settings icon
share icon
Tanong

Kailangan bang humingi si Satanas ng pahintulot sa Diyos bago niya tayo atakehin?

Sagot


Walang ebidensya sa Bibliya na laging humihingi si Satanas ng partikular na pahintulot sa Diyos para niya magalaw ang mga Kristiyano sa tuwing nais niya silang atakehin. Alam natin na kailangan ni Satanas na humingi ng pahintulot sa Diyos sa ilang pagkakataon. Ipinapakita sa Job 1 na hindi kaya ni Satanas na saktan si Job ng walang pahintulot ang Diyos. Gayunman, isaalang-alang natin ang katwiran ni Satanas sa harapan ng Diyos: “Inaalagaan ninyo siya, ang kanyang pamilya at ang lahat ng ari-arian niya. Pinagpapala ninyo ang lahat ng kanyang gawin, at halos punuin ninyo ng kanyang kayamanan ang buong lupain” (Job 1:10). Mapapansin na kilala ni Satanas si Job at alam niya ang espesyal na proteksyon at pagpapala sa kanya ng Diyos. Paano malalaman ni Satanas ang proteksyon ng Diyos kay Job kung hindi niya sinusubukan o sinubukan ng kanyang mga kampon na gumawa ng anuman laban kay Job? Ang talagang hinihingi ni Satanas sa Diyos ay alisin ang Kanyang proteksyon kay Job; at natural na sa pagsasabi sa Diyos na alisin Niya ang kanyang proteksyon kay Job, sa esensya, humihingi si Satanas ng pahintulot para atakehin si Job. Humihingi ba si Satanas ng ganitong pahintulot sa Diyos sa tuwing inaatake niya tayo? Hindi ito sinasabi ng Bibliya.

Ang isa pang sitas na may kinalaman sa paksang ito ay ang Lukas 22:31–32. Sinabi ni Jesus, “Simon, Simon! Makinig ka! Hiniling ni Satanas na subukin kayo tulad sa ginagawa ng magsasaka na inihihiwalay ang ipa sa mga trigo. Subalit idinalangin kita upang huwag manghina ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, patatagin mo ang iyong mga kapatid.” Malinaw na sa kasong ito, hiningi ni Satanas ang pahintulot ng Diyos para subukin sila Pedro at ang ibang mga alagad. Sinabi ni Jesus kay Pedro na nanalangin Siya para sa kanya para hindi mawala ang kanyang pananampalataya at para mapalakas niya ang ibang mga alagad pagkatapos ng pagsubok sa kanyang pananampalataya. Ang implikasyon ay liligligin si Pedro at ang mga alagad sa anumang paraan na nais ni Satanas. Kaya pinahintulutan ng Diyos si Satanas na guluhin ang Kanyang mga alagad sa Kanyang limitasyong itinakda, ngunit may mas mataas Siyang layunin—ang pagpapalakas sa kanilang lahat.

Sa Job 38:11, sinabi ng Diyos ang hangganan ng mga alon sa dagat: Sinabi kong sila'y hanggang doon na lang, at huwag lalampas ang alon na naglalakihan.” Sa ganito ring paraan, tila may hangganan at alituntuning kailangang sundin si Satanas. Hindi siya maaaring lumampas sa itinakdang hangganan ng Diyos. Habang si Satanas ay “parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa” (1 Pedro 5:8), kailangan ba niyang tumigil at humingi ng pahintulot sa Diyos para sa kanyang susunod na hakbang? O kailangan lamang niyang humingi ng isang espesyal na pahintulot? Walang ebidensya sa Bibliya sa dalawang tanong. Iningatan ng Panginoon sina Job at Pedro—hindi si Satanas makagawa ng kahit ano sa kanila malibang alisin ng Diyos ang ilang antas ng Kanyang proteksyon sa kanila. Alam natin na nagmamalasakit ang Diyos para sa lahat ng Kanyang mga anak, kaya makatuwiran na ipagpalagay na may proteksyon ang Diyos na nakapaligid sa atin. At alam natin na ang Diyos ay may ganap na kapamahalaan sa lahat ng mga bagay sa buong sansinukob kabilang si Satanas. “Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin” (Roma 8:28).


English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Kailangan bang humingi si Satanas ng pahintulot sa Diyos bago niya tayo atakehin?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries