Tanong
Ano ang ibig sabihin na ang mga Kristiyano ay inampon ng Diyos?
Sagot
Ang pagampon sa isang tao ay ang pagiging legal na anak na lalaki o babae sa isang pamilya. Ang pagampon ay isa sa mga simbolismo na ginagamit sa Bibliya para ipaliwanag kung paanong ang mga Kristiyano ay ibinilang sa pamilya ng Diyos. Dumating si Jesus, “upang palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan. Sa gayon, tayo'y maituturing na mga anak ng Diyos” (Galacia 4:5), at Siya ay nagtagumpay: “Sapagkat hindi espiritu ng pagkaalipin ang inyong tinanggap upang kayo'y mamuhay sa takot. Sa halip, ang inyong tinanggap ay ang Espiritu ng pagkupkop upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos…” (Roma 8:15).
Ginagamit din sa Bibliya ang pigura ng pananalita na “pagsilang na muli sa pamilya ng Diyos” (Juan 3:3), na tila sumasalungat sa konsepto ng pagampon dahil normal na ang isang tao ay isinisilang sa isang pamilya o inaampon - hindi pareho. Gayunman, hindi natin dapat masyadong pagtuunan ng pansin ang pagkakaiba dahil ang dalawang konseptong ito ay mga pigura lamang ng pananalita ay hindi dapat na pagbanggain.
Ang pagampon ay hindi karaniwan sa mundo ng mga Judio. Para sa mga Judio, ang katayuan ng isang tao ay ayon sa kanyang pagsilang. Ito ang dahilan na kung mamatay ang isang lalaki, dapat na maging asawa ng kanyang kapatid ang kanyang balo. Ang unang anak na lalaki na isisilang ng bagong magasawa ay ituturing na legal na anak ng namatay na kapatid na lalaki upang magpatuloy ang linya ng kanyang pamilya. Sa juan 3, habang nakikipagusap kay Nicodemo na isang lider ng mga Judio, ginamit ni Jesus ang konsepto ng pagsilang na muli (o pagsilang mula sa itaas) para ipaliwanag kung paanong ang isang tao ay mapapabilang sa pamilya ng Diyos.
Sa mundo ng mga Romano, ang pagampon ay isang mahalaga at karaniwang pagsasanay. Sa kasalukuyan, maaari tayong sumulat ng huling habilin at iwanan ang ating kayamanan at mga ari-arian sa sinumang magustuhan natin, babae man o lalaki. Habang may ilang pagkakaiba sa mundo ng mga Romano, kailangang ipasa ng isang tao ang kanyang kayamanan at ari-arian sa kanyang anak o mga anak na lalaki. Kung walang anak na lalaki ang isang tao at nakikita niya na hindi kaya ng kanyang mga anak na lalaki na pangalagaan ang kanyang kayamanan o kaya ay hindi karapatdapat ang kanyang mga anak na lalaki na maging tagapagmana, magaampon siya ng isang karapatdapat na kanyang magiging anak para maging tagapagmana. Ang pagaampon noon ay hindi gaya sa ngayon na para sa mga sanggol o bata. Lalaking may sapat ng gulang ang karaniwang inaampon ng mga Romano. Sa ilang kaso, ang ampon ay mas matanda pa kaysa sa nagampon.
Sa pagsulat ni Pablo sa kanyang mga mambabasang Romano, ginamit niyang pigura ng pananalita ang pagampon na nauunawaan ng mga Romano. Sinasabi sa Galacia 4:3–7, “Gayundin naman, tayo noon ay nasa ilalim ng mga tuntuning umiiral sa sanlibutang ito hanggang sa tayo'y dumating sa hustong gulang. Ngunit nang sumapit ang tamang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak na isinilang ng isang babae at namuhay sa ilalim ng Kautusan upang palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan. Sa gayon, tayo'y maituturing na mga anak ng Diyos. At dahil kayo'y mga anak ng Diyos, isinugo niya ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating mga puso, na tumatawag sa Diyos ng “Ama, Ama ko!” Ginawa na kayo ng Diyos na mga anak at hindi na mga alipin, at kung gayon kayo'y mga tagapagmana niya.” Sa talatang ito, ang mga Kristiyano ay isinilang na mga alipin, ngunit tinubos sila ni Jesus mula sa pagkaalipin at inampon ng Ama at binigyan ng Banal na Espiritu kaya sila ngayon at mga tagapagmana na.
Noong lumapit tayo kay Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya, ang lahat ng ating utang ay pinawi na at binigyan tayo ng bagong pangalan at lahat ng karapatan bilang tagapagmana ng lahat ng pagaari ng Diyos. Ang isang pagkakaiba sa pagaampon ng mga Romano ay hindi inampon ang mga Kristiyano dahil itinuturing ng Diyos na sila ay karapatdapat na maging tagapagmana. Inaampon ng Diyos ang gusto Niyang ampunin kahit sila ay hindi karapatdapat dahil inampon Niya sila ayon sa Kanyang biyaya.
Kaya nga, ang mga Kristiyano ay isinilang sa pamilya ng Diyos (gamit ang pigura ng pananalita para sa mga Judio). Ang resulta ay pareho; ang mga Kristiyano ay napabilang sa pamilya ng Diyos magpakailanman.
English
Ano ang ibig sabihin na ang mga Kristiyano ay inampon ng Diyos?