Tanong
Ano ang tinik sa laman ni Pablo?
Sagot
Napakarami ng mga paliwanag tungkol sa kalikasan ng tinik sa laman ni Apostol Pablo mula sa walang humpay na temptasyon, mahigpit na kaaway, malubhang sakit (gaya ng problema sa mata, malaria, paulit ulit na sakit ng ulo, at epilepsy) hanggang sa kahirapan sa pagsasalita. Walang tiyak na makapagsabi kung ano ang tinik sa laman ni Pablo, ngunit maaaring ito ay isang karamdamang pisikal.
Malalaman natin ang tungkol sa tinik sa laman na ito mula kay apostol Pablo mismo sa 2 Corinto 12:7: "At nang ako'y huwag magpalalo ng labis dahil sa kadakilaan ng mga pahayag, ay binigyan ako ng isang tinik sa laman, ng isang sugo ni Satanas, upang ako'y tampalin, nang ako'y huwag magpalalo ng labis." Una ang layunin ng tinik sa laman ay upang patuloy na magpakumbaba si Pablo. Ang sinuman na nakausap at sinugo ng Panginoong Hesu Kristo (Gawa 9:2-8) ay tiyak, dahil sa kanyang likas na kalagayan, ay magiging mapagmalaki. Maliban sa katotohanan na si Pablo din ang ginamit ng Banal na Espiritu upang isulat ang marami sa mga aklat ng Bagong Tipan. Madali para kay Pablo ang magpalalo at tingnan ang sarili ng higit sa nararapat. Ikalawa, alam natin na ang tinik sa laman ay isang mensahero ni Satanas. Gaya ng pagpapahintulot ng Diyos kay satanas na pahirapan si Job (Job 1:1-12), pinahintulutan din ng Diyos si Satanas na pahirapan si Pablo para sa magagandang layunin ng Diyos na laging ayon sa Kanyang perpektong kalooban.
Nauunawaan natin na naikunsidera ni Pablo na ang tinik na ito ay sagabal sa kanyang epektibong paglilingkod (Galatia 5:14-16) kaya idinalangin niya na alisin ito ng Diyos (2 Corinto 12:8). Ngunit natutunan ni Pablo ang mga leksyon sa karanasang ito na nahayag sa kanyang mga sulat: ang kapangyarihan ng Diyos ay mas lalong nahahayag sa kahinaan ng tao (2 Corinto 4:7) upang tanging ang Diyos lamang ang mapapurihan (2 Corinto 10:17). Sa halip na alisin ang kanyang problema, binigyan siya ng Diyos ng biyaya at lakas upang mapagtagumpayan iyon at idineklara Niya na ang Kanyang biyaya ay "sapat" para kay Pablo.
English
Ano ang tinik sa laman ni Pablo?