Tanong
Saan sa Lumang Tipan binabanggit si Kristo?
Sagot
Napakaraming hula sa Lumang Tipan tungkol kay Hesu Kristo. May mga tagasalin ng Bibliya na sinasabi na aabot sa mahigit isandaan ang mga hula tungkol sa pagdating ni Kristo. Ang mga sumusunod ang pinakamalinaw at pinakamahalaga sa mga ito.
Tungkol sa kapanganakan ni Kristo: Sinasabi sa Isaias 7:14, “Kaya't ang Panginoon nga ay magbibigay sa inyo ng tanda; narito, isang dalaga ay maglilihi, at manganganak ng isang lalake, at tatawagin ang kaniyang pangalan na Emmanuel.” Sa Isaias 9:6, “Sapagka't sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan.” Sa Mikas 5:2, “Nguni't ikaw, Beth-lehem Ephrata, na maliit upang lumagay sa libolibo ng Juda, mula sa iyo ay lalabas sa akin ang isa na magpupuno sa Israel; na ang pinagbuhatan niya ay mula nang una, mula nang walang hanggan.”
Tungkol naman sa ministeryo at kamatayan ni Hesus: Sa Zacarias 9:9, “Magalak kang mainam, Oh anak na babae ng Sion; humiyaw ka, Oh anak na babae ng Jerusalem: narito, ang iyong hari ay naparirito sa iyo; siya'y ganap at may pagliligtas; mapagmababa, at nakasakay sa isang asno, sa isang batang asno na anak ng asnong babae.” Sa Awit 22:16-18, “Sapagka't niligid ako ng mga aso: Kinulong ako ng pulutong ng mga manggagawa ng masama; Binutasan nila ang aking mga kamay at ang aking mga paa. Aking maisasaysay ang lahat ng aking mga buto; Kanilang minamasdan, at pinapansin ako: Hinapak nila ang aking mga kasuutan sa gitna nila, At kanilang pinagsapalaran ang aking kasuutan. Nguni't huwag kang lumayo, Oh Panginoon.”
Ang pinaka malinaw na hula tungkol kay Hesus ay ang buong ika-53 kapitulo ng aklat ni Isaias. Sinasabi sa Isaias 53:3-7, “Siya'y hinamak at itinakuwil ng mga tao; isang taong sa kapanglawan, at bihasa sa karamdaman: at gaya ng isa na pinagkublihan ng kanilang mukha ng mga tao, na siya'y hinamak, at hindi natin hinalagahan siya. Tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan; gayon ma'y ating pinalagay siya na hinampas, sinaktan ng Dios, at dinalamhati. Nguni't siya'y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya'y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya; at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo. Tayong lahat na gaya ng mga tupa ay naligaw; tayo ay tumungo bawa't isa sa kaniyang sariling daan; at ipinasan sa kaniya ng Panginoon ang kasamaan nating lahat. Siya'y napighati, gayon man nang siya'y dinalamhati ay hindi nagbuka ng kaniyang bibig; gaya ng kordero na dinadala sa patayan, at gaya ng tupang nasa harap ng mga manggugupit sa kaniya ay pipi, gayon ma'y hindi niya binuka ang kaniyang bibig.”
Ang “pitumpung pito” na hula sa Daniel 9 ay tumutukoy sa eksaktong panahon nang si Hesus, ang Mesias, ay “ihihiwalay.” Ang Isaias 5:6 naman ay eksaktong naglalarawan ng mga palo na tinanggap ni Hesus. Sa Zacarias 12:10, hinulaan ang “pag-ulos” sa Kanyang tagiliran na naganap pagkatapos na Siya ay malagutan ng hininga sa krus. Marami pang mga halimbawa ang maaaring tukuyin ngunit sapat na ang mga ito. Tunay na hinulaan sa Lumang Tipan ang pagdating ni Hesus, ang ating Tagapagligtas.
English
Saan sa Lumang Tipan binabanggit si Kristo?