settings icon
share icon
Tanong

Nagbibigay pa ba ang Diyos ng mga pangitain sa ngayon?

Sagot


Maaari pa bang magbigay ng pangitain ang Diyos sa ngayon? Oo! Nagbibigay pa ba ng pangitain ang Diyos sa mga tao ngayon? Posible. Dapat ba tayong umasa na ang mga pangitain ay maging karaniwang pangyayari sa ating buhay Kristiyano? Hindi. Nakatala sa Bibliya na nagsalita ang Diyos ng maraming beses sa pamamagitan ng mga pangitain. Amg mga halimbawa ay sina Jose na anak ni Jacob, Jose na asawa ni Maria, Solomon, Isaias, Ezekiel, Daniel, Pedro at Pablo. Si Propeta Joel ay nanghula sa pagkakaroon ng mga pangitain at kinumpirma ito ni Apostol Pedro sa mga Gawa kabanata 2. Mahalagang pansinin ang pagkakaiba sa pagitan ng pangitain at panaginip. Ang pangitain ay ibinibigay kapag ang isang tao ay gising samantalang ang panaginip ay nangyayari kapag ang isang tao ay tulog.

Sa maraming bahagi ng mundo, mukhang ginagamit ng Diyos ang pangitain at panaginip ng mas madalas. Sa mga lugar na kokonti lamang ang nakakarinig ng Ebanghelyo o halos walang nangyayaring pangangaral ng Ebanghelyo at walang mga Bibliya ang mga tao, dinadala ng Diyos ang Kanyang mensahe ng direkta sa pamamagitan ng panaginip at mga pangitain. Ito ay sang-ayon sa halimbawa ng Bibliya sa mga pangitain na ginagamit ng Diyos upang ihayag ang Kanyang katotohanan sa mga unang taon ng Kristiyanismo. Kung nais ng Diyos na ipahayag ang Kanyang mensahe sa isang tao, maaari Niyang gamitin ang lahat ng kaparaanang nais Niya - isang misyonero, isang anghel, isang pangitain o isang panaginip. Maaari ding gamitin ng Diyos na instrumento ang pangitan sa mga lugar kung saan ang Ebanghelyo ay lagi ng ipinapahayag. Walang limitasyon sa maaaring gawin ng Diyos.

Sa kabila ng katotohanang ito, dapat tayong maging napakaingat pagdating sa mga pangitain at sa ating interpretasyon sa mga ito. Dapat nating tandaan na ang Bibliya ay natapos na at sinasabi dito ang lahat ng dapat nating malaman. Ang pangunahing susi kung binigyan ka ng Diyos ng isang pangitain ay nararapat na iyon ay sumasang-ayon sa mga katotohanan na ipinahayag Niya sa Kanyang mga Salita. Ang mga pangitain ay hindi dapat na bigyan ng pantay o mas mataas na awtoridad kaysa sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ang Bibliya ang nagtataglay ng pinakamataas na awtoridad sa pananampalataya at karanasang Kristiyano. Kung nagkaroon ka ng pangitain at nararamdaman mo na ang Diyos ang nagbigay noon sa iyo, manalangin ka at suriin mo ang iyong pangitain sa pamamagitan ng katotohanan ng Salita ng Diyos at tiyakin mo na ang iyong pangitain ay may pagkakasundo sa Banal na Kasulatan. Pagkatapos manalangin ka kung ano ang iyong magiging tugon sa iyong pangitain (Santiago 1:5). Hindi bibigyan ng Diyos ng pangitain ang isang tao at pagkatapos ay itatago ang kahulugan noon. Sa Banal na Kasulatan, sa tuwing ang isang tao ay humihingi sa Diyos ng kahulugan ng isang pangitain, tinitiyak ng Diyos na ipaliliwanag Niya iyon ng malinaw sa taong iyon. Kung hindi, ang pangitaing iyon ay hindi galing sa Diyos (Daniel 8:15-17).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Nagbibigay pa ba ang Diyos ng mga pangitain sa ngayon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries