Tanong
“Maaari bang magkasala si Hesus? Kung hindi Siya maaaring magkasala paano Siya makikisimpatya sa ating mga kahinaan (Hebreo 4:15). Kung si Hesus ay hindi maaaring magkasala, bakit pa Siya Kailangang tuksuhin?”
Sagot
May dalawang mukha ang tanong na ito. Mahalagang tandaan na hindi ito tanong kung nagkasala ba si Hesus. Malinaw na sinasabi ng Bibliya na hindi kailanman nagkasala si Hesus (2 Corinto 5:21; 1 Pedro 2:22). Ang tanong ay maaari bang magkasala si Hesus sa Kanyang katawang lupa? May dalawang pananaw sa bagay na ito. Ang mga nanghahawak sa “impeccability” ay naniniwala na hindi si Hesus maaaring magkasala. Mayroon namang naniniwala sa “peccability” o may kakayahan si Hesus na magkasala gayunman, hindi Siya nagkasala. Aling pananaw ang tama? Ang malinaw na itinuturo ng Bibliya ay ang “impeccability” ni Hesus o hindi maaaring magkasala si Hesus. Kung maaari Siyang magkasala, maaari pa rin Siyang magkasala hanggang ngayon dahil taglay Niya ang parehong katangian ng pagiging ganap na tao at pagiging ganap na Diyos doon sa langit. Siya ay tunay na Diyos at tunay na Tao at mananatili Siyang gayon kaya ang pagka-Diyos at pagka-Tao Niya ay hindi mapaghihiwalay magpakailanman. Ang mga naniniwala na may kakayahang magkasala si Hesus ay naniniwala rin na maaaring magkasala ang Diyos. “Sapagka't minagaling ng Ama na ang buong kapuspusan ay manahanan sa kaniya (Colosas 1:19). Idinagdag pa ng Colosas 2:9 “Sapagka't sa kaniya'y nananahan ang buong kapuspusan ng pagka-Dios sa kahayagan ayon sa laman.”
Kahit na ganap na tao si Hesus, hindi Siya ipinanganak na may makasalanang kalikasan na kapareho natin. Tinukso Siya sa lahat ng paraan na gaya natin at ang mga tuksong iyon ay direktang inialok sa Kanya ni Satanas ngunit nanatili Siyang banal dahil ang Diyos ay walang kakayahang magkasala. Ang pagkakasala ay laban sa mismong kalikasan ng Diyos (Mateo 4:1; Hebreo 2:18, 4; 15; Santiago 1:13). Ang kahulugan ng kasalanan ay pagsalungat sa Diyos at hindi kailanman sasalungatin ng Diyos ang kanyang sarili. Ang kautusan ay ginawa ng Diyos hindi para sa Kanya kundi para sa tao. Hindi Siya sakop ng Kanyang kautusan dahil hindi Siya maaaring magkasala.
Ang tukso ay hindi nangangahulugan ng mismong pagkakasala. Maaaring tuksuhin ka ng isang tao na gumawa ng isang bagay na hindi mo gustong gawin gaya ng pagpatay o pagkakasalang sekswal. Maaaring wala kang anumang pagnanasa na gumawa ng mga ganitong pagkakasala, ngunit maaari ka pa ring tuksuhin ng isang tao. May dalawang kahulugan ang salitang “tukso.”
1) Una ay ang suhestiyon ng pagkakasala mula sa ibang tao o sa isang bagay na labas sa iyong sariling makasalanang kalikasan.
2) Ikalawa ay ang pagiisip ng mismong paggawa ng isang kasalanan at ang pagkunsidera na maranasan ang kasiyahan at ang konsekwensya ng naturang makasalanang gawa na napagbulay-bulayan mong gawin sa iyong isipan.
Ang unang kahulugan ay hindi matatawag na kasalanan kundi ang ikalawa. Kung pinag-iisipan mo na ang isang makasalanang gawa at ikinukunsidera kung papaano mo iyon gagawin, tumawid ka na sa landas ng pagkakasala. Si Hesus ay tinukso sa lahat ng kaparaanan na maaari nating isipin ngunit kailanman ay hindi Siya natuksong mag-isip o gumawa ng kasalanan dahil wala Siyang makasalanang kalikasan na katulad ng karaniwang tao. Nag-alok si Satanas ng lahat ng masamang kaisipan upang itulak si Hesus sa pagkakasala ngunit walang pagiisip o pagnanasa man na gawin ni Hesus ang mga bagay na iniaalok sa Kanya ni Satanas. Kaya nga tinukso siya sa lahat ng paraan gaya natin ngunit kailanman ay hindi Siya nagkasala.
Sa mga naniniwala sa “peccability,” iniisip nila na kung hindi si Hesus maaaaring magkasala, hindi Niya talaga mararanasan ang tuksuhin at dahil doon ay hindi Siya maaaring makisimpatya sa ating pakikipagtunggali laban sa kasalanan. Dapat nating tandaan na hindi kailangang maranasan ng sinuman ang isang bagay upang maunawaan iyon. Alam ng Diyos ang lahat ng bagay at ang lahat na pinagdadaanan ng tao. Habang ang Diyos ay walang anumang karanasan ng pagkakasala o pagnanais sa kasalanan at kailanman ay hindi Siya maaaring magkasala, tiyak na nalalaman at nauunawaan ng Diyos kung ano ang pagkakasala. Alam at nauunawaan Niya kung paano tayo tinutukso ng kaaway. Maaring makisimpatya si Hesus sa atin dahil alam Niya hindi dahil “naranasan” Niya ang lahat ng ating naranasan patungkol sa tukso.
Alam ni Hesus kung paano tuksuhin ngunit hindi Niya alam kung paano magkasala. Hindi nito mahahadlangan ang pagtulong at pagunawa Niya sa atin. Lahat tayo ay nakaranas na ng anumang tukso na naranasan na rin ng lahat ng tao (1 Corinto 10:13). Ang mga tuksong ito ay maikakategorya natin sa tatlong klase: ang “pita ng mata,” “pita ng laman” at ang “kapalaluan sa buhay” (1 Juan 2:16).Kung pag-aaralan kung paano tinukso ni Satanas si Eva sa hardin ng Eden, sa gayunding paraan tinukso ng diablo si Hesus. Makikita na pareho silang tinukso sa tatlong kategoryang ito. Si Hesus ay tinukso sa lahat ng kaparaanan sa bawat aspeto ng Kanyang buhay ngunit Siya'y nanatiling banal at wala ni anumang bahid ng kasalanan. Ito ang magandang balita para sa mga Kristiyano: kahit na tayo ay may makasalanang kalikasan at dahil dito tayo ay may kagustuhan na gumawa ng kasalanan, mayroon na tayong kakayahan sa pamamagitan ng Panginoong Hesu Kristo na mapagtagumpayan ang mga tukso at kasalanan dahil hindi na tayo alipin ng kasalanan kundi mga alipin na ng Diyos na pinananahanan ng Banal na Espiritu (Roma kabanata 6, partikular ang mga talatang 2 at 16 hanggang 22).
English
“Maaari bang magkasala si Hesus? Kung hindi Siya maaaring magkasala paano Siya makikisimpatya sa ating mga kahinaan (Hebreo 4:15). Kung si Hesus ay hindi maaaring magkasala, bakit pa Siya Kailangang tuksuhin?”