Tanong
Ano ang pitong huling wika ni Kristo sa krus at ano ang kahulugan ng mga iyon?
Sagot
Ito ang pitong huling wika ni Hesu Kristo na Kanyang sinambit sa krus (hindi ayon sa pagkakasunod sunod).
(1) Sinasabi sa atin sa Mateo 27:46 na ng magiikatlo ng hapon sumigaw ng malakas si Hesus at sinabi, “Eloi, Eloi, lama sabachthani?” na ngangahulugang, “Diyos ko Diyos ko, bakit mo Ako pinabayaan?” Ipinahahayag dito ni Hesus ang kanyang nararamdaman ng pabayaan Siya ng Ama dahil ipinataw sa Kanya ang lahat ng kasalanan ng sanlibutan at dahil dito, kinailangan ng Diyos Ama na “lumayo” kay Hesus. Habang pinagdurusahan ni Hesus ang bigat ng ating mga kasalanan, nakaranas Siya ng pagkahiwalay sa Diyos sa unang pagkakataon sa walang hanggan. Ito rin ang katuparan ng hula sa Awit 22:1.
(2) “Ama, patawarin mo sila; sapagka't hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lukas 23:34). Hindi alam ng mga nagpako kay Hesus sa krus ang bigat ng kanilang ginawa dahil hindi nila Siya kinikilala bilang Mesiyas. Ang kawalan nila ng kaalaman sa mga katotohanan ng Diyos ay hindi nangangahulugan na hindi nila kailangan ang kapatawaran. Ang panalangin ni Hesus sa gitna ng pagtuya sa Kanya ng Kanyang mga kaaway ay kapahayagan ng walang hanggang kahabagan at biyaya ng Diyos.
(3) “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ay kakasamahin kita sa Paraiso” (Lukas 23:43). Sa pangungusap na ito, binigyang katiyakan ni Hesus ang kriminal na kumilala sa Kanya na sa oras ng kanyang kamatayan, kakasamahin Niya ito sa langit. Ipinagkaloob ito sa kanya dahil sa harap ng kanyang napipintong kamatayan, nagpahayag ang kriminal ng pananampalataya kay Hesus at kinilala niya kung sino Siya (Lukas 23:42).
(4) “Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu” (Lukas 23:46). Ipinahahayag ng pangungusap na ito ni Hesus na kusang loob Niyang ibinibigay ang Kanyang kaluluwa at espiritu sa kamay ng Ama. Nagpapahiwatig ito na malapit na Siyang mamatay at tinatanggap ng Diyos Ama ang kanyang handog. “Inihandog Niya ang kaniyang sarili na walang dungis sa Dios” (Hebreo 9:14).
(5) “Babae, narito, ang iyong anak! At narito, ang iyong ina!” Ng makita ni Hesus ang Kanyang ina na nakatayo malapit sa krus kasama si Apostol Juan, ang alagad na Kanyang minamahal, ipinagkatiwala Niya ang Kanyang ina sa pangangalaga nito. “At buhat nang oras na yaon ay tinanggap siya ng alagad sa kaniyang sariling tahanan” (Juan 19:26-27). Sa talatang ito, tinitiyak ng mahabaging anak na si Hesus na ang Kanyang ina sa lupa ay maaalagaan ng maayos pagkatapos Niyang mamatay.
(6) “Nauuhaw Ako” (Juan 19:28). Tinutupad dito ni Hesus ang isang hula tungkol sa Tagapagligtas sa Awit 69:21: “Binigyan naman nila ako ng pagkaing mapait; at sa aking kauhawan ay binigyan nila ako ng suka na mainom.” Nang sabihin ni Hesus, “nauuhaw Ako,” ito ang nagtulak sa mga sundalong Romano na bigyan Siya ng suka, na nakaugaliang gawin tuwing may ipinapako sa krus, at sa gayon ay tinupad Niya ang hula.
(7) “Naganap na!” (Juan 19:30). Ang huling wika ni Hesus ay nangangahulugan na tapos na ang Kanyang paghihirap at ang buong gawain na ipinagagawa sa Kanya ng Kanyang Ama: ang ipangaral ang Ebanghelyo, gumawa ng mga himala, at ipagkaloob ang kaligtasan sa kanyang sariling bayan. Isinakatuparan Niya ang pagliligtas at kumpletong ginampanan. Ang utang ng tao sa Diyos ay Kanya ng binayaran ng minsan magpakailanman.
English
Ano ang pitong huling wika ni Kristo sa krus at ano ang kahulugan ng mga iyon?