Tanong
Sino si Melquisedec?
Sagot
Si Melquisedec na ang pangalan ay nangangahulugang "hari ng katwiran" ay ang hari ng Salem (Jerusalem) at saserdote ng Kataastaasang Diyos (Genesis 14:18-20; Awit 110:4; Hebreo 5:6-11; 6:20; 7:28). Ang biglaang paglabas at pagkawala ni Melquisedec sa aklat ng Genesis ay tila mahiwaga. Unang nagkita si Melquisedec at Abraham pagkatapos ng pagkatalo ni Chedorlaomer at ng kanyang tatlong kaalyado sa kamay ni Abraham. Binigyan ni Melquisedec si Abraham at ang kanyang mga pagod na tauhan ng alak at tinapay bilang simbolo ng kanyang pakikipagkaibigan. Binasbasan din niya si Abraham ng pangalang el Elyon ("Diyos na kataastaasan") at pinuri ang Diyos sa pagbibigay kay Abraham ng tagumpay sa labanan (Genesis 14:18-20).
Ibinigay ni Abraham kay Melquisedec ang ikapu (ikasampu) ng lahat ng kanyang nasamsam. Ipinakita ni Abraham ang kanyang pagkilala kay Melquisedec bilang isang saserdote at mas higit sa kanya sa espiritwalidad.
Sa Awit 110, na isang hula ni David tungkol sa Mesiyas (Mateo 22:43), ipinakilala si Melquisedec bilang tipo (type) ni Kristo. Ang temang ito ay inulit sa aklat ng Hebreo kung saan ipinakilala si Melquisedec at Kristo bilang mga hari ng kapayapaan at katwiran. Sa pagbanggit kay Melquisedec at sa kanyang natatanging pagkasaserdote bilang tipo ni Kristo, ipinakita ng manunulat na ang pagkasaserdote ni Kristo ay mas mataas kaysa sa mga Levita at sa pagkasaserdote ni Aaron (Hebreo 7:1-10).
May ilan na nagsusulong ng opinyon na si Melquisedec ay ang kapahayagan ni Kristo bago siya magkatawang Tao o tinatawag na Christophany. Isa ito sa mga posibleng teorya, dahil nagkaroon na rin ng ganitong karanasan si Abraham bago ang pangyayaring ito. Ito ay nangyari sa Genesis 17 kung saan nakausap at nakita ni Abraham ang Panginoon (El Shaddai) sa anyong tao.
Sinasabi sa Hebreo 6:20, "na pinasukan ni Jesus na nangunguna sa atin. Doon, siya'y isang dakilang saserdote magpakailanman, ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec." Ang ganitong terminolohiya ay nangangahulugan ng pagpapalit ng gawain bilang saserdote. Ngunit walang nabanggit ng pangalan ng ibang saserdote sa loob ng mahabang panahon mula kay Melquisedec hanggang kay Kristo na maaaring nagpapahiwatig na si Melquisedec at Kristo nga ay iisa.
Sinasabi sa Hebreo 7:3 na si Melquisedec ay walang ama o ina, walang angkang pinagmulan, walang simula o wakas ang buhay at kagaya ng Anak ng Diyos, nananatili siyang saserdote magpakailanman. Ang tanong ay kung nagsasalita ang manunulat ng Hebreo sa aktwal na kahulugan nito o isa lamang itong pigura ng pananalita.
Kung literal ang paglalarawan ng Hebreo, mahirap na ilapat kahit kanino ang mga katangian ni Melquisedec maliban sa Panginoong Hesu Kristo. Walang sinumang hari sa lupa ang naging hari magpakailanman at wala ding tao ang naging tao ng walang ama o ina. Kung inilalarawan ng Genesis 14 ang pagpapakita ng Diyos sa anyong tao, masasabing nagpakita kay Abraham ang Anak ng tao upang basbasan siya (Genesis 14:17-19), at nagpakita bilang Hari ng Katwiran (Pahayag 19:11, 16), Hari ng Kapayapaan (Isaias 9:6), at Tagapamagitan sa Diyos at tao (1 Timoteo 2:5).
Kung ang paglalarawan kay Melquisedec ay pigura lamang ng salita, ang mga detalye gaya ng kawalan ng pinagmulan, kawalan ng simula at wakas ni Melquisedec ay simpleng pagbibigay diin lamang ng misteryosong kalikasan ng taong nakipagtagpo kay Abraham. Sa kasong ito, ang katahimikan ng Genesis patungkol sa detalyeng ito ay may layuning iugnay si Melquisedec kay Kristo.
Iisang tao lang ba si Melquisedec at Kristo? Maaari. Kung hindi man, si Melquisedec ay isang tipo ni Kristo, na sumasalamin sa magiging ministeryo ng Panginoong Hesu Kristo. Ngunit posible rin na pagkatapos na nakakapagod na labanan, kinatagpo si Abraham at pinaralangan ng mismong Panginoong Hesu Kristo sa anyo ni Melquisedec.
English
Sino si Melquisedec?