settings icon
share icon
Tanong

Pamumuhay sa mga huling araw - ano ang mga dapat kong malaman?

Sagot


Madalas na nakakaramdam ng agam-agam ang mga taong nagiisip tungkol sa kinabukasan; gayon pa man, hindi natin kailangang makaramdam ng takot sa tuwing iisipin ang hinaharap. Para sa mga taong nakikilala ang Diyos, ang kanilang pananaw tungkol sa kinabukasan ay may pagkasabik at ginhawa. Halimbawa, sa paglalarawan ng isang babae na may pananampalataya at tiwala sa Diyos, ayon sa Kawikaan 31:25, "Wala siyang pangamba sa bukas na daratal.”


Dalawang pangunahing pananaw ang dapat tandaan tungkol sa hinaharap: una, ang Diyos ay ang makapangyarihan sa lahat at may kontrol sa lahat ng bagay. Alam niya ang mga mangyayari sa hinaharap at ganap ang kanyang kakayahan upang pamahalaan ang mga mangyayari. Sinasabi sa Bibliya, "Dili-dilihin ninyo ang matagal nang nakaraan. Inyong kilalaning ako lamang ang Diyos at liban sa akin ay wala nang iba. Sa simula pa'y hinulaan ko na at aking inihayag kung ano ang magaganap. Sinabi kong ang balak ko'y tiyak na mangyayari, at gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin" At isasagawa ko ang lahat kong balak; ako ang nagsasabi nito, at tiyak na matutupad" (Isaias 46: 9-11, karagdagang diin).

Ang ikalawang bagay na dapat tandaan tungkol sa hinaharap ay may balangkas ang Bibliya ng mga mangyayari sa katapusan ng mundo o sa mga huling araw. Sapagkat ang Bibliya ay naglalaman ng mga pahayag ng Diyos sa sangkatauhan, at dahil alam ng Diyos ang mga magaganap at Siya ay may kontrol sa mga mangyayari (tulad ng nabanggit sa Isaias 46: 9-11), nangangahulugan ito na maaari nating paniwalaan ang mga kaganapan na sinasabing mangyayari ayon sa Bibliya. Tungkol sa mga hula tungkol sa hinaharap, sinasabi sa Bibliya, "Sapagkat hindi nagbuhat sa kalooban ng tao ang hula ng mga propeta; ito'y galing sa Diyos at ipinahayag ng mga taong kinasihan ng Espiritu Santo" (2 Pedro 1:21). Hindi maikakaila ang katotohanan na hindi tulad ng mga maling hula na ginawa ng ibang mga relihiyon o ng mga indibidwal tulad ni Nostradamus, ang Bibliya ay hindi kailanman nagkamali - sa bawat sandali na ang Bibliya ay nanghula sa mga magaganap, ang mga kaganapan ay nangyari nang eksakto tulad ng sinabi sa Banal na Kasulatan.

Sa pagsasaalang-alang kung paano maunawaan at mamuhay sa mga huling oras, dapat sagutin ang tatlong tanong na ito:

1. Paano ko dapat bigyang-kahulugan ang mga sinasabi ng Bibliya tungkol sa hula ng Bibliya sa mangyayari sa hinaharap?

2. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga pangyayari sa mga huling araw?

3. Paano makakaapekto sa paraan ng aking kasalukuyang pamumuhay ang mga sinasabi ng Bibliya tungkol sa hinaharap?

Paano uunawain ang mga Hula ng Bibliya

May ilang pananaw kung ano ang mga pamamaraan na dapat gamitin sa pagunawa sa mga sitas sa Bibliya tungkol sa mga huling araw. Bagamat may mga kilalang taong yumayakap sa iba't-ibang paniniwala, mayroong katwiran sa pagsasabi na ang mga hula ng Bibliya at dapat bigyang kahulugan ng (1) literal, (2) may pananaw na futurista at (3) ang tinatawag na ‘premillennial’ na paraan. Ang panghihikayat sa isang literal na pagpapakahulugan ay ayon sa literal na katuparan ng mahigit sa 300 mga hula patungkol sa unang pagdating ni Cristo. Ang mga hula tungkol sa kapanganakan, buhay, pagkakanulo, kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ng Mesiyas ay hindi natupad sa paraang alegorya o sa isang espiritwal na paraan. Si Hesus ay literal na ipinanganak sa Bethlehem, gumawa ng mga himala, ipinagkanulo ng isang malapit na kaibigan kapalit ng 30 pirasong pilak, pinakuan sa kanyang mga kamay at paa, namatay kasama ng mga magnanakaw, inilibing sa libingan ng isang mayaman, at nabuhay na mag-uli tatlong araw pagkatapos ng kanyang kamatayan. Ang lahat ng mga detalyeng ito ay hinulaan daan-daang taon bago ipanganak si Hesus at ang mga hulang ito ay literal na natupad. At, habang may simbolismo na ginagamit sa iba't-ibang mga hula (halimbawa, mga dragon, mga kabayuhan, atbp), ang lahat ng mga ito ay naglalarawan ng mga literal na tao o mga kaganapan, sa halos parehong paraan tulad ng si Hesus ay binabanggit bilang isang leon o isang tupa.

