Tanong
Ano ang Satanismo?
Sagot
Hindi madaling buudin ang katuruan ng Satanismo. Ang paglalarawan sa Satanismo ay nakadepende sa kung anong dibisyon ng Satanismo ang tinutukoy. Salungat sa mga Kristiyano, ang mga Satanista ay hindi nagkakasundo sa kanilang mga pangunahing prinsipyo at katuruan. Habang nagkakaiba-iba ang mga Kristiyano sa opinyon at kumbiksyon tungkol sa interpretasyon ng ilang mga sitas sa Bibliya, naniniwala naman ang mga Kristiyano sa mga pundasyong katuruan na si Hesus ang Anak ng Diyos na nagbayad ng ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa Krus at sa Kanyang pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay. Ang mga Satanista sa iba’t ibang kampo ay nagtatalo talo kung si Satanas ba ay totoo o hindi o kung sumasamba ba sila kay Satanas o sa kanilang sarili. Sa esensya, sila ay naguguluhan at alipin ng kasinungalingan. Maaaring ang Juan 8:44 ang pinakamagandang paglalarawan sa Satanismo: “Ang diyablo ang inyong ama! At ang kagustuhan niya ang ibig ninyong gawin. Noon pa man ay mamamatay-tao na siya. Hindi siya pumanig sa katotohanan kailanman, sapagkat walang puwang sa kanya ang katotohanan. Likas sa kanya ang magsinungaling, sapagkat siya'y talagang sinungaling, at siya ang ama ng kasinungalingan.”
Dahil sa mga kasinungalingang ito, may napakaraming ideolohiya at maling pilosopiya sa Satanismo. Mahirap makakita ng mga satanista sa labas ng kanilang sariling coven, simbahan, o grupo na “naniniwala” sa parehong katuruan. Ang ilan sa mga gawain ng Satanismo ay hindi nagbabago ngunit ang pagkakaisa ng mga Satanista ay mas matatagpuan sa kanilang mga ritwal kaysa sa kanilang relasyon sa isang sistema ng paniniwala. Mas madali nilang tawagin ang kanilang sarili bilang “Satanista” kung nagdadaos sila ng mga ritwal.
Karamihan ng mga Satanista ay sumasamba sa Diyablo, mga diabolists o Luciferians, at kasapi ng Iglesia ni Satanas na inaangkin ang pinanggalingan sa grupong Laveyan na ipinangalan kay Anton LaVey, ang sumulat ng Satanic Bible at tagapagtatag ng unang Iglesya ni Satanas. Sinasabing itinayo ni LaVey ang unang Iglesya ni Satanas noong 1966. Bilang isang awtoridad na itinaas ang sarili, nagsimula siyang magturo sa halagang $2 bawat tao. Dahil dito, isinilang ang Iglesya ni Satanas.
Ang pangunahing pagkakatulad sa lahat ng sangay ng Satanismo ay ang pagtataas ng sarili. Ang lahat ng anyo ng Satanismo ay nagaangkin na ang buhay ay umiiral upang gugulin sa kasiyahan at isang magandang kaugalian ang pagiging makasarili. May ilang Satanista ang naniniwala na ang tanging buhay na maaari nilang maranasan ay ang buhay dito sa mundo. Kaya ang mga sumasamba sa Diyablo ay mabubuhay lamang ng sandali at ang kanilang doktrina ay ang katakawan at imoralidad.
Ibinibigay ng mga Satanista ang kanilang katapatan kay Satanas kahit na ang ilan sa mga kasapi ng Iglesya ni Satanas ay hindi naniniwala na totoong may Diyos o totoong may Satanas. Karamihan ng Iglesya ni Satanas ay naniniwala din na walang Tagapagligtas para sa kanila o para sa kaninuman. Ang bawat tao ay responsable para sa kanyang sariling landas na tatahakin. Gayon pa man, nananalangin sila kay Satanas para sa kanilang mga ritwal at hinihiling na makita ang kanyang kapangyarihan sa kanilang mga buhay. Ipinakikita ng ganitong uri ng pagiisip ang impluwensya ng kasinungalingan at pandaraya sa kanilang pilosopiya. Ang resulta ay pareho sa kanilang lahat – ang kanilang mga kaluluwa ay alipin na ni Satanas at maliban na lamang sa biyaya Diyos, mararanasan nila ang walang hanggang pagdurusa sa apoy ng impiyerno.
Sa madaling salita, maaaring kakitaan ng pagsamba o hindi pagsamba kay Satanas ang Satanismo ngunit maliwanag na ito ay isang sinasadyang pagsisiskap na hindi sumamba sa iisang Diyos. Ibinigay sa Roma 1 ang maliwanag na paglalarawan sa puso at motibo ng isang Satanista. “Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kabuktutan, kasakiman, masasamang isip, pagkainggit, pagpatay, pagtatalo, pandaraya at masasamang hangarin. Sila'y naging mahihilig sa tsismis” (talata 28-29). Napakahirap na maunawaan ng mga taong nailigaw ni Satanas sa ganitong uri ng pamumuhay ang konsepto ng kalayaan at ng biyaya ng Diyos. Sa halip, nabubuhay sila para sa kanilang sarili at sa pamamagitan ng kanilang sarili.
Naglalaman ng babala ang Ikalawang Pedro laban sa sinuman na susunod sa Satanismo o sa kaninuman sa halip na sa Diyos: “Ang katulad ng mga huwad na gurong ito ay mga batis na walang tubig, at ulap na itinataboy ng malakas na hangin. Inilaan na ng Diyos ang kadiliman para sa kanila. Mayayabang sila kung magsalita, ngunit wala namang kabuluhan ang sinasabi. Ginagamit nila ang nasa ng laman upang maibalik sa kahalayan ang mga nagsisimula pa lamang lumayo sa mga taong namumuhay ng may kalikuan. Ipinapangako nila ang kalayaan sa nahihikayat nila, subalit sila mismo ay alipin ng kasamaan, sapagkat ang tao ay alipin ng anumang hindi niya kayang mapanagumpayan” (kabanata 2 talata 17-19). English
Ano ang Satanismo?