Tanong
Ano ang Panalangin ng Panginoon at dapat ba natin itong idalangin?
Sagot
Ang Panalangin ng Panginoon ay ang panalangin na itinuro ng Panginoong Jesus sa Kanyang mga alagad sa Mateo 6:9-13 at sa Lucas 11:2-4. Ayon sa Mateo 6:9-13, "Ganito kayo mananalangin: 'Ama naming nasa langit, Sambahin nawa ang pangalan mo. Ikaw nawa ang maghari sa amin, Sundin nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit. Bigyan mo kami ng pagkaing kai- langan namin sa araw na ito; At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, Tulad ng aming pagpapatawad sa mga nagkakasala sa amin. At huwag mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok, Kundi ilayo mo kami sa Masama! [Sapagkat iyo ang kaharian at ang kapangyarihan at ang kapurihan, magpakailanman! Amen].'" Marami ang hindi nauunawaan ang tamang kahulugan ng panalanging ito. Akala nila ay kailangang gayahin ito ng letra por letra at ulit-ulitin. Ang iba naman ay itinuturing ang Panalanging ito na tulad sa isang mahiwagang pormula, na ang bawat salita ay may kapangyarihan na nakakapagpakilos sa Diyos.
Itinuturo sa atin ng Bibliya ang kamalian ng ganitong paniniwala. Ang Diyos ay mas interesado sa nilalaman ng ating puso kaysa sa ating mga ginagamit na salita. Sinabi sa parehong kapitulo ng Mateo sa talata 6 – 7, "Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Amang hindi mo nakikita, at gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.”Sa pananalangin ninyo'y huwag kayong gagamit ng napakaraming salita, gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila'y pakikinggan sila ng Diyos dahil sa dami ng kanilang salita.” Sa ating pananalangin dapat nating buksan ang nilalaman ng ating puso sa Diyos (Filipos 4:6-7) at hindi isang isinaulong panalangin lamang ang ating bibigkasin sa Kanya.
Ang Panalangin ng Panginoon ay isa lamang halimbawa o modelo, kung papaano tayo mananalangin. Makikita dito ang mga tamang "sangkap" ng isang panalanging katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang totoong kahulugan ng Panalanging ito kung ating hihimayin: “Ama naming nasa langit,” Itinuturo nito sa atin kung kanino natin ipaaabot ang ating panalangin - para sa Ama. "Sambahin nawa ang pangalan mo." Ito ay nagsasaad na dapat nating sambahin ang Diyos at papurihan Siya dahil sa Siya ay Siya. Ang pararila na "Ikaw nawa ang maghari sa amin, sundin nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit," ay isang paalala sa atin na tayo ay dapat manalangin ayon sa kalooban ng Diyos at hindi natin ipagpipilitan ang gusto natin. Dapat na Siya ang masunod dito sa lupa kung paanong nasusunod ang kanyang kalooban sa langit.
Kaya nga, ang Panalangin ng Panginoon ay hindi panalangin na ating sasauluhin at bibigkasin ng paulit-ulit sa Diyos. Ito ay isa lamang halimbawa kung papaano tayo dapat mananalangin. Masama bang sauluhin ang Panalangin ng Panginoon? Oo, kung gagawin natin itong tulad sa isang pormula. Masama ba kung kung idalangin ko ang Panalangin ng Panginoon? Hindi, kung ang iyong puso ay tapat na sinasang-ayunan ang bawat salita at hindi lamang minemorya ang bawat salita. Tandaan na sa ating pananalangin, ang Diyos ay higit na interesado sa ating pakikipag-ugnayan sa Kanya at sa mga salitang galing sa ating puso kaysa sa mga salita na ating ginagamit. Sinasabi sa Filipos 4:6-7, "Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang di-malirip na kapayapaan ng Diyos ang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Cristo Jesus."
English
Ano ang Panalangin ng Panginoon at dapat ba natin itong idalangin?