settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na namatay si Hesus para sa ating mga kasalanan?

Sagot


Kung hindi namatay si Hesus sa Krus para sa ating mga kasalanan, walang sinuman ang maliligtas at magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Sinabi ni Hesus,"Ako ang Daan, ang katotohanan at ang buhay, walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan Ko" (Juan 14:6). Sa pangungusap na ito, idineklara ni Hesus ang dahilan ng Kanyang pagkakatawang tao, kamatayan at pagkabuhay na mag-uli - at iyon ay upang magkaroon ng daan patungo sa kalangitan ang makasalanang sangkatauhan, na walang pag-asang makapunta sa langit sa kanilang sariling kakayahan.

Nang likhain ng Diyos si Adan at Eba, ginawa Niya silang perpekto sa lahat ng kaparaanan at inilagay sila ng Diyos sa paraiso, sa Hardin ng Eden (Genesis 2:15). Nilikha ng Diyos si Adan ayon sa Kanyang wangis, at ginawang tagapangasiwa ng Diyos sa Kanyang mga nilikha. Binigyan sila ng Diyos ng kalayaang magdesisyon, at mamili ayon sa kanilang malayang pagpapasya. Inilarawan sa kabanata 3 ng Aklat ng Genesis kung papaanong bumagsak si Adan at Eba sa pandaraya at panunukso ni Satanas. Sinuway nila ang kalooban ng Diyos ng kumain sila ng bunga ng puno na nagbibigay ng kaalaman sa mabuti at masama na ipinagbawal sa kanila ng Diyos: "at iniutos ng Panginoong Diyos sa lalake, na sinabi, sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka ng may kalayaan: Datapuwa't sa sa kahoy ng pagkakilala sa mabuti at masama ay huwag kang kakain, sapagkat sa araw na na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka" (Genesis 2:16-17). Ito ang unang kasalanang ginawa ng tao, at dahil dito, ang lahat ng tao ay daranas ng kamatayang pisikal at espiritwal dahil sa ating makasalanang kalikasan na ating namana sa ating ninunong si Adan.

Idineklara ng Diyos na ang lahat ng nagkasala ay mamamatay, sa pisikal at sa espiritwal. Ito ang tiyak na mararanasan ng buong sangkatauhan. Ngunit dahil sa biyaya at habag ng Diyos, ipinagkaloob Niya ang paraan upang makaligtas tayo sa Kanyang kaparusahan, sa pamamagitan ng dugo ng Kanyang Anak na nabuhos doon sa krus. Sinabi ng Diyos, "walang kapatawaran ng kasalanan kung walang pagbububo ng dugo" (Hebreo 9:22), ngunit sa pamamagitan ng pagbububo ng dugo ni Hesus ipinagkaloob Niya ang kaligtasan sa Kanyang mga hinirang. Ipinagkaloob ng Diyos sa mga tao sa Lumang Tipan na "maituring na malinis sa kasalanan"o "matuwid" sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng paghahandog ng mga hayop na susunugin para sa kasalanan bagama't ang mga paghahandog na iyon ay panandalian, at anino lamang ng minsanang paghahandog ni Kristo para sa kasalanan doon sa krus (Hebreo 10:10).

Ang dahilan kung bakit nagpunta si Hesus dito sa lupa at namatay sa krus ay upang maging perpektong handog para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan (Colosas 1:22; 1 Pedro 1:19). Sa pamamagitan Niya, naganap ang ipinangakong buhay na walang hanggan ng Ama sa mga nananalig at nananampalataya kay Hesu Kristo (Galacia 3:22). Ang dalawang salitang ito, ang "pananampalataya" at "pananalig" ay napakahalaga sa ating kaligtasan. Sa pamamagitan ng pananampalataya at pananalig sa nabuhos na dugo ni Kristo sa krus para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan, tayo ay tumanggap ng buhay na walang hanggan. "Sapagkat sa biyaya kayo nangaligtas, sa pamamagitan ng pananampalataya - hindi ito sa inyong sarili, ito ay kaloob ng Diyos - hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang walang sinuman ang magmapuri" (Efeso 2:8-9).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na namatay si Hesus para sa ating mga kasalanan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries