settings icon
share icon
Tanong

Ano ang bato na tinutukoy sa Mateo 16:18?

Sagot


Isang debate ang nabuo kung ang "bato" kung saan itatayo ni Cristo ang Kanyang iglesya ba ay si Pedro, o ang pahayag ni Pedro na si Hesus ay "ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay" (Mateo 16:16). Sa totoo lang, walang paraan upang ating tiyak na masiguro kung aling pananaw ang tama. Ang pagkakabuo sa gramatiko ng mga salita sa talatang ito ay nagpapahintulot sa parehong pananaw.

Ang unang pananaw ay ang pagpapahayag ni Hesus na si Pedro ang "bato" kung saan kanyang itatatag ang Kanyang iglesya. Nagmistulang nilaro ng Panginoon ang mga salita. "ikaw ay Pedro (petros), at sa ibabaw ng batong (petra) ito ay itatayo ko ang Aking iglesya." Samantalang ang pangalan ni Pedro ay nangangahulugan na "bato", at itatayo ng Panginoong Hesus ang Kanyang iglesya sa bato, makikita ang pagkakaugnay ng dalawang ito. Ginamit ng Diyos si Pedro sa pagtatatag ng iglesya. Si Pedro ang unang nagbahagi ng ebanghelyo sa araw ng Pentecostes (Mga Gawa 2:14-47). Naroroon si Pedro ng unang matanggap ng mga Samaritano ang Banal na Espiritu (Mga Gawa 8:14-17), at siya ang unang nagdala ng mabuting balita sa mga hentil (Mga Gawa 10:1-48). Maaari nga, na si Pedro ang bato o "haligi" ng iglesya.

Isa pang kilalang interpretasyon sa bato na tinutukoy ng Panginoong HesuKristo ay ang pahayag ng pananampalataya ni Pedro sa Mateo16:16, "Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay." Kailanman ay hindi tahasang ipinahayag ng Panginoon kay Pedro at sa iba pang mga apostol ang kabuuan ng Kanyang pagkakakilanlan at Kanyang kinikilala na sa pamamagitan ng walang hanggang kapangyarihan ng Diyos, namulat ang mga mata ni Pedro at ipinakita sa kanya kung sino talaga si Hesus. Ang kanyang pahayag na si Hesus ang Anak ng Diyos ay isang taos-pusong pagdedeklara ng kanyang personal na pananampalataya kay Kristo. Ang personal na pananampalatayang ito kay Kristo ang tunay na marka ng pagiging tunay na Kristiyano. Lahat ng mga naglagak ng kanilang pananampalataya kay Kristo, tulad ng ginawa ni Pedro, ay ang iglesya. Sinabi ito ni Pedro sa 1 Pedro 2:4-5, "Na kayo'y magsilapit sa Kaniya, na isang batong buhay, na sa katotohanan ay itinakuwil ng mga tao, datapuwa't sa Diyos ay hirang, mahalaga, kayo rin naman, na gaya ng mga batong buhay, ay natatayong bahay na ukol sa espiritu, upang maging pagkasaserdoteng banal, upang maghandog ng mga hain na ukol sa espiritu, nangakalulugod sa Diyos sa pamamagitan ni Hesukristo."

Matapos ang pahayag ni Pedro, sinabi ng Panginoong Hesus na inihayag sa kanya ng Diyos ang katotohanan. Ang salitang "Pedro" o “Petros” na nangangahulugang "maliit na bato," (cf. Juan 1:42) ay ginamit ni Hesus na kaugnay ng salitang petra, na ang ibig sabihin ay "pundasyong bato.” Ang parehong salita ay ginamit sa Mateo 7:24, 25 nang ilarawan ng Panginoong Hesus ang bato na ginamit ng taong matalino sa pagtatayo ng kaniyang bahay. Maging si Pedro ay ginamit ang kahalintulad na paglalarawan sa kanyang sulat: ang iglesya ay itinayo sa mga petros o "batong buhay" (1 Pedro 2:5), na kasama ng pahayag ni Pedro na si Hesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay. Ang mga kapahayagang ito ng pananampalataya ang saligan ng iglesya.

Bukod dito, malinaw na isinasaad sa Bagong Tipan na si Kristo ang haligi ng Iglesya (Mga Gawa 4:11, 12; 1 Mga Taga-Corinto 3:11). Mali na isipin na binigay ni Hesus ang karapatang ito kay Pedro. Kung iisipin, lahat ng mga apostol ay may malaking bahaging ginampanan sa pagkakatatag ng iglesya (Efeso 2:20), ngunit ang pinagmulan ay ang Panginoong Hesus. Tinawag si Hesus na "pangulong batong panulok" (1 Pedro 2:6, 7; Efeso 2:20; Lucas 20:17; Gawa 4:11). Kung si Kristo ang batong panulok, paano si Pedro magiging bato kung saan itatayo ang iglesya?

Kung gayon, ang tamang interpretasyon sa mga salita ng Panginoong Hesus sa Mateo 16:18 ay masasabing isang simpleng paglalaro ng mga salita. Sa mas mababaw na salin, "Pedro, ikaw ay tinatawag na ‘maliit na bato’, ngunit mula sa iyong bibig ay lumabas ang ‘malaking bato ng katotohanan tungkol sa Akin’ na siyang magiging saligan ng iglesya.”

Isang argumento ng Simbahang Romano Katoliko na si Pedro diumano ang bato na tinutukoy ni Hesus at kanila itong ginagamit bilang patunay na sila ang tunay na iglesya. Subalit, ayon sa ating nakita, ang pananaw na si Pedro ang bato ay hindi iisang interpretasyon sa mga talata. Kahit pa si Pedro ang bato sa Mateo 16:18, hindi ito magbibigay sa Simbahang Romano Katoliko ng kahit anong awtoridad. Hindi itinala saan man sa Bibliya na si Pedro ay pumunta sa Roma. Wala saan man sa Bibliya na naglarawan kay Pedro na nagtataglay ng mas mataas na kapangyarihan kaysa ibang apostol o bilang pinuno ng unang iglesya. Hindi si Pedro ang unang papa. Ang pinagmulan ng Simbahang Katoliko ay hindi batay sa mga katuruan ni Pedro o ng sinuman sa mga apostol kundi kay Hesu Kristo na Siyang ulo at Tagapagtatag ng iglesia.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang bato na tinutukoy sa Mateo 16:18?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries