settings icon
share icon
Tanong

Dapat ba na manalangin nang paulit-ulit para sa iisang bagay, o nararapat ba na ang ating panalangin ay isang beses lamang para sa bawat bagay?

Sagot


Sa Lucas 18:1-7, gumamit si Jesus ng talinghaga upang ilarawan ang kahalagahan ng matiyagang pananalangin. Ginamit Niyang ilustrasyon ang talinghaga tungkol sa isang balo na dumulog sa isang hindi makatarungang hukom upang humingi ng hustisya laban sa Kanyang kaaway. Dahil sa matiyagang pagdulog ng balo, ibinigay sa kanya ng hukom ang katarungan. Itinuturo ng Panginoong Hesus na kung ang isang hindi makatarungang hukom ay nahabag sa balo na walang sawang humingi sa kanya ng hustisya, gaano pa kaya ang Diyos na nagmamahal sa atin "na Kanyang mga hinirang" (t. 7) na hindi niya sasagutin ang ating masigasig na pananalangin. Hindi itinuturo ng talinghaga gaya ng maling pangunawa ng iba, na kung tayo ay mananalangin nang pauli-ulit para sa isang bagay, ang Diyos ay mapipilitang ipagkaloob iyon sa atin. Ang ipinangako ng Diyos ay Kanyang ipaghihiganti ang Kanyang mga anak at hindi Niya sila ay ipagwawalang-bahala. Itutuwid Niya ang kanilang mga pagkakamali at ililigtas sila sa kanilang mga kaaway. Ito ay Kanyang ginagawa dahil sa Kanyang hustisya, kabanalan at pagkamuhi sa kasalanan hindi dahil sa ating pananalangin. Kanyang tinutupad ang Kanyang mga pangako at ipinakikita ang Kanyang kapangyarihan.

Isa pang halimbawa ng Panginoong Hesus tungkol sa pananalangin ay makikita sa Lucas 11:5-12. Ang mensahe na gustong iparating ng talinghagang ito kung saan tinulungan ng isang kaibigan ang kanyang kaibigan na nasa kagipitan kahit na sa dis-oras ng gabi. Kung ang isang kaibigan ay handang ibigay ang kailangan ng isang nagigipit na kaibigan kahit na sa dis-oras pa ng gabi, ang Diyos pa kaya ang hindi tumugon sa atin sa oras ng ating kagipitan. Muli, hindi nito itinuturo na tatanggapin natin sa Diyos ang anumang ating hingin sa Kanya kundi itinuturo nito sa atin na huwag tayong mahihiyang lumapit sa Diyos dahil higit pa Siya sa isang tunay na kaibigan. Ipinangako ng Diyos sa Kanyang mga anak na tutustusan Niya ang kanilang mga pangangailangan, hindi ang kanilang mga luho. Higit na alam ng Diyos ang ating mga pangangailangan kaysa sa atin. Inulit din ang katulad na pangako sa Mateo 7:7-11 at Lucas 11:13.

Ang dalawang talinghagang ito ay humihimok sa atin na patuloy na manalangin at huwag manghinawa. Walang masama sa paghingi sa isang bagay nang paulit-ulit. Kung ang ating idinadalangin ay ayon sa kalooban ng Diyos (1 Juan 5:14-15), patuloy tayong manalangin hanggang sa ipagkaloob sa atin iyon o di kaya naman ay alisin Niya ang ating pagnanais sa bagay na iyon. Kung minsan, nais ng Diyos na maghintay tayo sa kasagutan ng ating mga panalangin dahil tinuturuan Niya tayo na maging matiyaga at masigasig sa pananalangin. Minsan naman, ang sagot sa ating dalangin ay maghintay dahil hindi pa iyon ayon sa panahon na itinakda ng Diyos. Kadalasan, tayo ay dumadalangin para sa isang bagay na hindi naman ayon sa kanyang kalooban kaya't ang sagot Niya ay "hindi." Ang layunin ng pananalangin ay hindi lamang upang ipahayag ang ating mga kahilingan sa Diyos kundi upang tayo din naman ay matutong maghanap sa Kanyang kalooban. Kaya't patuloy kang humingi, patuloy na kumatok, at patuloy na maghanap hanggang ibigay sa iyo ng Diyos ang iyong mga kahilingan o di kaya naman ay malaman mo na ang iyong hinihingi ay hindi kalooban ng Diyos para sa iyo at dahil dito, sundin mo ang Kanyang kalooban.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Dapat ba na manalangin nang paulit-ulit para sa iisang bagay, o nararapat ba na ang ating panalangin ay isang beses lamang para sa bawat bagay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries