settings icon
share icon
Tanong

Paano naging diyos ng sanglibutang ito si Satanas (2 Corinto 4:4)?

Sagot


Ang salitang ‘diyos ng sanglibutang ito’ (o ‘diyos ng panahong ito’) ay nagpapahiwatig na si Satanas ang pangunahing impluwensya sa mga pamantayan, opinyon, layunin, pag-asa at pananaw ng karamihan sa mga tao sa mundo. Saklaw din ng kanyang impluwesya pilosopiya, edukasyon at kalakaran ng mundong ito. Ang mga kaisipan, ideya, haka-haka at mga hidwang relihiyon ng mundong ito ay nasa kanyang kontrol at umusbong mula sa kanyang mga kasinungalingan at pandaraya.

Tinatawag din si Satanas na "prinsipe ng mga kapangyarihan ng hangin" sa Efeso 2:2. Siya ang "prinsipe ng sanglibutang ito" sa Juan 12:31. Ang mga titulong ito at marami pang iba ay sumisimbolo sa kakayahan ni Satanas. Halimbawa na lamang na si Satanas ay "prinsipe ng mga kapangyarihan ng hangin" ay nangangahulugan lamang na sa ilang kaparaanan siya ay may dominasyon sa mundo at sa mga tao dito.

Ang titulong ito ay hindi nangangahulugan na si satanas ang ganap na namamahala sa mundo. Ang Diyos ang makapangyarihan sa lahat. Ngunit ito ay nangangahulugan lamang na ang Diyos, sa Kanyang walang hanggang karunungan ay pinahintulutan si Satanas na mamahala sa sanglibutang ito na nakapaloob sa hangganan na itinakda ng Diyos sa kanya. Kapag sinasabi ng Bibliya na si satanas ay may kapangyarihan sa sanlibutan, dapat nating alalahanin na ang Diyos ang nagbigay sa kanya ng karapatan upang pamahalaan lamang ang mga hindi mananampalataya. Ang mga mananampalataya ay wala na sa ilalim ng kapamahalaan ni Satanas (Colosas 1:13). Ang mga hindi mananampalataya sa kabilang banda, ay ‘silo ng diablo’ (2 Timoteo 2:26), ‘nakahilig sa masama’ (1 Juan 5:19), at ‘alipin ni Satanas’ (Efeso 2:2).

Kaya naman, kapag sinasabi ng Bibliya na si satanas ang "diyos ng sanlibutang ito," hindi ito nangangahulugan na siya ang may kapangyarihan sa lahat. Ito ay isang paraan upang bigyang kahulugan na si Satanas ang namumuno sa mga hindi nananampalataya sa sanlibutan. Sa 2 Corinto 4:4, ang mga hindi mananampalataya ay sumusunod sa layon ni Satanas: "Ang diyos ng sanglibutang ito ay binulag ang mga isipan ng mga di-mananampalataya, ng sa gayon ay hindi nila makita ang liwanag ng mabuting balita ng kaluwalhatian ni Kristo." Kasama sa paraan ni Satanas ang pagpapalaganap ng mga maling pilosopiya sa mundo, mga katuruan na bumubulag sa mga hindi mananampalataya sa katotohanan ng Ebanghelyo. Ang mga pilosopiya ni Satanas ang sandigan kung saan nakakulong ang mga tao, at dapat silang mapalaya sa pamamagitan ni Kristo at ng Kanyang Ebanghelyo.

Isang halimbawa ng maling katuruan ay ang paniniwala na ang tao ay may kakayahang makamit ang pabor ng Diyos sa pamamagitan ng mga gawa. Ang pagkakamit ng pabor sa Diyos o pagkamit ng buhay na walang hanggan ang madalas na tema ng karamihan sa bawat huwad na relihiyon. Ang pagkakamit ng kaligtasan sa pamamagitan ng gawa ay salungat sa mga itinuturo ng Bibliya. Ang tao ay walang magagawa upang makamit ang pabor ng Diyos; ang buhay na walang hanggan ay biyayang walang bayad (Efeso 2:8-9). At ang libreng regalo na ito ay makakamit sa pamamagitan lamang ni Hesu Kristo (Juan 3:16; 14:6). Maaaring itanong mo, ‘bakit hindi na lamang lahat ng tao ang makatanggap ng libreng biyaya ng kaligtasan?’ (Juan 1:12). Ang sagot ay, sapagkat si Satanas - ang diyos ng sanglibutang ito - ay tinukso ang sangkatauhan upang sundan ang kanyang pagmamataas. Si Satanas ang nagtakda ng layon, ang mga hindi mananampalataya ay sumunod at ang mga tao ay patuloy na nadaya. Hindi kataka-taka na tinatawag ng Bibliya si Satanas na ‘ama ng kasinungalingan’ (Juan 8:44).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano naging diyos ng sanglibutang ito si Satanas (2 Corinto 4:4)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries