settings icon
share icon
Tanong

Itinuturo ba ng Markos 16:16 na kinakailangan ang bawtismo para sa kaligtasan?

Sagot


Malalaman natin ang itinuturo ng bawat talata o sitas sa Bibliya kung isasaalang-alang natin ang ating mga nalalaman sa itinuturo ng buong Bibliya patungkol sa isang paksa. Sa kaso ng bawtismo at kaligtasan, malinaw na itinuturo ng Bibliya na ang kaligtasan ay sa biyaya lamang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo, hindi sa anumang mabubuting gawa, kasama rito ang bawtismo (Efeso 2:8-9). Kaya nga, ang anumang pagpapakahulugan sa alinmang talata na kinakailangan ang bawtismo o anumang gawa ng tao para sa kaligtasan ay isang maling interpretasyon. Para sa iba pang impormasyon tungkol sa paksang ito, pakibasahin ang aming artikulo na may pamagat na "Ang kaligtasan ba ay sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, o sa pamamagitan ng pananampalataya at mga gawa?"

Kung tatangkaing unawain ang kahulugan ng Markos 16:16, mahalagang malaman muna na maraming problema sa mga talatang ito. May mga pinagdududahan kung ang Markos 16:9-20 ay orihinal na bahagi ng Ebanghelyo ni Markos o kung ito ay idinagdag lamang ng isang eskriba. Dahil dito, hindi maganda na ibatay ang isang mahalagang doktrina mula sa Markos 16:9-20, gaya ng paghawak ng ahas, maliban na lamang kung ito ay sinusuportahan ng iba pang mga bahagi ng Kasulatan.

Ipagpalagay na ang talata 16 ay orihinal na isinulat ni Markos, itinuturo ba ng talatang ito na ang bawtismo ay kinakailangan para sa kaligtasan? Ang maiksing sagot sa tanong na ito ay hindi! Ang paggamit sa talatang ito upang patunayan na ang bawtismo ay kailangan sa kaligtasan ay pagbago sa aktwal na itinuturo ng talata. Ang itinuturo talaga ng talatang ito ay tanging ang pananampalataya ang kailangan sa kaligtasan dahilan sa mga hindi mabilang na talata na ang pananampalataya lamang ang binanggit na kailangan sa kaligtasan hindi kasama ang bawtismo (halimbawa, Juan 3:18; Juan 5:24; Juan 12:44; Juan 20:31; 1 Juan 5:13).

Sinabi sa Markos 1:16, "Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan" (Markos 16:16). Ang talatang ito ay kinapapalooban ng dalawang elemento: Una, ang nananampalataya at nabawtismuhan ay maliligtas at ikalawa, ang hindi nananampalataya ay parurusahan.

Habang tinutukoy sa talatang ito ang tungkol sa mga mananampalataya na nabawtismuhan (na sila ay ligtas), wala itong sinasabi tungkol sa mga mananampalataya na hindi nabawtismuhan. Upang sabihin na ang talatang ito ay nagtuturo na kinakailangan ang bawtismo sa kaligtasan ang ikatlong pangungusap na "Ang nananampalataya t hindi nabawtismuhan ay parurusahan" ay kinakailangan. Subalit hindi matatagpuan ang pangungusap na ito sa talata.

Ang mga sumusubok na gamitin ang Markos 16:16 upang ituro na kinakailangan ang bawtismo sa kaligtasan ay nakagagawa ng malaking pagkakamali na tinatawag na "negative inference fallacy." Ang ibig sabihin ng fallacy na ito ay: "Kung ang isang pahayag ay totoo, hindi natin maaaring ipagpalagay na ang lahat ng kasalungat ng pahayag na iyon ay totoo rin." Halimbawa, ang pahayag na "ang isang asong may batik na kulay itim ay isang hayop "ay totoo; ngunit ang negatibong pahayag na "kung ang isang aso ay walang batik na itim, ito ay hindi isang hayop" ay mali. Sa parehong paraan, "ang sinumang nananampalataya at mabawtismuhan ay maliligtas" ay totoo, ang pahayag naman na "ang sinumang sumampalataya at hindi mabawtismuhan ay hindi maliligtas" ay isang ipinagpilitang kahulugan. Ngunit ito ang ginagawa ng mga naniniwala na ang bawtismo ay kailangan sa kaligtasan.

Ito pa ang isang halimbawa ng "negative inference fallacy": "Ang sinumang nananampalataya at naninirahan sa Maynila ay maliligtas, ngunit ang hindi mananampalataya ay parurusahan." Ang pahayag na ito ay totoo; ang mga taga Maynilang mananampalataya kay Hesus ay maliligtas. Gayunman, ang sabihin na ang mananampalataya lamang na nakatira sa Maynila ang ligtas ay isang hindi lohikal at maling deklarasyon. Hindi sinasabi ng pangungusap na kailangang nakatira ang isang mananampalataya sa Maynila upang maligtas. Gayundin naman, sindi sinasabi sa Markos 16:16 na kailangang mabawtismuhan ang mananampalataya upang maligtas. Ipinapahayag lamang ng talata ang katotohanan na ang mga nabawtismuhang mananampalataya ay ligtas, ngunit hindi nito sinasabi na ang tungkol sa mga hindi nabawtismuhang mananampalataya. Maaaring may mga mananampalataya na hindi nakatira sa Maynila, ngunit sila rin ay ligtas; at may mananampalataya na hindi nabawtismuhan sa Maynila, ngunit sila rin ay ligtas.

