi sa sulat ni Judas talata 24-25, "Sa kanya na makapag-iingat sa inyo upang hindi kayo magkasala, at makapaghaharap sa inyo nang walang kapintasan at may malaking kagalakan sa kanyang kaluwalhatian--- v25sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristong Panginoon natin---sa kanya ang kapurihan, karangalan, kadakilaan at kapangyarihan, mula pa noong una, ngayon, at magpakailan pa man! Amen."
English
Maaari pa bang mawala ang kaligtasan ng isang Kristiyano?