Tanong
Ano ang Pag-aaral tungkol sa Banal na Espiritu?
Sagot
Ang “Pneumatology” ay ang pag-aaral tungkol sa Diyos Espiritu Santo, ang ikatlong Persona ng Trinidad. Ito’y sumasagot sa maraming mahahalagang katanungan tungkol sa Banal na Espiritu.
Sino/Ano ang Banal na Espiritu? Maraming mga maling haka-haka patungkol sa pagkakakilanlan ng Banal na Espiritu.
Ang Banal na Espiritu sa ibang pananaw ay isang “mistikal na puwersa” o “mystical force.” Ang pang-unawa naman ng iba ay isa itong walang personalidad na kapangyarihan, (impersonal power) ng Diyos na magagamit ng mga taga-sunod ni Cristo. Ano ba ang sinasabi ng Biblia tungkol sa pagkakakilanlan ng Banal na Espiritu?
Kailan/paano natin tinatanggap ang Espiritu Santo? Ang talakayang ito ay kontrobersyal dahil madalas na nalilito ang marami tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu Santo. Ang pagtanggap/pananahan ng Espiritu ay nangyayari sa oras ng kaligtasan. Ang kapuspusan sa Espiritu naman ay isang nagpapatuloy na proseso sa buhay kristiyano.
Ano ang bawtismo ng Espiritu Santo? Ang bawtismo ng Banal na Espiritu ay tumutukoy sa gawain ng Espiritu ng Diyos sa mga mananampalataya sa pakikipag-isa kay Cristo at pakikipag-isa sa iba pang mga mananampalataya sa katawan ni Cristo sa oras ng kaligtasan.
Paano ako mapupuspos ng Espiritu? Mahalagang makita ang pagkakaiba sa pagitan ng pananahan at kapuspusan ng Espiritu. Ang permanenteng pananahan ng Espiritu ay hindi lamang para sa ilang piling mananampalataya, sa halip ito’y para sa lahat na mga mananampalataya. Ito ay kasalungat sa iniutos na kapuspusan ng Espiritu na matatagpuan sa Efeso 5:18.
Ang mga mahimalang kaloob ba ng Espiritu (miraculous gifts) ay para sa atin ngayon? Hindi ito isang tanong kung ang Banal na Espiritu ba ay nagbibigay ng “mahimalang kaloob.” Kundi, ang Banal na Espiritu ba ay nagkakaloob pa ng “mahimalang kaloob” ngayon? Higit sa lahat, lubos nating kinikilala na ang Banal na Espiritu ay malayang nagkakaloob ng mga kaloob ayon sa Kanyang pagpapasya (1 Corinto 12:7-11).
Maraming mga Kristiyano ang mali ang pagkaintindi sa Banal na Espiritu. Ang ibang pagkaintindi ay isa itong kapangyarihan o lakas na bigay sa atin ng Diyos. Hindi ito biblikal. Ang pag-aaral tungkol sa Banal na Espiritu (Pneumatology) ay nagtuturo sa atin na ang Espiritu Santo ay isang Persona, may-isip, emosyon, at kalooban. Ang Banal na Espiritu ay kahalili ni Jesus dito sa lupa (Juan 14:16-26; 15:26; 16:7). Ang Banal na Espiritu ay tinatanggap sa oras ng kaligtasan (Roma 8:9) at ito’y permanenteng kaloob sa bawat sumasampalataya kay Cristo (Efeso 1:13-14). Ang pag-aaral tungkol sa Banal na Espiritu “Pneumatology” ay tumutulong sa pag-unawa sa ganitong mga isyu at kumikilala sa biblikal niyang gawain sa ating buhay ngayon.
Ang pag-aaral tungkol sa Banal na Espiritu (Pneumatology) ay nagbibigay ng napakaraming benepisyo sa mga mananampalataya. Sa mga pahina ng Kasulatan, makikita natin ang ikatlong Persona ng Trinidad, ang mismong Diyos Espiritu, at makikita din natin ang kanyang napakapersonal at malapit na ministeryo sa atin. Sa pamamagitan Niya, nauunawaan natin ang pag-ibig ng Diyos “At hindi tayo binibigo ng pag-asang ito sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin (Roma 5:5). Ang pagkaunawa sa gawain ng Banal na Espiritu ay pagsumpong ng kagalakan sa kanyang papel bilang ating Mangaaliw (Juan 16:7; Gawa 9:31) na hindi lamang tumutulong at umaaliw sa atin, kundi Siyang dumating upang tulungan ang ating mga pusong lubhang nabibigatan na hindi kayang manalangin para sa kaginhawaan (Roma 8:26).
Kung ipagpapatuloy natin ang ating pagaaral tungkol sa Banal na Espiritu makakasumpong tayo ng labis na kagalakan, na hindi lamang siya nananahan sa atin, ngunit nananahang magpawalang hanggan at hindi Niya tayo iiwan ni pababayaan man (Juan 14:16). Lahat ng katotohanang ito ay nag-aalab sa ating mga puso kung ating pag-aaralan ang Banal na Espiritu (Pneumatology).
Ang Juan 16:8-11 ay isang maikling talata sa pag-aaral tungkol sa Banal na Espiritu (Pneumatology), “Pagdating Niya ay Kanyang patutunayan na mali ang mga taga-sanlibutan tungkol sa kasalanan, tungkol sa katuwiran at tungkol sa paghatol ng Diyos. Patutunayan Niya ang Tungkol sa kanilang kasalanan sapagkat hindi sila naniniwala sa akin. Patutunayan niya ang tungkol sa katuwiran sapagkat ako’y papunta sa Ama at hindi na ninyo makikita, at ang tungkol sa paghatol ng Diyos, sapagkat hinatulan na ang pinuno ng sanlibutang ito.”
English
Ano ang Pag-aaral tungkol sa Banal na Espiritu?