Patungkol sa pananaw na futurista, malinaw na ipinapahayag ng ang mga aklat hula ng Bibliya gaya ng Daniel at Pahayag ay naglalaman ng hindi lamang mga nakalipas na pangyayari ng mga makasaysayang kaganapan, ngunit gayon din ng mga hula ng mga kaganapan sa hinaharap. Matapos bigyan si Juan ng kanyang mensahe para sa Iglesia sa kanyang panahon, nakatanggap siya ng mga pangitain tungkol sa kung ano ang magaganap sa mga huling oras. Si Juan ay inutusang, "Umakyat ka rito at ipakikita ko sa iyo ang darating na mga pangyayari" (Pahayag 4: 1, may karagdagang diin).

Marahil, isang mas matibay na argumento para sa isang pananaw na futurista ay ang mga pangako na ibinigay ng Diyos kay Abraham (Genesis 12 at 15) na tumutukoy sa lupain ng Israel. Sapagkat ang tipan ng Diyos kay Abraham ay walang kundisyon, at ang Kanyang mga pangako ay hindi pa natutupad sa kaapu-apuhan ni Abraham, kung kaya ang isang pananaw na futurista tungkol sa mga pangako sa Israel ay kinakailangan.

Panghuli, hinggil sa mga hula na binibigyang kahulugan ayon sa isang "premillennial" paraan, nangangahulugan ito na, una, ang Iglesia ay madadagit o ma-rarapture, pagkatapos, ang mundo ay makararanas ng pitong taon ng kapighatian, at pagkatapos si Hesu Kristo ay magbabalik upang maghari sa mundo sa loob ng literal na isanlibong taon (Pahayag 20). Ngunit ano ang mangyayari bago ang mga kaganapang ito ayon sa Bibliya?

Ano ang mga mangyayari sa mga huling araw ayon sa Bibliya?

Nakalulungkot na hinulaan ng Bibliya na patuloy na lalala ang kasamaan, kaguluhan at pagtalikod sa Diyos bago bumalik ang Panginoong Hesu Kristo. Isinulat ni Apostol Pablo, "Datapuwa't alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib. Sapagka't ang mga tao'y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan; datapuwa't ang masasamang tao at mga magdaraya ay lalong sasama ng sasama, na mangagdadaya, at sila rin ang mangadadaya" (2 Timoteo 3:1, 13). Patuloy na tatanggihan ng mga tao ang Diyos, ang Kanyang Salita at ang Kanyang bayan.

Ngunit isang araw, sa hinaharap - isang araw na walang sinumang nakakaalam - wawakasan ng Diyos ang panahon ng Iglesya na nagsimula sa Pentecostes noong unang siglo (Gawa 2) sa isang pangyayari na tinatawag na rapture o pagdagit sa mga mananampalataya. Sa panahong iyon, kukunin ng Diyos ang mga sumasampalataya kay Kristo mula sa lupa (rapture) bilang paghahanda sa Kanyang Huling paghuhukom. Tungkol sa rapture, sinabi ni Apostol Pablo, "Sapagka't kung tayo'y nagsisisampalatayang si Jesus ay namatay at nabuhay na maguli, ay gayon din naman ang nangatutulog kay Jesus ay dadalhin ng Dios na kasama niya. Sapagka't ito'y sinasabi namin sa inyo sa salita ng Panginoon, na tayong nangabubuhay, na nangatitira hanggang sa pagparito ng Panginoon, ay hindi tayo mangauuna sa anomang paraan sa nangatutulog. Sapagka't ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli; Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito'y sasa Panginoon tayo magpakailan man.Kaya't mangagaliwan kayo sa isa't isa ng mga salitang ito." (1 Tesalonica 4:14-18).

Ang pagguho ng kapayapaan at paglago ng kaguluhan bago ang rapture ay aabot sa sukdulan sa paglalaho ng hindi mabilang na tao mula sa mundo. Ang pangyayaring ito ay magdudulot ng kaguluhan at pangangailangan ng isang makapangyarihang lider na tutugon sa mga problema ng mundo. Ang paghahanda para sa lider na ito ay pinoproseso na ng ilang panahon, gaya ng puna ni Arnold Toynbee, isang mananalaysay, "Sa pagimpluwensya sa mga tao na magkaroon ng parami ng paraming nakamamatay na armas at gayundin naman, sa pagkakaroon ng pagtutulungan sa ekonomiya ng mga bansa sa mundo, dinala ng teknolohiya ang mundo sa isang yugto ng kabalisahan kung saan hinog na tayo upang gawing diyos ang kahit sinong bagong hari na maaaring magtagumpay sa pagdadala ng kapayapaan at may kakayahang papagisahin ang mga bansa sa mundo." Mula sa isang nagpanibagong siglang Imperyong Romano, ang organisasyon ng 10 bansa ng nagkakaisang Europa, (Daniel 7:24; Pahayag 13:1), lalabas ang antikristo at lalagda sa isang kasunduan ng pakikipagpayapa sa bansang Israel na siyang opisyal na pagsisimula ng itinakda ng Diyos na pitong taon ng paghahanda para sa muling pagparito ni Hesu Kristo (Daniel 9:27).

Sa loob ng tatlo at kalahating taon, maghahari ang antikristo sa buong mundo na may pangakong kapayapaan, ngunit ito ay isang huwad na kapayapaan na bibihag sa buong sangkatauhan. Sinasabi sa Bibliya, "Pagka sinasabi ng mga tao, Kapayapaan at katiwasayan, kung magkagayo'y darating sa kanila ang biglang pagkawasak, na gaya ng pagdaramdam, sa panganganak ng babaing nagdadalang-tao; at sila'y hindi mangakatatanan sa anomang paraan" (1 Tesalonica 5:3). Lalala ang mga digmaan, mga lindol at kagutuman (Mateo 24:7) hanggang sa pagtatapos ng tatlo at kalahating taon ng paghahari ng antikristo, sa panahon ng kanyang pagpasok sa muling itinayong Jerusalem at sa pagpoproklama sa kanyang sarili bilang Diyos at sa pagpapasamba niya ng kanyang sarili sa mga tao (2 Tesalonica 2:4; Mateo 24: 15). Sa puntong ito, tatanggapin ng tunay na Diyos ang Kanyang hamon. Sa susunod na tatlo at kalahating taon, magaganap ang dakilang Kapighatian na hindi pa nararanasan ng sanlibutan kailanman. Hinulaan ni Hesus, "Sapagka't kung magkagayo'y magkakaroon ng malaking kapighatian, na ang gayo'y di pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanglibutan hangga ngayon, at ni hindi na mangyayari kailan man. At malibang paikliin ang mga araw na yaon, ay walang lamang makaliligtas: datapuwa't dahil sa mga hirang ay paiikliin ang mga araw na yaon" (Mateo 24:21-22).

Hindi mabibilang na buhay at pagkawasak ang magaganap sa mundo sa panahon ng Dakilang Kapighatian. Gayundin naman, napakaraming tao ang lalapit kay Hesus sa pananampalataya, ngunit ang kanilang sariling buhay ang magiging kapalit para sa marami. Nasa pamamahala ng Diyos ang lahat ng mangyayari at iipunin Niya ang mga hindi mananampalatayang hukbo ng mundo upang Kanyang hatulan. Tungkol sa pangyayaring ito, isinulat ni Propeta Joel, "Aking pipisanin ang lahat na bansa, at aking ibababa sila sa libis ni Josaphat; at ako'y makikipagtanggol sa kanila roon dahil sa aking bayan at dahil sa aking manang Israel, na kanilang pinangalat sa mga bansa, at binahagi ang aking lupain" (Joel 3:2). Inilarawan ni Apostol Juan ang digmaang ito sa ganitong paraan: "At nakita kong lumabas sa bibig ng dragon, at sa bibig ng hayop, at sa bibig ng bulaang propeta, ang tatlong espiritung karumaldumal, na gaya ng mga palaka: Sapagka't sila'y mga espiritu ng mga demonio, na nagsisigawa ng mga tanda; na pinaparoonan nila ang mga hari sa buong sanglibutan, upang tipunin sa pagbabaka sa dakilang araw ng Dios, na Makapangyarihan sa lahat. (Narito, ako'y pumaparitong gaya ng magnanakaw. Mapalad siyang nagpupuyat, at nagiingat ng kaniyang mga damit, na baka siya'y lumakad na hubad, at makita nila ang kaniyang kahihiyan.) At tinipon sila sa dako na sa Hebreo ay tinatawag na Armagedon" (Pahayag 16:13-16).

Sa puntong ito, magbabalik ang Mesiyas, pupuksain Niya ang Kanyang mga kaaway at aangkinin ang daigdig na sadyang Kanyang pagaari. "Pagkaraan nito'y nabuksan ang langit, at nakita ko ang isang kabayong puti. Ang sakay nito'y tinatawag na Tapat at Totoo pagkat matuwid siyang humatol at makidigma. Parang nagniningas na apoy ang kanyang mga mata, at napuputungan siya ng maraming korona. Nakasulat sa kanyang katawan ang pangalan niya, ngunit siya ang tanging nakababatid ng kahulugan niyon. Tigmak ng dugo ang kanyang kasuutan. "Salita ng Diyos" ang tawag sa kanya. Sumusunod sa kanya ang mga hukbong langit, na nakadamit ng malinis at puting lino at nakasakay rin sa mga kabayong puti. May lumabas na tabak sa kanyang bibig; gagamitin niya itong panlupig sa mga bansa. At pamamahalaan niya sila sa pamamagitan ng kamay na bakal at paaagusin mula sa pisaan ng ubas ang alak ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Sa kanyang kasuutan at sa kanyang hita ay nakasulat ang pangalang "Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon." Nakita ko naman ang isang anghel na nakatayo sa araw. Hiniyawan niya ang mga ibon sa himpapawid, "Halikayo, at magkatipon para sa malaking piging ng Diyos! Halikayo! Kanin ninyo ang laman ng mga hari, ng mga heneral, ng mga kawal, ng mga kabayo at ng kanilang mga sakay. Kanin ninyo ang laman ng lahat ng tao, alipin at malaya, hamak at dakila!" At nakita kong nagkatipon ang halimaw, ang mga hari sa lupa, at ang kanilang mga hukbo upang digmain ang nakasakay sa kabayo at ang hukbo niya. Nabihag ang halimaw. Nabihag din ang bulaang propeta na gumawa ng mga himala sa harapan ng halimaw. Ang mga ito ang ginamit niyang pandaya sa mga taong may tanda ng halimaw at sumamba sa larawan nito. Ang dalawang ito'y inihagis nang buhay sa lawa ng nagliliyab na asupre. Ang kanilang mga hukbo ay pinatay sa tabak na lumabas sa bibig ng nakasakay sa kabayo, at nagsawa ang mga ibon sa kakakain ng kanilang mga bangkay" (Pahayag 19:11-21).

Pagkatapos na mapuksa ni Kristo ang hukbo ng mga kalaban na nagtitipon sa lambak ng Armageddon, maghahari Siya sa mundo sa loob ng isanlibong taon kasama ang Kanyang mga banal at muling ibabalik ang bansang Israel sa Kanyang lupain. Sa pagtatapos ng isanlibong taon, magaganap ang huling paghuhukom sa lahat ng mga bansa sa lahat ng panahon at sa lahat ng natitirang nilalang sa mundo na susundan ng pangwalang hanggang estado na gugugulin ng tao sa dalawang hantungan: kung hindi sila makakasama ng Diyos sa Bagong Langit at Bagong Lupa magpakailanman ay dadalhin sila sa lawang apoy, sa walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos (Pahayag 20-21).

Ang mga pangyayari sa itaas ay hindi mga haka-haka o mga posibilidad lamang - ang mga ito ang eksaktong mangyayari sa hinaharap. Gaya ng kung paanong naganap ang lahat ng mga hula tungkol sa unang pagdating ni Kristo, magaganap ding lahat ang mga hula tungkol sa Kanyang muling pagparito.

Ano ang nararapat na maging epekto ng mga katotohanang ito sa ating buhay ngayon? Ito ang tanong ni Pedro: "Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mapupugnaw ng ganito, ano ngang anyo ng mga pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na pamumuhay at pagkamaawain, na ating hinihintay at pinakananasa ang pagdating ng kaarawan ng Dios, na dahil dito'y ang sangkalangitan na nagniningas ay mapupugnaw, at ang mga bagay sa langit ay matutunaw sa matinding init?" (2 Pedro 3:11-12).

Ang Epekto ng mga hula sa hinaharap sa ating Buhay Ngayon

May apat na tugon na dapat nating isapamuhay sa liwanag ng mga hulang ito. Una ay pagsunod, na siyang sinasabi ni Apostol Pedro sa talata sa itaas. Patuloy na pinaaalalahanan tayo ni Hesus na maging handa sa Kanyang pagparito, na maaaring maganap anumang araw at oras mula ngayon (Markos 13:33-37) at mamuhay tayo sa isang paraan upang hindi tayo magiging kahiya-hiya sa pagharap sa Kanya sa kanyang muling pagparito.

Ang ikalawa nating dapat na maging tugon ay pagsamba. Pinagkalooban tayo ng Diyos ng paraan upang makatakas sa Kanyang paghatol sa huling araw - ang Kanyang kaloob na kaligtasan sa pamamagitan ni Hesu Kristo. Dapat nating tiyakin na natanggap natin ang kanyang pagliligtas at namumuhay tayo ng may buong pasasalamat sa Kanya. Ang ating pagsamba sa lupa ay magpapatuloy sa langit isang araw: "At sila'y nangagaawitan ng isang bagong awit, na nagsasabi, Ikaw ang karapatdapat na kumuha ng aklat, at magbukas ng mga tatak nito: sapagka't ikaw ay pinatay, at binili mo sa Dios ng iyong dugo ang mga tao sa bawa't angkan, at wika, at bayan, at bansa" (Pahayag 5:9).

Ang pangatlong tugon ay pagpapahayag. Ang mensahe ng pagliligtas ng Diyos at ang katotohanan tungkol sa muling pagparito ng Panginoong Hesu Kristo ay nararapat na ipahayag upang malaman ng lahat, lalo na ng mga hindi mananampalataya. Dapat mabigyan ang lahat ng pagkakataon na magbalik loob sa Diyos at ng sila'y maligtas din sa paparating na galit ng Diyos. Sinasabi sa Pahayag 22:10, "At sinasabi niya sa akin, Huwag mong tatakan ang mga salita ng hula ng aklat na ito; sapagka't malapit na ang panahon."

Ang huling tugon ay paglilingkod. Nararapat na maging masigasig ang lahat ng mananampalataya sa pagsunod sa kalooban ng Diyos at sa paggawa ng mabuti. Hahatulan ang mga mananampalataya ayon sa lahat ng kanilang ginawang mabuti habang nabubuhay sa mundo. Hindi ang mabubuting gawa ang magdadala sa tao sa langit ngunit ang paggawa ng mabuti ang nagpapakita kung paanong pinahalagahan nila at ginamit ang mga kaloob na ibinigay sa kanila ng Diyos. Patungkol sa paghatol na ito, sinasabi ni Apostol Pablo, "Sapagkat bawat isa ay haharap sa hukuman ni Cristo upang tumanggap ng kaukulang ganti sa kanyang ginawa, mabuti man o masama, nang siya'y nabubuhay pa sa daigdig na ito” (2 Corinto 5:10).

Sa pagbubuod, nasa kapamahalaan ng Diyos ang lahat ng mangyayari at ang lahat ng tao sa mundo. Siya ang may ganap na kapamahalaan sa lahat ng mga bagay at Siya ang gagawa ng perpektong katapusan sa lahat ng Kanyang sinimulan. Sinasabi ng isang matandang awit Kristiyano: "Ang lahat ng nilalang ng Diyos. Hinulma ng iisang kamay, Si Satanas at ang Kaligtasan, "Ay nasa ilalim ng Kanyang kapangyarihan."

Ang mga natupad na hula ay katibayan na ang Bibliya ay isang hindi pangkaraniwang aklat. Ito ang Salita ng Diyos. Daan-daang mga hula sa Lumang Tipan ang natupad na, kaya nga makatwiran lamang na ipalagay na ang lahat ng sinasabi sa Bibliya tungkol sa mga kaganapan sa huling araw ay matutupad ding lahat. Para sa mga nakakakilala sa Panginoong Hesu Kristo at nagtiwala sa Kanya bilang kanilang Tagapagligtas at Panginoon, ang Kanyang muling pagparito ang kanilang dakilang pag-asa (Tito 2:13). Ngunit para sa mga tumatanggi kay Kristo, Siya ang kanilang kinatatakutan (2 Tesalonica 1:8). Ito ang sentrong katotohanan: upang makaligtas sa mga kahirapan sa mga huling araw, tiyakin mo na ngayon na tunay kang sumasampalataya kay Hesu Kristo: "Tinawag tayo ng Diyos hindi upang parusahan, kundi upang iligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo" (1 Tesalonica 5:9).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Pamumuhay sa mga huling araw - ano ang mga dapat kong malaman?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries