settings icon
share icon
Tanong

Anu-ano ang Sampung Utos ng Diyos?

Sagot


Ang Sampung Utos ng Diyos ay ang sampung batas sa Bibliya na ibinigay ng Diyos sa bayang Israel matapos ang paglisan nila sa Ehipto. Ang Sampung Utos ng Diyos ay ang buod ng 613 kautusang nilalaman ng Batas mula sa Lumang Tipan. Ang unang apat na utos ay may kinalaman sa ating relasyon sa Diyos. Samantalang ang huling anim na utos ay patungkol sa relasyon natin sa isa't isa. Ang Sampung Utos ng Diyos ay nakatala sa Exodo 20:1-17 at Deuteronomio 5:6-21 at ito ay ang mga sumusunod:

1) "Huwag kang magkakaroon ng ibang diyos sa harap ko." Ang kautusang ito ay nagbabawal sa pagsamba sa sino mang diyos maliban sa Nag-iisa at Totoong Diyos. Lahat ng ibang diyos ay huwad na diyos.

2) "Huwag kang gagawa ng imahe ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin; Huwag mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi; Ngunit ipinadarama ko ang aking pag-ibig sa libu-libong salinlahi ng mga umiibig sa akin at tumutupad sa aking mga kautusan." Ang kautusang ito ay nagbabawal sa paggawa ng anumang imahe, diyos-diyosan o anumang nakikitang representasyon ng Diyos. Walang imaheng sukat na makapaglalarawan sa wangis ng Diyos. Ang paggawa ng imahe ng Diyos ay pagsamba sa huwad na diyos.

3) "Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Diyos sa walang kabuluhan; sapagkat hindi aariin ng Panginoong walang sala ang bumanggit ng Kanyang pangalan sa walang kabuluhan." Ang kautusang ito ay pagbabawal sa pagsambit ng Ngalan ng Panginoon ng walang kabuluhan. Nararapat na gamitin lamang ang Kanyang pangalan sa pagpupuri at pagsamba sa Kanya.

4) "Ilaan mo para sa Akin ang Araw ng Pamamahinga; Anim na araw kang magtatrabaho, at tapusin mo ang dapat gawin; Ngunit ang ikapitong araw ay para sa Panginoon mong Diyos; Sa araw na iyan ay huwag kang magtatrabaho; ikaw, ang iyong mga anak, ang mga aliping lalake o babae, ni alinman sa mga alaga mong hayop, ni ang iyong tagaibang lupa na nasa loob ng iyong pintuang daan; Sapagkat sa anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng nangaroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; ano pa't pinagpala ng Panginoon ang araw ng sabbath, at pinakabanal" Ang kautusang ito ay nagtatakda sa ikapitong araw bilang araw ng kapahingahan para sa Panginoon.

5) "Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios." Ang kautusang ito ay patungkol sa paggalang sa mga magulang.

6) "Huwag kang papatay." Ang kautusang ito ay pagbabawal sa intensyonal na pagkitil sa buhay ng kapwa tao.

7) "Huwag mangangalunya" Ito ay pagbabawal sa pagkakaroon ng sekswal na relasyon maliban sa iyong asawa.

8) "Huwag kang magnanakaw." Ang kautusang ito ay pagbabawal ng pagkuha ng kahit anung hindi sayo ng walang paalam sa nagmamay-ari dito.

9) "Huwag kang magbibintang sa iyong kapwa." Ito ay patungkol sa pagbabawal sa pagsasabi ng mali tungkol sa kapwa o sa madaling salita, ito ay kautusan ukol sa pagsisinungaling.

10) "Huwag mong pagnanasaan ang bahay ng iyong kapwa, huwag mong pagnanasaan ang asawa ng iyong kapwa, ni ang kanyang aliping lalake o babae, ni ang kanyang baka, ni ang kanyang asno, ni anumang bagay ng iyong kapwa." Ito ay nagpapatungkol sa paghahangad ng di mo pag-aari sapagkat ang pagnanasa ng mga bagay na hindi sa "yo ay maaaring magtulak sa "yo upang suwayin ang mga naunang kautusan: tulad ng pagpatay, pangangalunya at pagnanakaw. Kung mali ang isang gawain, mali ang paghangad sa katulad nitong gawain.

Para sa mga nakararami, ang pagsunod sa Sampung Utos ng Diyos ay ang paraan upang masigurong makararating sila sa langit pagkatapos ng kamatayan. Ngunit ang layunin ng paglalahad ng Sampung Utos ay upang ipakita na walang sinumang makasusunod sa lahat ng mga utos (Roma 7:7-11), samakatuwid lahat ay nangangailangan ng awa at biyaya ng Diyos. Malinaw itong inihayag sa kwento ng isang binatang mayaman sa Mateo 19:16, walang sinoman ang perpektong makasusunod sa Sampung Utos (Mangangaral 7:20). Ang Sampung Utos ay patunay na lahat tayo ay nagkasala (Roma 3:23) at dahil dito lahat ay nangangailangan ng habag at biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo Hesus.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Anu-ano ang Sampung Utos ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries