Tanong
Ano ang kahulugan ng kabanata 12 ng Pahayag?
Sagot
Sa kabanata 12 ng Pahayag, nakakita si Juan ng pangitain tungkol sa isang "babaing nararamtan ng araw at nakatuntong sa buwan; ang ulo niya'y may koronang binubuo ng labindalawang bituin" (Pahayag 12:1). Pansinin ang pagkakapareho ng paglalarawan ni Juan sa paglalarawan na ibinigay ni Jose sa kanyang amang si Jacob (Israel) at sa kanyang ina at mga kapatid (Genesis 37:9-11). Ang labindalawang bituin ay tumutukoy sa labindalawang lipi ng Israel. Kaya ang babae sa Pahayag 13 ay ang bansang Israel.
Ang karagdagang ebidensya sa interpretasyong ito ay ang Pahayag 12:2-5 kung saan inilarawan ang babae na nagsisilang ng isang sanggol. Habang totoo rin na isinilang ni Maria si Hesus, totoo rin na si Hesus, ang Anak ni David ay nagmula sa lipi ni Juda na isa sa mga anak ni Israel. Sa esensya, ipinanganak ng Israel si Hesus o inilabas ng Israel si Hesu Kristo. Sinasabi sa ikalimang talata na ang anak ng babae ay "isang batang lalaki ngunit may umagaw sa bata at dinala ito sa Diyos, sa kanyang trono. Ang sanggol na ito ang itinakdang maghahari sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng kamay na bakal." Malinaw na inilalarawan dito si Hesus. Umakyat si Hesus sa langit (Gawa 1:9-11) at itatatag ang kanyang kaharian dito sa lupa isang araw (Pahayag 20:4-6), at maghahari Siya ng may ganap na katarungan (ang tinutukoy na "kamay na bakal"- tingnan ang Awit 2:7-9).
Ang pagtakas ng babae sa ilang sa loob ng 1,260 araw ay tumutukoy sa panahon sa hinaharap na tinatawag na Dakilang Kapighatian. Ang 1,260 araw ay 42 buwan (na may 30 araw ang bawat isa), na katumbas din ng tatlo at kalahating taon. Sa kalagitnaan ng Dakilang Kapighatian, itatayo ng Halimaw (ang antikristo) ang isang imahen ng kanyang sarili sa Jerusalem. Ito ang kalapastangang walang pangalawa na tinutukoy ni Hesus sa Mateo 24:15 at Markos 13:14. Sa paggawa nito ng Halimaw, sisira siya sa Kanyang ginawang kasunduan ng pakikipagpayapa sa bansang Israel at ang bansang Israel ay tatakas para sa kanyang kaligtasan - na posibleng sa lugar ng Petra (tingnan din ang Mateo 24 at Daniel 9:27). Ang pagtakas na ito ng mga Hudyo ang inilalarawan ng pagtakas ng babae sa ilang.
Isinalaysay sa Pahayag 12:12-17 kung paanong makikipagdigma ang halimaw laban sa Israel at ang pagtatangka nitong wasakin ang Israel (alam ni Satanas na maiksi lamang ang kanyang panahon - tingnan ang Pahayag 20:1-3, 10). Ipinahahayag din nito na iingatan ng Diyos ang Israel sa ilang. Sinasabi sa Pahayag 12:14 na iingatan ng Diyos ang Israel mula sa kamay ng demonyo sa loob ng tatlo at kalahating taon.
English
Ano ang kahulugan ng kabanata 12 ng Pahayag?