Tanong
Ano ba ang maka-Kristiyanong pananaw sa mundo?
Sagot
Ang maka-Kristiyanong pananaw sa mundo ay ang pangunawa ng isang Kristiyano sa mundo na kanyang ginagalawan. Ang pananaw sa mundo ng isang tao ay ang kanyang ‘malaking paglalarawan’ dito at ang kanyang pinaniniwalaan sa mga bagay-bagay at sa mga nangyayari sa mundong ito. Ito ang kanyang itinuturing na katotohanan ayon sa kanyang paniniwala. Ito ang basehan ng kanyang pang-araw araw na pagdedesisyon kung kaya't ito ay napakahalaga.
Kung ang isang mansanas na nakalagay sa ibabaw ng isang mesa ay ating ipakita sa iba't ibang uri ng tao, makakakuha tayo ng iba’t-ibang reaksyon. Kung isang botanist ang titingin dito ika-classify niya ang mansanas kung saang grupo ng prutas ito nabibilang. Kung ang isang pintor naman ang titingin sa prutas, ipipinta niya ito. Kung bata naman ang makakita sa mansanas, tiyak na kakainin niya ito. Kung paano natin tinitingnan ang anumang sitwasyon ay naiimpluwensiyahan ng kung papaano natin tinitingnan ang mundo sa pangkalahatan. Ang lahat ng pananaw sa mundo, Kristiyano o hindi Kristiyano, ay nahaharap sa tatlong katanungang ito:
1) Saan ba tayo nagmula at ano ang layunin natin sa mundo?
2) Ano ba ang kasalanan?
3) Papaano natin maiisaayos ang mga bagay sa mundo?
Ang karaniwang pananaw sa panahong ito ay ang naturalistic view at sinasagot ang mga katanungan sa itaas gaya ng sumusunod 1) Tayo ay produkto lamang ng kalikasan at walang tiyak na layunin sa mundo. 2) hindi natin iginagalang ang kalikasan na dapat sana'y iginagalang natin. 3) maililigtas natin ang mundo sa pamamagitan ng pangangalaga dito. Ang naturalistic view ay ang dahilan ng paglabas ng iba pang pilosopiya kagaya ng moral relativism, existentialism, pragmatism at utopianism.
Sa Kabilang banda ang maka-Kristiyanong pananaw sa mundo, ay sinasagot ang tatlong katanungan sa itaas na naaayon sa itinuturo ng Bibliya: 1) Tayo ay nilalang ng Diyos, dinisenyo upang pamahalaan ang mundo at magkaroon ng kaugnayan sa Kanya (Genesis 1:27-28; 2:15). 2) tayo ay nagkasala laban sa Diyos (Genesis 3). 3) Ang Diyos mismo ang tumubos sa sanlibutan sa pamamagitan ng paghahandog ng Kanyang Anak na si Hesu Kristo (Genesis 3:15; Lucas 19:10), at sa darating na mga panahon, muli Niyang ibabalik ang perpektong kalagayan ng Kanyang mga nilalang (Isaias 65:17-25). Ang maka-Kristiyanong pananaw sa mundo ay gumagabay sa atin upang ating paniwalaan na may iisang pamantayan ng moralidad (moral absolutes), mga himala, dignidad ng sangkatauhan, at ang posibilidad ng katubusan mula sa kasalanan.
Napakahalagang tandaan na ang pananaw sa mundo ay nakakaapekto sa lahat ng aspeto ng buhay mula sa pera hanggang sa moralidad at mula sa pulitika hanggang sa sining. Ang totoong Kristiyanismo ay higit pa kaysa sa mga ideyang ginagamit sa mga simbahan. Ang Kristiyanismo na itinuturo ng Bibliya ay ang makatotohanang pananaw sa mundo. Ang mabuhay bilang kristiyano ay ang tanging buhay na kasiyasiya. Ipinakilala ni Hesus ang Kanyang sarili bilang "Ang daan, ang katotohanan, at ang buhay" (Juan 14:6) at sa pamamagitan ng pananampalataya sa katotohanang ito, ito ang nagiging pananaw natin sa mundo.
English
Ano ba ang maka-Kristiyanong pananaw sa mundo?