settings icon
share icon
Tanong

Ano ang hitsura ni Satanas? Ano ang hitsura ng mga demonyo?

Sagot


Ang pinakamalapit na paglalarawan sa Bibliya tungkol sa hitsura ni Satanas at ng mga demonyo ay makikita sa 2 Corinto 11:14, “Si Satanas ay nagkukunwaring anghel ng kaliwanagan.” Ang mga nakapalibot na talata ay tumutukoy sa mga aliping tao ni Satanas na nagkukunwaring “mga apostol ni Cristo” at “mga alipin ng katuwiran.” Sa konteksto, ang mga paglalarawang ito ay tumutukoy sa mga bulaang guro. Ngunit ang prinsipyo ay tiyak na mailalapat din sa mga demonyo.


Ang isang problema—at ito ay malaking problema—sa pagsisikap na ilarawan ang hitsura ni Satanas at ng mga demonyo, sila ay mga espiritu. Sa pagpapakahulugan, ang espiritu ay walang pisikal na anyo o hitsura at imposible na bigyan ng pisikal na katangian ang mga walang pisikal na nilalang. Bilang mga nilalang na espiritu, ang mga demonyo ay walang ilong, mata, kamay, paa, buntot o anumang pisikal na sangkap para mailarawan. Ito ang isang dahilan kung bakit hindi inilarawan sa Bibliya ang hitsura ni Satanas. Kahit na ang paglalarawan na “anghel ng kaliwanagan” sa 2 Corinto 11:14 ay hindi isinulat para maiguhit ang kanyang hitsura; sa halip, nangangahulugan ito ng pagbibigay-diin sa mapandayang kalikasan ni Satanas. Nais ng diyablo na maniwala tayo na siya ang katotohanan gayong ang totoo siya ang kasinungalingan.

Ngayong nalaman natin na si Satanas ay isang anghel, isang nilalang na espiritu, na walang pisikal na hitsura na maaari nating makita o maunawaan, maaari tayong manghula. Kung magdedesisyon si Satanas na magkaroon ng pisikal na anyo—kung magpapakita siya sa atin—gagawin niya ito sa isang mapanlinlang na paraan.

Ang pangkaraniwang paglalarawan kay Satanas ng makabagong kultura bilang isang nakakatakot na nilalang na kahawig ng isang halimaw na kambing na may mga sungay ay hindi makikita sa Bibliya. Bago siya magrebelde sa Diyos, si Satanas ay isang maganda at maluwalhating nilalang (tingnan ang Ezekiel 28:12–15). Ang hitsura ngayon ni Satanas ay isang misteryo. Gayunman, ayon sa 2 Corinto 11:14, may isang tiyak na bagay na ating nalalaman: dinadaya ni Satanas ang mga tao na siya ay isang anghel ng kaliwanagan. Kung magpapakita si Satanas bilang isang masama at mamamatay taong nilalang, hindi ito makakatulong sa kanyang layunin. Hindi susunod ang maraming tao sa isang magagalitin at masamang nilalang na karaniwan nating nakikita sa mga pelikula. Gaya ng kasalanan na tila maganda sa paningin sa umpisa—para lamang mahayag na nagbubunga sa kamatayan sa huli—ninanais din ni Satanas na dayain tayo sa pamamagitan ng pagpapanggap na isang mabuti at magandang nilalang sa halip na pangit at masama.

Ganito rin ang totoo sa mga demonyo. Ano ang hitsura ng mga demonyo? Walang sinuman sa Bibliya ang nakakita sa kanila maliban kay Micaya at Juan sa kanilang mga pangitain na ginagamit ang mga simbolismo sa mga magaganap sa hinaharap. Isinulat nila na ang mga demonyo “katulad ng mga palaka” (tingnan ang 1 Hari 22:21–22 at Pahayag 16:13). At kung magpapakita man ang mga demonyo, pipiliin nilang gayahin ang hitsura ng kahit anong nilalang na kanilang maisipan para ipagpatuloy ang kanilang pandaraya. Bilang mga anghel na nagkasala, ang mga demonyo ay matalino at makapangyarihang mga nilalang. At sila ay maaaring pinamumunuan ng isang pinaka-makapangyarihang nilalang (Judas 1:9) na si Satanas na sinusundan ang kanyang mga ginagawa. Kung magpapakita ang mga demonyo bilang mga masamang nilalang, tiyak na mahahadlangan nito ang kanilang misyon ng pandaraya at panunukso.

Ano ang hitsura ni Satanas? Ano ang hitsura ng mga demonyo? Walang paraan para natin malaman. Kung magpapakita sila, magsusuot sila ng maskara. Laging nagsusuot ng maskara ang pandaraya. Sinusubukan ni Satanas at ng mga demonyo na ipakita ang kanilang sarili sa mga tao bilang mga lingkod, mga gabay, at “liwanag.” Ngunit hindi tayo dapat palinlang, “Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira” (Juan 10:10).

Anumang pagpapanggap ni Satanas at anumang hitsura ang ipaisip niya sa atin tungkol sa kanyang sarili, nalalaman natin ang katotohanan: “Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo, ay parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa” (1 Pedro 5:8). At alam din natin ang kanilang huling hantungan: “Itinapon ang napakalaking dragon, ang matandang ahas na tinatawag na Diyablo at Satanas, na nandaraya sa buong sanlibutan. Itinapon siya sa lupa kasama ang lahat ng kanyang mga kampon” (Pahayag 12:9).


English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang hitsura ni Satanas? Ano ang hitsura ng mga demonyo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries