settings icon
share icon
Tanong

Ano ba ang dapat na pakahulugan ng Kristiyano sa panaginip?

Sagot


Ang gotquestions.org/tagalog ay hindi nagbibigay ng serbisyo upang magpaliwanag ng mga panaginip at hindi rin kami nagbibigay ng kahulugan sa mga panaginip. Naniniwala kami na ang panaginip at ang interpretasyon ng panaginip ay dapat na sa pagitan lamang ng taong nanaginip at ng Diyos. Ang Diyos ba ay nagsasalita pa sa mga tao ngayon sa pamamagitan ng panaginip? Nangusap ang Diyos sa mga tao sa pamamagitan ng panaginip ng maraming beses sa Bibliya. Ang mga halimbawa nito ay si Jose, anak ni Jacob (Genesis 37:5-10); si Jose na asawa ni Maria (Mateo 2:12-22); si Solomon (1 Hari 3:5-15); at marami pang iba (Daniel 2:1, 7:1; Mateo 27:19). Mayroon ding hula si propeta Joel (Joel 2:28) na inulit ni Apostol Pedro sa Gawa 2:17 na binabanggit ang paggamit ng Diyos sa mga panaginip. Kaya ang simpleng sagot ay oo, ang Diyos ay maaaring mangusap sa tao sa pamamagitan ng panaginip.

Gayunman, may malaking pagkakaiba kung paano natin ilalapat ang katotohanang ito sa ating panahon. Dapat nating tandaan na ang Salita ng Diyos ay kumpleto na at ipinahayag na dito ng Diyos ang lahat ng dapat nating malaman mula ngayon hanggang sa walang hanggan. Hindi namin sinasabi na hindi na maaaring gumawa pa ng himala ang Diyos sa ngayon o kaya ay mangusap sa tao sa pamamagitan ng mga panaginip, ngunit anumang sinabi ng Diyos, kahit sa anong paraan sa pamamagitan man ng panaginip, pangitain, impresyon, o "maliit na tinig" ay dapat na kumpletong sumasang-ayon sa Kanyang mga Salita, ang Bibliya. Hindi maaaring palitan o pangunahan ng panaginip ang awtoridad ng Banal na Kasulatan.

Kung ikaw ay nanaginip at nararamdaman mo na maaaring iyon ay galing sa Diyos, siyasatin mo habang nananalangin ang Salita ng Diyos at tiyakin mo na iyon ay sumasang-ayon sa Bibliya. Kung oo, manalangin ka sa Diyos at humingi ka ng karunungan kung paano ka tutugon sa iyong panaginip (Santiago 1:5). Sa Banal na Kasulatan, kung ang sinuman ay nagkaroon ng panaginip mula sa Diyos, laging ipinaliliwanag ng Diyos ang kahulugan ng panaginip sa isang malinaw na pamamaraan maaaring direkta sa taong nanaginip, sa pamamagitan ng isang anghel o sa pamamagitan ng isang tagapagpahayag ng Diyos (Genesis 40:5-11; Daniel 2:45, 4:19). Kapag nangungusap ang Diyos sa atin, tinitiyak Niya na mauunawaan natin ng malinaw ang Kanyang mensahe kung hindi, hindi iyon galing sa Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ba ang dapat na pakahulugan ng Kristiyano sa panaginip?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries