Tanong
Ano ang Pentateuch?
Sagot
Ang Pentateuch ay isang pangalan para sa unang limang aklat ng Bibliya, na pinaniniwalaan ng karamihan ng mga konserbatibong iskolar ng Bibliya na isinulat ni Moises. Bagama't hindi tinukoy mismo ng mga aklat na ito na si Moises ang manunulat, maraming mga talata sa Bibliya na pinatutungkulan si Moises bilang manunulat (Exodo 17:14; 24:4-7; Bilang 33:1-2; Deuteronomio 31:9-22). Ang isa sa mga pangunahing ebidensya na si Moises ang manunulat ng Pentateuch ay ang mismong kumpirmasyon ng Panginoong Hesus ng tukuyin Niya ang mga aklat na ito sa Lumang Tipan na mga “Kautusan ni Moises” (Lukas 24:44). Habang may mga talata sa Pentateuch na idinagdag ng ibang manunulat maliban kay Moises - halimbawa, ang Deuteronomio 34:5-8, na naglalarawan ng kamatayan at paglilibing kay Moises at kahit na sabihing si Josue o iba pang manunulat ang aktwal na sumulat ng mga orihinal na manuskrito, ang mga katuruan at kapahayagan ay masususog mula sa Diyos sa pamamagitan ni Moises. Kahit na sino pa ang aktwal na sumulat ng mga aklat na ito, ang Diyos ang ultimong manunulat ng mga ito at ang mga aklat na ito ay Kanyang kinasihan.
Ang salitang “Pentateuch” ay nagmula sa kumbinasyon ng dalawang salitang Griyego na ‘penta,’ na ang kahulugan ay “lima,” at ‘teuchos,’ na nangangahulugan na “balumbon.” Kaya nga, ang “Pentateuch” ay simpleng nangangahulugan na ‘limang balumbon’ ng mga aklat na binubuo ng unang dibisyon ng canon ng mga Hudyo. Ang pinanggalingan ng salitang Pentateuch ay masususog noong 200 A.D. ng tukuyin ni Tertullian ang unang limang Aklat sa Lumang tipan sa pangalang ito. Kilala rin sa tawag na “Torah” na ang kahulugan sa salitang Hebreo ay “Kautusan,” ang limang aklat na ito ay ang Genesis, Exodo, Levitico, mga Bilang at Deuteronomio.
Sa pangkalahatan, hinahati ng mga Hudyo ang Lumang Tipan sa tatlong magkakaibang dibisyon, ang Kautusan, ang mga Propeta at ang mga Sulat. Ang Kautusan o Torah ay naglalaman ng kasaysayan ng paglikha at ang pagpili ng Diyos kay Abraham at sa bansang Israel bilang Kanyang lahing hinirang. Ang Torah naman ay naglalaman ng mga kautusan na ibinigay ng Diyos sa Israel sa bundok ng Sinai. Tinukoy ng Kasulatan ang limang aklat na ito sa iba't ibang pangalan. Sa Josue 1:7, sinabi na ang mga ito ay ang “kautusan (Torah) na iniutos sa iyo ni Moises na aking lingkod,” at sila ay tinatawag na “kautusan ni Moises” sa aklat ng 1 mga Hari 2:3.
Ang limang aklat ng Bibliya na bumubuo sa Pentaeuch ay ang pasimula ng nagpapatuloy na kapahayagan ng Diyos sa tao. Sa Genesis, makikita natin ang pasimula ng paglikha, ang pagbagsak ng tao sa kasalanan, ang pangako ng katubusan, ang pasimula ng sibilisasyon ng tao at ang pasimula ng tipan ng Diyos sa kanyang lahing hinirang, ang bansang Israel.
Ang sumunod na aklat ay ang aklat ng Exodo kung saan itinala ang pagliligtas ng Diyos sa Kanyang bansang hinirang mula sa pagkaalipin at ang kanilang paghahanda sa pag-angkin sa Lupang Pangako na itinalaga ng Diyos na kanilang tatahanan. Itinala sa Exodo ang pagliligtas ng Diyos sa Israel mula sa kanilang pagkaalipin sa Ehipto sa loob ng apat na raang (400) taon gaya ng Kanyang ipinangako kay Abraham (Genesis 15:13). Itinala din sa Exodo ang Tipan ng Diyos sa bansang Israel sa bundok ng Sinai, ang tagubilin sa pagtatayo ng Tabernakulo, ang pagbibigay ng Sampung Utos, at ang iba pang mga tagubilin kung paano sasambahin ng Israel ang Diyos.
Sumunod sa aklat ng Exodo ang aklat ng Levitico. Ito ang pagpapatuloy ng tagubilin kung paano sasambahin ng bayang hinirang (Israel) ang Diyos at kung paano Niya pamamahalaan ang Kanyang bansa. Inilatag sa aklat na ito ang mga kinakailangan sa sistema ng paghahandog ng mga dugo ng hayop para sa kasalanan na nagbigay daan sa pagpapahinuhod ng Diyos sa mga kasalanan ng kanyang bayan hanggang sa dumating ang perpektong handog ni Kristo na siyang lubusang pumawi ng poot ng Diyos sa kasalanan.
Sumunod sa aklat ng Levitico ang aklat ng mga Bilang na naglalaman ng mga pangunahing kaganapan sa loob ng apatnapung taon ng paglalagalag ng bayang Israel sa ilang sa loob ng apatnapung (40) taon, gayundin ang pagtuturo ng Diyos kung paano nila Siya sasambahin at kung paano sila mamumuhay bilang Kanyang sariling bansa. Ang huli sa limang aklat na ito ay ang aklat ng Deuteronomio. Ang aklat ng Deuteronomio ay karaniwang tinutukoy din bilang “pangalawang Kautusan” o “paguulit sa Kautusan.” Itinala sa aklat na ito ang mga huling salita ni Moises bago pumasok ang Israel sa Lupang Pangako (Deuteronomio1:1). Sa Deuteronomio, inulit at ipinaliwanag ang kautusan na ibinigay ng Diyos sa bundok ng Sinai. Habang pumapasok ang Israel sa panibagong kabanata ng kanilang kasaysayan, ipinaalala sa kanila ni Moises ang mga utos ng Diyos at ang mga pagpapala na mapapasakanila kung susunod sila sa kalooban ng Diyos at ang mga sumpang kanilang mararanasan kung susuwayin nila ang mga kautusan ng Diyos.
Sa pangkalahatan, ang limang aklat ng Pentateuch ay itinuturing na mga aklat ng kasaysayan dahil itinala sa mga aklat na ito ang mga pangyayari sa kasaysayan ng Israel. Habang tinatawag din ang mga aklat na ito na “Torah” o “Kautusan,” sa katotohanan, nagtataglay sila ng higit pa sa mga kautusan. Ipinahahayag sa mga aklat na ito ang sulyap sa plano ng Diyos na pagtubos sa tao mula sa kasalanan at ito ang nagsisilbing “telon” (backdrop) ng mga aklat ng Kasulatan. Gaya ng iba pang mga aklat sa Lumang tipan, ang mga pangako, tipo at mga hula na taglay ng Pentateuch ay natupad sa persona at gawain ng Panginoong Hesu Kristo.
English
Ano ang Pentateuch?