Tanong
Ano ang pananaw ng Kristiyano sa pagreretiro?
Sagot
Habang papalapit ang Kristiyano sa edad ng pagreretiro, iniisip nila ang kanilang gagawin sa mga panahong iyon. Magreretiro din ba ang Kristiyano sa kanilang paglilingkod sa Panginoon kung magretiro sila sa kanilang mga trabaho?
Ano ang pananaw ng Kristiyano sa pagreretiro?
1) Kahit na walang makikitang eksaktong prinsipyo sa Bibliya kung ang isang tao ay dapat na magretiro sa kanyang gawain kung sumapit siya sa isang partikular na edad, magagamit na halimbawa ang mga Levita at ang kanilang paglilingkod sa tabernakulo. Sa mga Bilang 4, binilang ang mga lalaking Levita para sa paglilingkod sa tabernakulo mula sa edad na 25 hanggang 50 taong gulang, at pagkatapos ng 50 taong gulang, kailangan na nilang magretiro sa regular na paglilingkod. Maaari silang magpatuloy sa pagtulong sa kanilang mga kapatid ngunit hindi na maaaring magpatuloy pa sa kanilang gawain (Mga Bilang 8:24-26).
2) Bagamat maaari tayong magretiro sa ating mga bokasyon (maging sa full time na paglilingkod sa ministeryo), hindi tayo dapat magretiro sa paglilingkod sa Panginoon kahit na magbago ang pamamaraan ng ating paglilingkod. Isang halimbawa ang dalawang matanda sa Lukas 2:25-38 (si Simeon at Ana) na nagpatuloy sa kanilang tapat na paglilingkod. Si Ana ay isang matandang biyuda na naglingkod sa templo at araw araw na nananalangin at nagaayuno. Sinabi ni Pablo sa Tito 2 na ang nakatatandang lalaki at babae ay dapat na magturo, sa pamamagitan ng halimbawa, kung paano dapat mamuhay ang nakababatang lalaki at babae.
3) Hindi dapat gamitin ng isang mananampalataya ang kanyang mga nalalabing panahon sa pamamahinga at pagsasaya lamang. Sinabi ni Pablo na ang isang matanda na namumuhay sa kasiyahan ay "patay" na kahit nabubuhay pa (1 Timoteo 5:6). Salungat sa itinuturo ng Bibliya, inihahambing ng marami ang pagreretiro sa "panahon ng kasiyahan." Hindi naman ibig sabihin na hindi maaaring maglaro ang isang retirado ng golf, makipagsosyalan o magsaya sa buhay. Ngunit hindi ang mga ito ang pangunahing layunin ng buhay sa kahit anong edad.
4) Sinasabi sa 2 Corintho 12:14 na dapat na magtabi ang mga magulang para sa kanilang mga anak. Ngunit ang pinakadakilang bagay na "maitatabi" para sa mga anak ay ang pamanang espiritwal; na maaaring ipasa sa mga anak, mga apo, at sa mga kapo apuhan. Maraming mga lahi at henerasyon ang nabago dahilan sa inalagaan sila sa tapat na panalangin ng isang nakatatanda sa pamilya. Ang panalangin marahil ang pinakamabungang panalangin ng mga taong nagretiro na.
Hindi nagreretiro ang mga Kristiyano sa paglilingkod kay Kristo; nagbabago lamang ang kanilang lugar ng ministeryo. Habang sumasapit ang isang tao sa edad ng pagreretiro, maaaring magbago ang bokasyon ngunit hindi nagbabago ang buhay paglilingkod sa Panginoon. Kadalasan, ang mga "matandang mananampalataya" ang mas epektibong nakapagbabahagi ng mga katotohanan ng Salita ng Diyos dahil sa kanilang malawak at mayamang karanasan kung paano kumilos ang Diyos sa kanilang mga buhay. Ang panalangin ng Mangaawit ang dapat nating maging dalangin habang tayo ay tumatanda: "Kaya ako'y nagpupuri, nagpupuri buong araw, akin ngayong ihahayag ang taglay mong karangalan" (Awit 71:18).
English
Ano ang pananaw ng Kristiyano sa pagreretiro?