Ang isang partikular na kundisyon para sa kaligtasan ay binanggit sa ikalawang bahagi ng Markos 16:16: "datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan." Sa esensya, ibinigay ni Hesus ang positibo at negatibong kundisyon ng hindi pananampalataya (Ang hindi nananampalataya ay parurusahan). Kaya nga masasabi natin ng may katiyakan na ang pananampalataya ay sangkap sa kaligtasan. Higit na mahalaga, makikita natin na ang sangkap na ito ay binanggit ng paulit ulit sa buong Kasulatan (Juan 3:16; Juan 3:18; Juan 3:36; Juan 5:24; Juan 6:53-54; Juan 8:24; Acts 16:31).

Binanggit ni Hesus ang isang kundisyon na may kaugnayan sa kaligtasan (bawtismo) sa Markos 16:16. Ngunit ang kundisyong ito ay hindi dapat na tratuhin bilang isang sangkap sa kaligtasan. Halimbawa, ang pagkakaroon ng lagnat ay may kaugnayan sa pagkakaroon ng sakit ngunit hindi kailangang may lagnat ang isang tao upang magkaroon ng sakit. Hindi kailanman makikita sa Bibliya ang pahayag na "ang sinumang hindi mabawtismuhan ay mapapahamak." Kaya nga, hindi maaaring sabihin na ang kaligtasan ay kailangan sa kaligtasan base sa Markos 16:16 o iba pang mga talata.

Itinuturo ba ng Markos 16:16 na kinakailangan ang bawtismo para sa kaligtasan? Hindi. Malinaw na itinatatag nito ang katuruan na ang pananampalataya ay kinakailangan sa kaligtasan ngunit hindi nito pinatutunayan ang ideya na kailangan ang bawtismo para sa kaligtasan. Paano natin mapapatunayan ngayon na hindi kinakailangan ang bawtsimo para sa kaligtasan? Kailangan nating tingnan ang sinasabi ng Salita ng Diyos patungkol sa paksang ito. Ito ang mga ebidensya na HINDi kailangan ang bawtismo para sa kaligtasan:

1"Itinuturong malinaw ng Bibliya na tayo ay naligtas sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya. Naligtas si Abraham sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, at gayon din naman tayo ay naligtas sa parehong paraan (Roma4:1-25; Galacia 3:6-22).

2"Sa buong Bibliya, sa bawat dispensasyon, naligtas ang mga tao kahit na hindi sila nabawtismuhan. Ang bawat mananampalataya sa Lumang Tipan (Halimbawa si Abraham, Jacob, David at Solomon) ay naligtas kahit hindi sila nabawtismuhan. Ang magnanakaw na napakong kasama ni Hesus sa krus ay naligtas kahit hindi nabawtismuhan. Si Cornelio ay naligtas bago siya nabawtismuhan (Gawa 10:44-46).

3"Ang bawtismo ay isang patunay lamang ng ating pananampalataya at deklarasyon sa publiko na tayo ay nananampalataya kay Hesu Kristo. Sinasabi sa atin ng Kasulatan na tayo ay may buhay na walang hanggan sa oras na tayo ay manampalataya kay Kristo. (Juan 5:24), at ang pananampalataya ay laging unang nangyayari bago ang pagpapabawtismo. Hindi nagliligtas ang bawtismo sa kaninuman gaya din na hindi nakakapagligtas ang pagpunta sa unahan sa isang krusada at pagsambit ng isang panalangin. Naranasan natin ang kaligtasan ng manampalataya tayo kay Kristo.

4"Hindi itinuturo saanman sa Bibliya na ang isang tao hindi maliligtas kung hindi mababawtismuhan.

5" Kung kinakailangan ang bawtismo para sa kaligtasan, wala ngayong maliligtas kung walang taong magbabawtismo. Kinakailangan na may isa laging tao na magbabawtismo sa isang nanampalataya upang iyon ay maligtas. Ang katuruang ito ay naglilimita sa kaligtasan at kung kailan at sino ang maliligtas. Ang resulta ng doktrinang ito, sa isang lohikal na konklusyon, ay mapanlinlang at mapangwasak. Halimbawa, ang isang sundalong nanamplataya habang nakadestino sa isang malayong lugar ngunit hindi nabawtismuhan dahil sa kanyang kalagayan ay pupunta sa impiyerno.

6" Sa buong Bibliya, makikita natin na sa oras ng pananampalataya, ang isang mananampalataya ay nagtataglay na ng mga pangako at pagpapala ng kaligtasan (Juan 1:12; 3:16; 5:24; 6:47; 20:31; Gawa 10:43; 13:39; 16:31). Sa oras ng pananampalataya, ang isang tao ay mayroon ng buhay na walang hanggan at lumipat na mula sa kamatayan patungo sa buhay (Juan 5:24)"ang lahat ay nakamtan niya bago pa siya mabawtismuhan.

Kung naniniwala ka na nakakapagligtas ang bawtismo, ikunsidera mo kung sino o sa kung saan mo inilagak ang iyong pagtitiwala. Ang iyo bang pananampalataya ay sa isang pisikal na gawa o desisyon (sa pagbabawtismo) o sa natapos na gawain ni Hesu Kristo sa krus? Sino at ano ang iyong pinagtitiwalaan para sa iyong kaligtasan? Ito ba ay sa anino (bawtismo) o sa kaganapan (Hesu Kristo). Ang ating pananampalataya ay dapat na nakalagak kay Hesu Kristo lamang. "Na sa kaniya'y mayroon tayo ng ating katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang biyaya," (Efeso 1:7).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Itinuturo ba ng Markos 16:16 na kinakailangan ang bawtismo para sa kaligtasan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries