Tanong
Ano ang Kristiyanong Eskatolohiya (Christian Eschatology)?
Sagot
Ang Eskatolohiya (Eschatology) ay ang pagaaral sa itinuturo ng Bibliya tungkol sa mga magaganap sa mga huling panahon. Itinuturing ng marami ang eskatolohiya na isang aspeto ng teolohiya na dapat iwasan. Siyempre, hindi naman kasinghalaga ang pagaaral sa eskatolohiya ng pagaaral sa Kristolohiya o pagaaral tungkol kay Cristo (Christology) o Soteriolohiya o pagaaral tungkol sa kaligtasan (Soteriology). Hindi naman ito nangangahulugan na hindi ito mahalaga sa isang Biblikal na pananaw. Kung paano natin inuunawa ang eskatolohiya ay may epekto sa kung paano tayo namumuhay at kung ano ang ating inaasahang mangyari ayon sa plano ng Diyos. Ang mga sumusunod ang ilang mahahalagang isyu sa Eskatolohiya:
Ano ang pagdagit (rapture)? Ang salitang “rapture” ay hindi makikita sa Bibliya. Gayunman, ang konsepto ng rapture ay malinaw na itinuturo sa Kasulatan. Ang pagdagit sa iglesya para dalhin sa langit ay isang pangyayari kung kailan kukunin ng Diyos ang lahat na mga mananampalataya sa lupa upang bigyang daan ang Kanyang makatuwirang hatol na kanyang ibubuhos sa mundo sa panahon ng pitong taon ng Kapighatian.
Kailan magaganap ang pagdagit sa relasyon nito sa Kapighatian? Magaganap ba ito bago ang Kapighatian (pre-tribulation), sa kalagitnaan ng Kapighatian (mid-tribulation), o sa katapusan ng Kapighatian (post-tribultaion)?
Ano ang Ikalawang Pagparito ni Cristo at bakit ito mahalaga? Bakit napakahalaga na muling babalik si Cristo? Kailan muling paparito si Cristo? Ano ang mga tanda ng muling pagparito ni Cristo?
Ang Isanlibong taon (millennium) ba ng paghahari ni Cristo sa lupa ay literal o pigura ng pananalita? Ang katuparan ng marami sa mga tipan at mga pangako ng Diyos ay nakasalalay sa isang literal, pisikal at isang tunay na Kaharian sa hinaharap. Walang solidong basehan para tanggihan ang literal na pangunawa sa Isanlibong taon ng paghahari at sa haba nito na 1,000 taon.
Buhay pa ba ang henerasyon noong panahon ng pagpapanumbalik sa Israel bilang isang bansa sa panahon ng Ikalawang Pagparito? Hindi ayon sa Kasulatan ang katuruan na masasaksihan ang muling pagparito ni Jesu Cristo ng henerasyon noong panahong naging isang bansa muli ang Israel. Maaaring ito ang kaso, pero hindi ito partikular na itinuturo ng Kasulatan.
Inilalarawan ng Bibliya ang isang nakapangingilabot na yugto na kapighatian sa ika-anim hanggang ika-labingwalong kabanata ng Aklat ng Pahayag. Kung ang Kapighatiang ito ay magaganap pagkatapos ng rapture o pagkatapos ng kapighatian ang rapture, o nagaganap na ang kapighatian ngayon, ang magkakaibang pananaw na ito ay may malaking epekto sa ating paghahanda dito sa lupa. Tinutulungan tayo ng eskatolohiya na maunawaan ang mga hula sa Kasulatan at kung paano tayo mamumuhay sa liwanag ng gagawin ng Diyos sa mga huling panahon. May malalaking kontrobersya sa eskatolohiya, pero hindi ito dahilan para iwasan natin ang ating responsibilidad na pagaralan at unawain ang itinuturo ng Bibliya patungkol sa mga huling panahon. Ang pangunawa sa eskatolohiya ang magaalis sa marami nating takot patungkol sa hinaharap. Walang hanggan ang kapamahalaan ng ating Diyos. Siya ay may plano, at ito ay magaganap ayon sa Kanyang perpektong kalooban at panahon. Ito ay isang napakalaking kaaliwan para sa mga sumasampalataya kay Cristo!
Ang susing talata sa eskatolohiya ay ang Tito 2:13, “habang hinihintay natin ang pinagpalang araw na ating inaasahan. Ito ang araw na mahahayag ang kaluwalhatian ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.”
English
Ano ang Kristiyanong Eskatolohiya (Christian Eschatology)?