Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pananatiling walang asawa ng isang Kristiyano?
Sagot
Kalimitan na mali ang pagkakaunawa ng marami tungkol sa pananatiling walang asawa ng isang mananampalataya at kung ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol dito. Sinasabi sa atin ni Pablo sa 1 Corinto 7:7-8, "Ibig ko sanang kayong lahat ay tumulad sa akin. Ngunit may kanya-kanyang kaloob mula sa Diyos ang bawat isa, at ang mga ito'y hindi pare-pareho. Ito naman ang masasabi ko sa mga walang asawa at mga babaing balo: mabuti pa sa kanila ang manatiling walang asawa, tulad ko." Pansinin na sinabi ni Pablo na nagbigay ang Diyos ng kaloob ng hindi pagaasawa at ng kaloob ng pagaasawa. Bagamat halos nagaasawa ang lahat, hindi ibig sabihin na ito ang kaloob ng Diyos para sa lahat. Si Pablo, halimbawa, ay hindi kailangang mag-alala tungkol sa mga problema at kahirapan na kalakip ng buhay may asawa o buhay pamilya. Inilaan niya ang kanyang buong buhay sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos. Maaaring hindi siya naging mas kagamit gamit na mangangaral kung siya ay may asawa.
Sa kabilang banda, may mga tao na nakagagawa ng mas marami kung may kasama sa buhay, na naglilingkod bilang mag-asawa at isang pamilya. Ang dalawang uri ng mangagawa ay parehong mahalaga. Hindi kasalanan na manatiling walang asawa sa buong buhay. Ang pinakamahalaga sa buhay ay hindi ang paghahanap ng mapapangasawa at pagkakaroon ng mga anak, kundi ang makapaglingkod sa Diyos. Dapat nating turuan ang ating sarili sa pamamagitan ng pagaaral ng Salita ng Diyos at pananalanagin. Kung hihilingin natin sa Diyos na ipahayag Niya ang Kanyang sarili sa atin, tutulungan Niya tayo (Mateo 7:7) at kung hihilingin natin na gamitin Niya tayo upang gawin ang Kanyang layunin ay ipagkakaloob din Niya iyon. "Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba na kayo at magbago ng isip upang mabatid ninyo ang kalooban ng Diyos---kung ano ang mabuti, nakalulugod sa kanya, at talagang ganap" (Roma 12:2).
Hindi dapat ituring ang pananatiling dalaga o binata ng isang mananampalataya bilang isang sumpa o indikasyon na "may mali" sa kanila. Habang karamihan ay nagaasawa, at may indikasyon sa Bibliya na kalooban ng Diyos para sa nakararami ang magasawa, ang kawalan ng asawa ng ilang Kristiyano ay hindi dahilan upang tawagin sila na mga "mahinang klaseng Kristiyano." Gaya ng sinasabi sa 1 Corinto 7 na ang pananatiling dalaga at binata sa buong buhay ay isang mataas na pagkatawag ng Diyos. Gaya ng anumang bagay sa buhay, dapat tayong humingi ng karunungan sa Diyos (Santiago 1:5). Kung susunod tayo sa plano ng Diyos para sa ating buhay sa isyu ng pagaasawa at hindi pagaasawa, magbubunga ito sa pagiging kagamit gamit at sa kagalakan na ninanais ng Diyos para sa atin.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pananatiling walang asawa ng isang Kristiyano?