Tanong
Parehas ba ang Diyos?
Sagot
Ang magandang balita para sa atin ay walang paboritismo sa Diyos. Ang pagiging parehas ay nangangahulugan na tatanggapin ng bawat isa ang nararapat para sa kanya. Sa isip ng maraming tao, ang pagiging parehas ay pagtrato ng pantay pantay sa lahat. Kung ang Diyos ay parehas ayon sa pakahulugang ito, gugugulin natin ang walang hanggan sa impiyerno upang bayaran ang ating mga kasalanan na siyang nararapat para sa atin. Lahat tayo ay nagkasala laban sa Diyos (Roma 3:23) at dahil dito, nararapat tayong magdanas ng poot ng Diyos (Roma 6:23). Kung tatanggapin natin ang nararapat para sa atin, nararapat na pumunta tayong lahat sa impiyerno (Roma 6:23). Ngunit hindi parehas ang Diyos; sa halip, Siya ay mabuti at mahabagin, kaya isinugo Niya si Hesu Kristo upang mamatay sa krus upang maging kahalili natin, at inako ang kaparusahan na tayo ang nararapat na magdanas (2 Corinto 5:21). Ang dapat nating gawin ay manampalataya sa Kanya, magsisi sa ating mga kasalanan at tayo ay maliligtas, mapapatawad at makatatanggap ng buhay na walang hanggan sa kalangitan (Juan 3:16).
Ngunit sa kabila ng mabiyayang pag-ibig ng Diyos, walang sinuman ang mananampalataya sa Kanya sa ganang kanyang sarili (Roma 3:10-18). Kinakailangang ilapit tayo ng Diyos sa Kanyang Anak upang makapanampalataya tayo sa Kanya (Juan 6:44). Hindi inilalapit ng Diyos ang lahat ng tao, kundi ang mga pinili lamang Niya ayon sa Kanyang walang hanggang panukala (Roma 8:29-30; Efeso 1:5, 11). Hindi ito “parehas” para sa atin dahil tila hindi tinatrato ng Diyos ng parehas ang lahat ng tao. Gayunman, walang sinuman ang karapatdapat na makasama sa mga pinili ng Diyos. Muli, ang karapatdapat sa bawat isa ay gugulin ang walang hanggan sa impiyerno. Ang pagliligtas ng Diyos ay parehas pa rin para sa mga nanatili sa kanilang mga kasalanan at pupunta sa kapahamakan dahil tatanggapin lamang nila ang nararapat para sa kanila.
Tinanggap ng mga pinili ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at biyaya. Nang baguhin niya ang ating mga puso at buksan ang ating mga isip, at ilapit tayo sa Kanyang sarili, mayroon na tayong oportunidad at kakayahan na tumugon sa Kanyang paanyaya at sa Kanyang kapahayagan sa pamamagitan ni Hesu Kristo (Juan 1:12), ng Kanyang sangnilikha (Awit 19:1-3) at sa pamamagitan ng konsensya na ibinigay Niya sa atin (Roma 2:15). Sa mga tatanggi, tatanggapin lamang nila ang kaparusahan na nararapat para sa kanila (Juan 3:18, 36). Ang mga sumasampalataya ay tatanggap ng higit na mabuti at maganda kaysa sa nararapat sa kanila. Walang sinuman ang pinarurusahan ng higit sa nararapat para sa kanya. Kaya't parehas ba ang Diyos? Hindi. Salamat na higit pa Siya sa parehas! Puspos Siya ng biyaya, kahabagan at kaawaan, bagama’t Siya rin naman ay banal, makatarungan at makatuwiran.
English
Parehas ba ang Diyos?