Tanong
Maaari bang magpalayas ng mga demonyo/masasamang espiritu ang mga Kristiyano sa panahon ngayon?
Sagot
Ang pagpapalayas ng masasamang espiritu ay isinagawa ng iba't ibang mga tao sa mga Aklat ng Ebanghelyo at sa mga Aklat ng mga Gawa - ng mga apostol bilang pagsunod sa utos ni Kristo (Mateo 10); ng mga taong ginagamit ang pangalan ni Kristo (Markos 9:38); ng mga anak ng mga Pariseo (Lukas 11:18-19); ni Pablo (Gawa 16); at ng isang taong nagpapalayas din ng masamang espiritu (Gawa 19:11-16).
Mapapansin na ang layunin ng pagpapalayas ng mga demonyo/masasamang espiritu ng mga apostol ay upang ipakita ang kapamahalaan ni Kristo laban sa mga demonyo (Lukas 10:17) at upang patunayan na sila ay gumagawa sa pangalan ni Hesus at sa Kanyang kapangyarihan. Ipinakita din nito ang kanilang kawalan ng pananampalataya (Mateo 17:14-21). Makikita na ang pagpapalayas mga demonyo/masasamang espiritu ay isang mahalagang gawain ng mga apostol. Gayunman, hindi malinaw kung ano ang papel na ginagampanan ng pagpapalayas ng mga demonyo/masasamang espiritu sa pagdidisipulo sa kanila ni Hesus.
Kapansin pansin na may pagbabago sa aktibidad ng pagpapalayas ng mga demonyo/masasamang espiritu sa huling bahagi ng Bagong Tipan. Ang mga katuruan sa Bagong Tipan (Mula Roma hanggang Judas) ay nagpapaliwanag sa gawain ng mga demonyo ngunit hindi tinalakay ang pagpapalayas sa kanila o hinimok ang mga mananampalataya na magpalayas ng mga demonyo/masasamang espiritu. Sinabihan na tayo na labanan ang demonyo (Santiago 4:7), magingat laban sa kanya (1 Pedro 5:8) at huwag siyang hayaang makapanghimasok sa ating mga buhay (Efeso 4:27). Gayunman, hindi tayo tinuturuan na palayasin si Satanas o ang mga demonyo mula sa mga tao o hinihimok tayo na isagawa ito.
Ang aklat ng Efeso ay nagbibigay ng malinaw na katuruan kung paano tayo magtatagumpay sa ating pakikipaglaban laban sa pwersa ng kasamaan. Ang unang hakbang ay ang paglalagak ng pananampalataya kay Kristo (2:8-9), na siyang nagwawakas ng paghahari ng "prinsipe ng kasamaan na naghahari sa himpapawid" sa ating buhay (2:2). Tayo ay dapat magpasya na piliin, sa biyaya ng Diyos, na iwaksi ang masasamang gawa at sanayin ang makadiyos na gawain (4:17-24). Hindi dito kasama ang pagpapalayas ng mga demonyo kundi ang pagpapanibago ng pagiisip (4:23). Pagkatapos ng ilang praktikal na pagtuturo kung paano sumunod sa Diyos bilang Kanyang mga anak, tayo ay pinaalalahanan na mayroong espiritwal na labanan. Ito ay nalalabanan sa pamamagitan ng baluting ipinagkaloob ng Diyos sa atin upang makatayo tayong matibay laban sa pandaraya at mga gawa ng kasamaan - hindi upang palayasin ang mga demonyo (6:10). Lumalaban tayo sa pamamagitan ng katotohanan, katwiran, Ebanghelyo, pananampalataya, kaligtasan, salita ng Diyos at panalangin (6:10, 18).
Mapapansin na ng makumpleto na ang salita ng Diyos, ang mga Kristiyano ay may mas marami ng armas upang labanan ng matagumpay ang mga masamang espirtu higit sa mga naunang Kristiyano. Ang papel ng pagpapalayas ng demonyo/espiritu ay pinalitan na, sa malaking bahagi, ng pageebanghelyo at pagdidisipulo sa pamamagitan ng Salita ng Diyos. Dahil hindi kasama ang pagpapalayas ng mga demonyo/masasamang espiritu sa mga pamamaraan ng pakikibakang espiritwal sa Bagong Tipan, mahirap na malaman kung paano gagawin ang pagpapalayas ng mga demonyo/masasamang espiritu sa panahong ito. Kung kailangan man ito, ito ay magagawa sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan ng Salita ng Diyos sa isang tao sa pangalan ng Panginoong Hesu Kristo.
English
Maaari bang magpalayas ng mga demonyo/masasamang espiritu ang mga Kristiyano sa panahon ngayon?