Tanong
Ang babala ba sa Pahayag 22:18-19 ay mailalapat sa buong Bibliya o sa Aklat lamang ng Pahayag?
Sagot
Ang Pahayag 22:18-19, ay naglalaman ng babala sa sinumang magbabago sa mga teksto ng aklat: “Akong si Juan ay nagbababala sa sinumang makarinig sa mga hulang nasasaad sa aklat na ito: Sa sinumang magdagdag sa nilalaman ng aklat na ito, idaragdag ng Diyos sa kanyang parusa ang mga salot na nakasulat dito. At ang sinumang mag-alis ng anuman sa mga hulang nasasaad dito ay aalisan naman ng Diyos ng karapatan sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay at sa Banal na Lunsod na binabanggit dito.” Ang mga talata bang ito ay tumutukoy sa buong Bibliya o sa aklat lamang ng Pahayag?
Ang babalang ito ay para sa mga taong magtatangkang baguhin ang mensahe ng Aklat ng Pahayag. Si Hesus ang nagbigay ng pangitain kay Apostol Juan at Siya mismo ang may akda ng aklat na ito (Pahayag 1:1). Dahil dito, tinapos Niya ang aklat sa pamamagitan ng katuruan na tapos na ang mga hula at hindi na kailangang dagdagan pa. Ang mga ito ay mismong Salita ni Hesus at nagbabala Siya sa lahat ng magtatangkang baguhin ang Kanyang mensahe sa anumang paraan, sa pagdadagdag, pagbabawas, pandaraya o sinasadyang maling pangunawa sa Kanyang Salita. Ang babala ay malinaw at nakakatakot. Ang mga salot na binabanggit sa aklat ay mararanasan ng sinumang magtatangkang magdagdag, magbawas, mandaya at sadyaing ipaliwanag ng mali at baguhin ang mga mensahe dito. Ang mga gagawa nito ay mawawalan ng bahagi sa buhay na walang hanggan sa langit.
Bagamat ang babala sa Pahayag 22:18-19, ay patungkol sa aklat ng Pahayag, ang babalang ito ay para din sa mga taong sinasadyang baguhin ang mensahe ng Salita ng Diyos. Ibinigay din ni Moises ang parehong babala sa Deuteronomio 4:1-2, kung saan sinabihan niya ang mga Israelita na makinig at sumunod sa mga utos ng Panginoon, at huwag magdagdag o magbawas sa Kanyang mga Salita. Naglalaman din ang Kawikaan 30:5-6, ng parehong babala sa sinumang magdadagdag sa Salita ng Diyos: sasawayin siya at mapapatunayang isang sinungaling. Bagamat ang babala sa Pahayag ay partikular sa aklat ng Pahayag, ang prinsipyong nito ay mailalapat din sa buong Aklat ng Bibliya, ang Salita ng Diyos. Dapat tayong maging maingat sa pagunawa sa Bibliya, ingatan ito at igalang at huwag baguhin o pilipitin man ang mensahe nito.
English
Ang babala ba sa Pahayag 22:18-19 ay mailalapat sa buong Bibliya o sa Aklat lamang ng Pahayag?