settings icon
share icon
Tanong

Nasaan ang Diyos? Nasaan ang Diyos sa mga oras ng ating pagdurusa?

video
Sagot


Itinuturo ng Bibliya na ang Diyos ang naghahari sa mga bansa mula sa Kanyang trono sa kalangitan (Awit 47:8; Isaias 6:1, 66:1; Hebreo 4:16). Kahit na alam natin na ang natatanging presensya ng Diyos ay nasa langit, malinaw na itinuturo ng Banal na Kasulatan na Siya ay sumasalahat din ng dako (nasa lahat ng lugar sa lahat ng panahon). Mula sa umpisa ng Kasulatan, makikita na natin ang Espiritu ng Diyos na sumasaibabaw ng daigdig bagamat wala pa itong anyo o hugis (Genesis 1:2). Pinuno ng Diyos ang mundo ng Kanyang mga nilikha at ng Kanyang presensya at ang Kanyang kaluwalhatian ay patuloy na nananahan sa buong sanlibutan (Bilang 14:21). Napakaraming halimbawa sa buong Kasulatan sa pagkilos ng Diyos sa mundo at sa Kanyang pakikipagugnayan sa Kanyang mga nilikha (Genesis 3:8; Deuteronomio 23:14; Exodo 3:2; 1 Hari 19:11-18; Lukas 1:35; Gawa 16:7). Sinasabi sa Hebreo 4:13, “Walang makapagtatago sa Diyos; ang lahat ay hayag at lantad sa kanyang paningin, at sa kanya tayo magsusulit.” Isinaysay sa Jeremias 23:24, “Walang makapagtatago sa akin; nakikita ko siya saanman siya pumunta. Sapagkat ako'y nasa langit, nasa lupa, at nasa lahat ng lugar.” Matatagpuan sa Awit 139 ang kahanga-hangang katuruan tungkol sa walang hanggang presensya ng Diyos.



Nasaan ang Diyos?

Kung ikaw ay nananampalataya kay Kristo, nasa sa iyo ang Diyos, nasa loob mo Siya. Nasa iyo ang presensya ng Diyos at hindi ka Niya iiwan kailanman. Kung hindi ka nananampalataya kay Kristo, malapit lang sa iyo si Kristo at iniimbitahan ka Niya na lumapit sa Kanya upang maranasan ang Kanyang pag-ibig, habag at biyaya. Kung hindi ka pa tiyak sa iyong relasyon sa Diyos sa pamamagitan ni Hesu Kristo, basahin mo ang aming artikulong may pamagat na “Ikaw Ba'y Mayroon ng Buhay na Walang Hanggan?” Maaaring ang mas magandang tanong kaysa sa “Nasaan ang Diyos” ay “Nasaan ka sa iyong relasyon sa Diyos?”

Nasaan ang Diyos sa mga oras ng ating pagdurusa?

Mas nais nating malaman ang kasagutan sa tanong na ito kung humaharap tayo sa mga mabibigat na pagsubok at sa tuwing tayo'y nagaalinlangan. Maging si Hesus, noong ipinapako Siya sa krus ay nagtanong, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mateo 27:46). Sa mga nagmamasid sa kanya noong oras na iyon, maging sa mga unang nakabasa ng salaysay ni Mateo, tila iniwan nga ng Diyos si Hesus, kaya maaaring isipin natin na maaari tayong iwanan ng Diyos sa mga mahihirap na yugto ng ating buhay. Ngunit nalaman natin ang mga sumunod na pangyayari pagkatapos ng pagpako kay Hesus sa krus, ang katotohanan ay nahayag na walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, maging ang kamatayan (Roma 8:37-39). Pagkatapos na ipako si Hesus sa krus, Siya ay niluwalhati ng Ama (1 Pedro 1:21; Markos 16:6, 19; Roma 4:24-25). Mula sa halimbawang ito ay matitiyak natin na kahit na hindi natin nararanasan ang presensya ng Diyos sa gitna ng mga masasakit na pagsubok, maaari pa rin tayong manghawak sa Kanyang pangako na hindi Niya tayo iiwan ni pababayaan man (Hebreo 13:5). “Minsan ay pinahihintulutan ng Diyos ang mga bagay na Kanyang kinamumuhian upang maisakatuparan ang Kanyang iniibig” (Joni Erickson Tada).

Inilalagak natin ang ating pagtitiwala sa katotohanan na ang Diyos ay hindi nagsisinungaling, hindi nagbabago, at ang Kanyang mga Salita ay totoo magpakailanman (Bilang 23:19; 1 Samuel 15:29; Awit 110:4; Malakias 3:6; Hebreo 7:21; 13:8, Santiago 1:17; 1 Pedro 1:25). Hindi tayo nawawalan ng pag-asa sa gitna ng masasakit na pangyayari sa ating buhay dahil nabubuhay tayo sa pananampalataya sa bawat salita na nanggagaling sa Diyos, at hindi natin inilalagak ang ating pananampalataya sa mga bagay na ating nakikita. Nagtitiwala tayo na ang magaan at panandaliang pagdurusa sa lupa ay hindi maikukumpara sa walang hanggang kasiyahan na naghihintay sa atin sa langit. Kaya, nakatuon ang ating mga paningin hindi sa mga bagay na nakikita kundi sa mga bagay na pangwalang hanggan dahil alam natin na panandalian lamang ang mga bagay na nakikita ngunit walang hanggan ang mga bagay na hindi nakikita (2 Corinto 4:16-18; 5:7). Pinagtitiwalaan natin ang Salita ng Diyos na nagsasabi na patuloy na kumikilos ang Diyos sa lahat ng mga bagay para sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Kanya, sa mga tinawag ayon sa Kanyang panukala (Romans 8:28). Kahit na hindi natin nauunawaan sa ngayon kung paanong gagawing maganda ng Diyos ang mga pangyayari, mapagtitiwalaan natin na darating ang panahon na mauunawaan natin ng malinaw kung bakit tayo nagdanas ng mga mabibigat na pagsubok.

Ang ating buhay ay tulad sa isang gantsilyo. Kung titingnan mo ang likod ng gantsilyo, makikita ang napakagulong pagkakasalabid ng mga sinulid. Hindi ito magandang tingnan at tila walang anumang magandang disenyong mabubuo dito kung iisipin. Ngunit kung titingnan mo ang harap nito, makikita mo kung paanong lumikha ang gumawa nito ng isang napakagandang likhang sining. Sa ganito maihahalintulad ang buhay ng isang mananampalataya (Isaias 64:8). Nabubuhay tayo ng may limitadong kaalaman sa mga bagay-bagay (Job 37:5; Isaias 40:28; Mangangaral 11:5; 1 Corinto 13:12; 1 Juan 3:2). Nasaan ang Diyos kung nakakaranas tayo ng masasakit na pangyayari? Ang dapat nating maging saloobin tuwing dumaranas tayo ng mga kahirapan at hindi nalalaman kung ano ang kanyang ginagawa ay magtiwala sa Kanyang mabuting puso at laging tandaan na hindi Niya tayo iiwanan kailanman. Kung pinanghihinaan ka ng loob at nawawalan ka na ng pag-asa, ito ang panahon na mas makakapagtiwala ka sa Kanyang presenya at malalaman mo na ang Kanyang kapangyarihan ay mas lalong nahahayag kung kailan ka mahina (2 Corinto 12:9-10).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Nasaan ang Diyos? Nasaan ang Diyos sa mga oras ng ating pagdurusa?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries