settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Linggo ng Pagkabuhay?

Sagot


Napakaraming kalituhan tungkol sa kung ano ba ang Linggo ng Pagkabuhay. Para sa iba, ang Linggo ng Pagkabuhay ay tungkol sa isang kuneho, mga makukulay na itlog na may mga dibuho, at paghahanap ng mga nakatagong itlog. Maraming tao naman na alam na ang Linggo ng Pagkabuhay ay tungkol sa pagkabuhay ni Hesus, ngunit nalilito kung ano ang kinalaman ng kuneho at ng mga itlog sa okasyong ito.

Kung paguusapan ang Bibliya, talagang walang kinalaman ang mga pangkaraniwang tradisyon ng tao sa kasalukuyan sa pagkabuhay ni Hesus. Upang malaman ang dahilan sa likod ng mga tradisyon sa Linggo ng Pagkabuhay, basahin ang aming artikulo tungkol sa paksang ito. Sa esensya, para mas maging kaakit-akit ang Kristiyanismo sa mga hindi Kristiyano, inihalo ng Simbahang Katoliko ang mga selebrasyong pagano sa selebrasyon ng pagkabuhay na muli ni Hesus. Ang mga itlog at kuneho ay bahagi ng "fertility rituals" ng mga pagano noong unang panahon. Ang mga ritwal na ito na ginaganap ng mga pagano tuwing tag-sibol ay ang dahilan sa likod ng mga kinulayang itlog at kuneho tuwing Linggo ng Pagkabuhay.

Malinaw ang tala ng Bibliya na nabuhay na mag-uli si Hesus sa unang araw ng sanlinggo, na araw ng Linggo (Mateo 28:1; Markos 16:2,9; Lukas 24:1; Juan 20:1,19). Sadyang nararapat na ipagdiwang ng mga Kristiyano ang pagkabuhay na muli ni Hesus (tingnan ang 1 Corinto 15). Habang nararapat na alalahanin ang pagkabuhay na muli ni Hesus sa araw ng Linggo, hindi dapat tawagin ang araw na ito na Easter Sunday. Walang kinalaman ang salitang "Easter" sa pagkabuhay na muli ni Hesus.

Dahil sa kalituhang ito, nadarama ng marami na hindi dapat tawagin na Easter ang pagalaala sa pagkabuhay na muli ni Hesus kundi dapat na "Linggo ng muling Pagkabuhay." Higit itong nararapat at naaayon sa Bibliya. Para sa isang tunay na Kristiyano, hindi niya kayang ihalo ang walang kabuluhang karakter ng isang kuneho at mga kinulayang itlog sa pagdiriwang ng pagkabuhay na muli ni Hesus na siyang pinakasentro ng selebrasyon.

Dapat nating gunitain sa tuwina ang pagkabuhay na muli ni Hesus araw araw hindi lamang isang beses sa isang taon. Gayundin naman, kung ipagdiriwang natin ito sa isang araw ng Linggo, hindi natin dapat hayaan na maagaw ng mga makalupang kasiyahan at palaro ang ating atensyon, sa halip ay gunitain natin ang tunay na dahilan ng okasyong ito - ang katotohanan na nabuhay na mag-uli si Hesus mula sa mga patay na siyang katibayan ng Kanyang pangako sa atin, na isang walang hanggang tahanan sa Langit na nakakamit sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesu Kristo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Linggo ng Pagkabuhay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries