Tanong
Mahalaga ba ang panalangin ng maramihan? Ang panalangin ba ng maramihan ay mas mabisa kaysa sa pananalangin ng nag-iisang mananampalataya?
Sagot
Ang panalangin ng maramihan ay mahalaga sa buhay ng isang iglesiya, kasama ng pagsamba, pagtuturo ng tamang doktrina, komunyon, at pagsasama-sama. Ang unang iglesya ay palaging nagtitipon upang matutuhan ang doktrina ng mga apostol, mag salo-salo sa paggunita sa huling hapunan at upang manalangin ng sama-sama (Gawa 2:42). Kapag tayo ay nananalangin ng sama-sama kasama ang ibang mananampalataya, ito ay may magandang resulta. Ang pananalangin ng maramihan ay nagbibigay sa atin ng pagkakaisa habang sabay-sabay nating isinasagawa ito. Ang parehong Espiritu Santo na nananahan sa bawat mananampalataya ay binibigyan tayo ng kaligayahan sa ating mga puso habang ating naririnig ang mga papuri ng ating mga kapatid sa Panginoon. Pinagbubuklod tayo ng naiibang pagkakaisa na hindi makikita sa buhay ng mga hindi mananampalataya.
Para doon sa mga nakikipaghamok laban sa mga mabibigat na suliranin sa buhay, marinig lamang nila na ang panalangin nila ay idinudulog sa trono ng biyaya ng Diyos, ito ay nagiging bukal ng sigla at pag-asa. Ang pananalangin ng maramihan ay humuhubog sa atin upang mahalin at pagmalasakitan ang ibang tao habang tayo ay namamagitan para sa kanila. Binibigyan din tayo nito ng pagkakataong magnilay-nilay kasama ang mga taong nagmamalasakit sa bawat isa. Tayo ay dapat na magpakumbaba sa tuwing lalapit sa Diyos (Santiago 4:10), sa katotohanan (Awit 145:18), sa pagiging masunurin (1 Juan 3:21-22), ng may pagpapasalamat (Filipos 4:6) at pagtitiwala (Hebreo 4:16). Nakakalungkot isipin na ang pananalangin ng maramihan ay maaaring gamitin ng ibang tao upang magsalita ng mga bagay na hindi patungkol sa Diyos, kundi para sa mga nakikinig. Si Hesus ay nagbigay ng babala sa Mateo 6:5-8. Dito ay mahigpit na ipinagbabawal ang panalangin ng may pagmamayabang, walang kabuluhang paulit-ulit, o di kaya ay pakitang tao lamang. Itinuro dito ng Panginoong Hesus na dapat tayong manalangin sa pribadong lugar upang maiwasan ang tukso na gamitin natin ang pananalangin sa sariling kapakanan.
Hindi itinuturo ng Bibliya na ang panalangin ng maramihan ay "mas mabisa" kaysa sa panalangin ng isang tao lamang. Maraming Kristyano na ang tanging motibo sa pananalangin ay upang "makamit ang mga bagay na minimithi nila mula sa Diyos," at ginagamit ang panalangin ng maramihan upang bigkasin ang listahan ng mga pangangailangan. Ang tamang pananalangin ayon sa Bibliya ay may tamang sangkap at ito ay ang pagnanais na makipag-niig sa Diyos hindi para sa personal na kapakanan kundi upang magpasakop sa kalooban ng makatarungang Diyos. Minimithi ng isang tunay na mananampalataya na maluwalhati ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang tugon sa kanyang dalangin upang makapagbigay ng kapurihan sa Diyos (Awit 27:4; 63:1-8), na may kasamang taus-pusong pagsisisi at paghahayag ng mga kasalanan (Awit 51; Lucas 18:9-14), pagpapahayag ng taus-pusong pasasalamat (Filipos 4:6; Colosas 1:12), at may pagmamalasakit para sa iba (2 Tesalonica 1:11; 2:16).
Gayon pa man, ang panalangin ay iniutos ng Diyos na ating gawin upang ang Kanyang mga plano ay mangyari, hindi upang sumunod ang Diyos sa ating mga kagustuhan. At habang ating ipinauubaya at isinusuko ang ating sariling kalooban sa Kanya na nakakaalam ng ating kalagayan, alam nating tayo'y Kanyang dinirinig at "alam Niya ang ating mga pangangailangan bago pa natin iyon hingin" (Mateo 6:8). Ang ating mga panalangin ay tiyak na naririnig ng Diyos.
Ang opinyon na ang panalangin ng maramihan ay mas mabisa upang tumugon Diyos ay nagmula sa maling pang-unawa sa Mateo 18:19-20 kung saan sinasabi, "Sinasabi ko sa inyo: anumang ipagbawal ninyo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at anumang ipahintulot ninyo sa lupa ay ipahihintulot sa langit. "Sinasabi ko pa rin sa inyo: kung ang dalawa sa inyo dito sa lupa ay magkaisa sa paghingi ng anumang bagay sa inyong panalangin, ipagkakaloob ito sa inyo ng aking Amang nasa langit. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akong kasama nila." Ang konteksto ng talatang ito ay pagdidisiplina sa Iglesya hindi sa paghingi ng anumang kahilingan sa Diyos. Ang pangako dito ng Diyos na kanyang ipagkakaloob ay ang karunungan upang iwasto ang isang kasalanan kaugnay sa ginagawang pagdidisplina sa iglesya para sa nagkasala.
Ang pagkakatipon ng ‘dalawa’ o ‘tatlo’ para manalangin, ay hindi isang pormula sa mabisang pananalangin. Ang katuruang ito ay hindi sinusuportahan ng Bibliya. Si Hesus ay totoong nasa gitna kung may dalawa o tatlo na nananalangin, subali’t Siya ay naroon din kahit sa isang tao na nananalangin ng mag-isa. Ang panalangin ng maramihan ay mahalaga dahil ito ay nagpapakita ng pagkakaisa ng Iglesya (Juan 17:22-23), at ito ay isang mahalagang gawain para sa mga taong nananampalataya kay Hesus (1 Tesalonica 5:11) at nag-uudyok para sa isa't isa na magmahalan at magmalasakitan (Hebreo 10:24). Ngunit hindi ito garantiya para sa mas mabisang panalangin.
English
Mahalaga ba ang panalangin ng maramihan? Ang panalangin ba ng maramihan ay mas mabisa kaysa sa pananalangin ng nag-iisang mananampalataya?