settings icon
share icon
Tanong

Si Hesus ang Tagapagligtas?

Sagot


Ang mga salitang “Si Hesus ang Tagapagligtas” ay isang palasak na salita na ginagawang sticker ng kotse, bandera sa mga palaro at minsan ay ginagawa pang banderitas na hinihila ng maliit na eroplano sa ere. Ngunit nakalulungkot na kakaunti lamang ang tunay na nakakaunawa ng salitang ito na si “Hesus ang Tagapagligtas.” Hindi alam ng marami napakalaking katotohanan at malakas na kapangyarihan sa likod ng mga salitang ito.


Si Hesus ang Tagapagligtas ngunit sino ba talaga si Hesus?

Maraming tao na ang pagkakilala kay Hesus ay isa lamang tao na nabuhay sa Israel may 2,000 taon na ang nakalilipas. Halos lahat ng relihiyon ay kumikilala kay Hesus bilang isang mahusay na guro o kaya nama'y isang propeta. Habang ang mga pagkakilalang ito kay Hesus ay totoo rin naman, hindi pa rin nila ganap na nauunawaan kung sino ba talaga si Hesus o kaya naman ay maipaliwanag kung paano at bakit si Hesus ang tinatawag na Tagapagligtas. Si Hesus ay Diyos na naging tao (Juan 1:1, 14). Si Hesus ay tunay na Diyos na nanaog mula sa langit at naging tunay na tao (1 Juan 4:2). Ang Diyos ay naging tao sa pamamagitan ni Hesus upang iligtas tayo. Ang kasunod na tanong ay: Bakit natin kailangang maligtas?

Si Hesus ang Tagapagligtas, ngunit bakit natin kailangang maligtas?

Sinasabi ng Bibliya na ang lahat ng tao na nabuhay sa balat ng lupa ay pawang nagkasala (Mangangaral 7:20; Roma 3:23). Ang pagkakasala ay paggawa ng isang bagay, sa isip, salita o gawa na salungat sa kalikasan ng Banal na Diyos. Dahil sa ating kasalanan, lahat tayo ay nararapat na tumanggap ng parusa ng Diyos (Juan 3:18, 36). Ang Diyos ay makatarungan kaya hindi Niya papayagan ang masama na hindi maparusahan. At dahil ang Diyos ay walang hanggan at ang lahat ng kasalanan ay ginawa laban sa isang walang hanggang Diyos (Awit 51:4), tanging ang walang hanggang parusa lamang ng Diyos ang sapat na kabayaran sa ating mga kasalanan. Iyan ang dahilan kung bakit natin kailangang maligtas.

Si Hesus ang Tagapagligtas, ngunit paano Siya nagliligtas?

Dahil tayo ay nagkasala laban sa walang hanggang Diyos, kailangan na isang walang hanggang persona ang magbayad sa ating mga kasalanan ng minsanan sa lahat ng panahon. Walang ibang paraan maliban dito. Si Hesus ay namatay upang akuin ang ating mga kasalanan. Sa kamatayan ni Hesus, naghandog ang Diyos para sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng walang hanggang kabayaran na si Hesus lamang ang makagagawa (2 Corinto 5:21; 1 Juan 2:2). Inako ni Hesus ang kabayaran ng ating mga kasalanan upang iligtas tayo sa kahindik hindik na patutunguhan - sa walang hanggang pagdurusa sa apoy ng impiyerno na siyang karampatang parusa para sa ating mga kasalanan. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin, ibinigay ni Hesus ang Kanyang sariling buhay (Juan 15:13) at inako ang parusa na tayo ang dapat tumanggap. Nang mabuhay na mag-uli si Hesus, kanyang pinatunayan na sapat ang Kanyang bayad para sa ating mga kasalanan (1 Corinto 15).

Si Hesus ang Tagapagligtas, ngunit sino ang Kanyang ililigtas?

Inililigtas ni Hesus ang lahat ng nagsisisi at tumatanggap sa Kanyang kaloob na kaligtasan. Inililigtas Niya ang lahat ng buong pusong magtitiwala sa Kanyang handog para sa kabayaran ng mga kasalanan (Juan 3:16; Gawa 16:31). Habang ang kamatayan ni Hesus ay sapat upang bayaran ang lahat na kasalanan ng lahat ng tao, ang inililigtas lamang ni Hesus ay yaong mga nagsisisi at nananampalataya sa Kanya (Juan 1:12).

Kung nauunawaan mo ang ibig sabihin ng salitang “si Hesus ang Tagapagligtas” at nais mong magtiwala sa Kanya ngayon bilang iyong Tagapagligtas, tiyakin mo na naiintindihan mo at pinaniniwalaan ang mga nabanggit sa itaas. Bilang pagpapahayag ng iyong pananampalataya, maaari mong idalangin ang ganito sa Diyos. Tandaan mo lamang na hindi ang panalanging ito ang makapagliligtas sa iyo. Ang Diyos lamang ang makagagawa nito sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. “O Diyos, alam ko po na ako ay isang makasalanan at nararapat lamang na mahiwalay sa Iyo magpakailanman. Kahit na hindi ako karapatdapat, salamat po na ako ay iyong inibig at pinagkalooban ng sapat na handog para sa aking mga kasalanan sa pamamagitan ng kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ng Panginoong Hesu Kristo. Ako po ay nagsisisi na sa aking mga kasalanan at nananampalataya po ako na si Hesus ay namatay upang akuin ang parusa sa aking mga kasalanan. Nagtitiwala ako na Siya lamang ang makapagliligtas sa akin. Mula sa araw na ito, tulungan mo po ako na mamuhay ng ayon sa iyong kalooban sa halip na mamuhay sa pagkakasala. Tulungan mo po ako na gugulin ang aking nalalabing buhay sa pasasalamat sa iyong kahanga-hangang kaligtasan na ipinagkaloob sa akin. Salamat po Panginoong Hesus sa iyong pagliligtas!”

Dahil sa iyong mga nabasa dito sa aming website, ikaw ba ay nagsisisi na sa iyong mga kasalanan at nagdesisyon na ilagak ang iyong pananampalataya kay Kristo? Kung Oo, i-klik ang “Tinanggap ko si Kristo ngayon” sa kahon sa ibaba.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Si Hesus ang Tagapagligtas?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries