settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kahulugan ng Kristiyanong pagsamba?

Sagot


Ang malimit na salin sa salitang "pagsamba" (proskuneo) sa Bagong Tipan sa salitang Griyego ay "magpatirapa" o "yumukod." Ang pagsamba ay isang saloobin ng ating espiritu. Dahil ito ay isang panloob at indibidwal na gawain, ang mga Kristiyano ay palaging sumasamba, pitong araw sa loob ng isang linggo. Sa tuwing nagtitipon ang mga Kristiyano para sa sama-samang pagsamba, ang diin pa rin ay sa bawat indibidwal na sumasamba. Sa isang kongregasyon, ang bawat isa ay dapat na may kaalaman sa ganang kanyang sarili kung siya ay sumasamba bilang isang mananampalataya.

Ang katangiang kailangan sa pagsamba ay pagsambang galing sa kaibuturan ng puso ng tao at naipapakita sa kanyang pamumuhay. Mayroon din itong dalawang mahalagang katangian. Dapat tayong sumamba sa "espiritu at katotohanan" (Juan 4:23-24). Ang pagsamba sa espiritu ay walang kinalaman sa ating panlabas na postura. Ito ay tumutukoy sa pagsamba sa kaibuturan ng ating puso at may mga kwalipikasyon. Una, nararapat na ang isang tao ay maipanganak na muli. Kung wala ang Banal na Espiritu sa isang tao, hindi siya makatutugon sa Diyos sa panahon ng pagsamba dahil hindi niya Siya nakikilala. "Gayon din naman ang mga bagay ng Dios ay hindi nakikilala ng sinoman, maliban na ng Espiritu ng Dios" (1 Corinto 2:11). Ang Banal na Espiritu na nasa atin ang siyang nagbibigay ng sigla sa ating pagsamba. Ito ay sa dahilang ang tungkuling ito ay Kanyang paraan para luwalhatiin ang Kanyang sarili dahil ang tunay na pagsamba ay lumuluwalhati sa Diyos.

Pangalawa, ang pagsamba sa espiritu ay nangangailangan ng isang isipang nakatuon sa Diyos at ang kaisipang ito ay dapat na binago ng katotohanan. Ipinangaral ni Apostol Pablo, "huwag kayong magsiayon sa sanglibutang ito: kundi magiba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pagiisip" (Roma 12:1-2). Maliban na ang ating isipan ay nakatuon sa Diyos at hindi sa mga makamundong bagay, hindi tayo makakasamba ng tunay sa Diyos. Maraming mga sagabal ang maaaring pumuno sa ating isipan at maaaring makaistorbo kung tayo ay sumasamba at nagpupuri sa Diyos.

Pangatlo, makakasamba lamang tayo sa espiritu sa pamamagitan ng pagkakaroon ng busilak, bukas at nagsisising puso. Nang mapuno ng kumbiksyon ang puso ni Haring David dahil sa kasalanan niya kay Bathsheba (2 Samuel 11), nahirapan na siyang sumamba. Naramdamam nya na ang Diyos ay malayo sa kanya, at siya ay "nanglumo . . . buong araw" at kanyang naramdaman ang bigat ng kamay ng Diyos. Subalit nang ihingi niya iyon ng kapatawaran, nanumbalik ang kanyang magandang pakikisama sa Diyos at napuno ang kanyang puso ng pagsamba. Naunawaan niya na "ang mga hain sa Dios ay bagbag na loob: isang bagbag at may pagsisising puso." Ang pagsamba at pagpupuri sa Diyos ay hindi maaaring manggaling sa isang pusong puno ng kasalanang hindi inaamin at pinagsisisihan.

Ang pangalawang katangian ng tunay na pagsamba ay hindi lamang sa espiritu kundi sa katotohanan. Lahat ng pagsamba ay pagtugon sa katotohanan. Wala nang mas mataas na batayan ng katotohanan na higit sa Salita ng Diyos. Tugon ni Hesus sa Ama: "ang salita mo'y katotohanan" (Juan 17:17). Ayon sa Awit 119, "ang kautusan mo'y katotohanan" (talata 142) at "ang kabuuan ng iyong salita ay katotohanan" (talata 160). Upang tunay na masamba ang Panginoon, kailangan nating maunawaan kung sino Siya at ano ang Kanyang ginawa. Ang natatanging kapahayagan ng Diyos ay matatagpuan sa Kanyang Salita. Ang pagsamba ay pagpapahayag natin ng ating pagpupuri at pagsamba na galing sa kaibuturan ng ating puso para sa Diyos ng ating maunawaan sa kanyang salita. Kung wala ang katotohanan ng Bibliya, wala tayong kaalaman patungkol sa Diyos at hindi natin siya masasamba sa tamang kaparaanan.

Dahil ang panlabas na aksyon ay pangalawa lamang sa tamang pagsamba, walang alituntunin kung tayo ba ay uupo, tatayo, magpapatirapa, mananahimik o aawit ng malakas sa sama-samang pagsamba. Ang mga bagay na ito ay pinagpapasyahan ayon sa itinakda ng kongregasyon. Ang pinakamahalagang bagay ay sumasamba tayo sa Diyos sa espiritu (sa ating puso) at sa katotohanan (sa ating isipan).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kahulugan ng Kristiyanong pagsamba?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries