Tanong
Sino ang mga Saduseo at ang mga Pariseo?
Sagot
Malimit na tinutukoy sa mga Ebanghelyo ang mga Saduseo at mga Pariseo, dahil lagin tinutuligsa ng mga ito ang Panginoong Hesus. Ang mga Pariseo at Saduseo ay binubuo ng mga namumuno sa Israel. Maraming pagkakatulad sa pagitan ng dalawang grupong ito ngunit marami din naman ang pagkakaiba.
Ang mga Saduseo: Sa panahon ng Panginoong Hesu Kristo at ng Bagong Tipan, ang mga Saduseo ay kabilang sa mayayamang tao. Sila ay mga aristokrat at may makapangyarihang posiyon sa lipunan. Kabilang sa grupong ito ang mga punong saserdote maging ang pinakapunong saserdote. Inookupahan nila ang marami sa 70 posisyon ng pinakamataas na konseho sa Israel na tinatawag na Sanedrin. Gumagawa sila ng buong sikap na panatilihin ang kapayapaan sa Israel sa pamamagitan ng pagsang-ayon sa mga desisyon ng Roma (ang Israel ay nasa ilalim ng pamamahala ng bansang Roma ng mga panahong iyon) at tila mas interesado sila sa pulitika kaysa sa relihiyon. Dahil sa pagiging matulungin nila sa Roma at dahil mayayaman silang mga tao, hindi sila malapit sa mga karaniwang tao at hindi rin sila itinuturing ng maayos ng mga ito. Mas malapit ang karaniwang tao sa mga Pariseo. Bagamat ang mga Saduseo ang humahawak sa mas maraming puwesto sa Sanedrin, ipinapahiwatig ng kasaysayan na karaniwang nakikisama sila ng maayos sa mga Pariseo dahil ang mga ito ang popular sa masa.
Sa aspetong panrelihiyon, ang mga Saduseo ay mas konserbatibo sa isang pangunahing aspeto ng doktrina kaysa sa mga Pariseo. Binibigyan ng mga Pariseo na pantay na kapangyarihan ang tradisyon at ang nakasulat na Salita ng Diyos habang ang mga Saduseo naman ay itinuturing na ang Salita lamang ng Diyos ang inaprubahan ng Diyos. Pinangangalagaan ng mga Saduseo ang awtoridad ng nakasulat na Salita ng Diyos lalo na ang mga sinulat ni Moises (Genesis hanggang Deuteronomio). Habang kapuripuri sila sa aspetong ito, hindi naman perpekto ang kanilang mga pananaw sa doktrina ng Kasulatan. Ang mga sumusunod ay isang maiksing listahan ng paniniwala ng mga Saduseo na hindi sinasang ayunan ng Bibliya:
1. Napaka independente nila hanggang sa punto na tinatanggihan nila ang partisipasyon ng Diyos sa buhay ng tao at sa kanlang pangaraw araw na pamumuhay.
2. Hindi nila pinaniniwalaan ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay (Mateo 22:23; Markos 12:18-27; Mga Gawa 23:8).
3. Tinatanggihan nila ang buhay pagkatapos ng kamatayan at pinaniniwalaan na naglalaho ang kaluluwa ng tao pagkatapos ng kamatayan, at dahil dito, tinatanggihan ang kaparusahan at ganntimpala pagkatapos ng buhay sa lupa.
4. Hindi nila pinaniniwalaan ang pagkakaroon ng mundo ng mga espiritu, halimbawa ng mga anghel at mga demonyo (Mga Gawa 23:8).
Dahil mas pinahahalgahan ng mga Saduseo ang pulitika kaysa sa relihiyon, hindi nila pinakikialaman si Hesus hanggang sa natakot na sila na baka maagaw Niya ang atensyon ng mga Romano. Sa puntong ito nagkakaisa ang mga Pariseo at mga Saduseo at ito ang dahilan kaya sila nagsanib pwersa - upang ipapatay si Hesus (Juan 11:48-50; Markos 14:53; 15:1). Ang iba pang mga pagbanggit sa mga Saduseo ay matatagpuan sa Mga Gawa 4:1 at 5:17. Ang mga Saduseo ay isinasangkot din sa pagkamatay ni Santiago ayon kay Josephus na isang manunulat ng kasaysayan (Mga Gawa 12:1-2).
Naglaho ang grupo ng mga Saduseo noong A.D. 70. Dahil lumitaw lamang ang grupong ito dahil sa kanilang relasyong pampulitika at sa kanilang pagiging saserdote, naglaho ang mga Saduseo kasunod ng pagwasak ng mga Romano sa siyudad ng Jerusalem at ng templo.
Ang mga Pariseo: kumpara sa mga Saduseo, ang mga Pariseo ay kabilang sa mga middle class na negosyante at dahil dito, mayroon silang ugnayan sa mga karaniwang tao. Mas mataas ang tingin ng mga tao sa mga Pariseo kumpara sa mga Saduseo. Bagamat mas kakaunti lamang ang kanilang kinatawan sa Sanedrin at kakaunti din ang inuokupahang posisyon kaysa sa mga saserdote, tila may kontrol sila sa mga desisyon ng Sanedrin kaysa sa mga Saduseo, dahil sinusuportahan sila ng mga pangkaraniwang tao.
Sa aspetong panrelihiyon, tinatanggap nila ang Kasulatan na "kinasihan ng Diyos." Sa panahon ng pagmiministeryo ni Hesus sa lupa, pinaniniwalaan nila ang buong Lumang Tipan. Ngunit binibigyan din nila ng pantay na awtoridad ang mga tradisyon at ipinagtanggol ang posisyong ito at sinabi na ang mga tradisyong ito ay sinusunod na mula pa noong panahon ni Moises. Sa paglipas ng panahon, ang mga tradisyong ito ay kanilang idinagdag sa Salita ng Diyos, na ipinagbabawal mismo ng Diyos (Deuteronomio 4:2). Sinikap ng mga Pariseo na sundin ng buong sikap ang mga tradisyong ito na kapantay ng Lumang Tipan. Nakatala sa mga Ebanghelyo ang napakaraming mga halimbawa ng pagpapahalaga ng mga Pariseo sa mga tradisyon (Mateo 9:14; 15:1-9; 23:5; 23:16, 23, Markos 7:1-23; Lukas 11:42). Gayunman, nanatili silang totoo sa Salita ng Diyos sa ibang mahalagang mga doktrina. Pinaniniwalaan ng mga Pariseo ang mga sumusunod:
1. Pinaniniwalaan nila na ang Diyos ang may kontrol sa lahat ng bagay, ngunit ang desisyon ng indibidwal ay may kontribusyon din sa kanyang magiging kapalaran.
2. Pinaniniwalaan nila ang pagkabuhay ng mga patay (Mga Gawa 23:6).
3. Naniniwala sila sa buhay pagkatapos ng kamatayan, at may naghihintay na karampatang gantimpala at parusa para sa indibidwal.
4. Naniniwala sila sa pagkakaroon ng anghel at mga demonyo (Mga Gawa 23:8).
Bagamat karibal ng mga Saduseo ang mga Pariseo, nagawa nilang isantabi ang kanilang pagkakaiba sa isang okasyon - sa paglilitis kay Hesus. Ito ang punto kung saan nagkaisa ang mga Saduseo at mga Pariseo - ang ipapatay si Hesus sa mga Romano (Markos 14:53; 15:1; Juan 11:48-50).
Habang naglaho na ang mga Saduseo pagkatapos na wasakin ng mga Romano ang Jerusalem, ang mga Pariseo naman, na mas pinagtutuunan ng pansin ang relihiyon higit sa pulitika ay nagpatuloy. Sa katotohanan, ang mga Pariseo ay tumutol sa rebelyon na siyang naging dahilan ng pagkawasak ng Jerusalem noong A.D. 70. Sila ang unang nagalok ng pakikipagpayapa sa mga Romano pagkatapos ng pagkawasak ng Jerusalem. Ang mga Pariseo ay responsable sa pagkolekta ng Mishnah, isang importanteng dokumento kung saan binabanggit ang pagpapatuloy ng Judaismo pagkatapos ng pakawasak ng templo.
Parehong umani ang mga Pariseo at Saduseo ng pagtutuwid ng Panginoong Hesu Kristo. Maaaring ang pinakamagandang aral na ating matututunan sa mga Pariseo at Saduseo ay huwag maging gaya sa kanila. Hindi gaya ng mga Saduseo, dapat nating paniwalaan kung ano ang lahat ng sinasabi ng Bibliya maging ang mga himala at ang buhay pagkatapos ng kamatayan sa lupa. Ngunit hindi gaya ng mga Pariseo, hindi natin dapat na ituring ang mga tradisyon na may pantay na awtoridad sa Kasulatan at hindi natin dapat na hayaan na ang ating relasyon sa Diyos ay maging isang listahan ng mga ritwal at mga kautusan.
English
Sino ang mga Saduseo at ang mga Pariseo?