settings icon
share icon
Tanong

Si Hesus ba ay isang Hudyo?

Sagot


Kung iyong sasaliksikin ang katanungang “Si Hesus ba ay isang Hudyo?” sa internet, mapapansin mo na may kontrobersya at pagsasalungatan ang mga tao sa kanilang mga sagot. Bago natin sagutin ang tanong na ito, kailangan muna nating tanungin: Sino (o ano) ba ang isang Hudyo? Maging ang katanungang ito ay may may elemento ng kontrobersya dahil nakadepende ito sa kung sino ang tatanungin mo. Gayunpaman, bawat isa sa mga malalaking sekta ng Judaismo, ang Orthodox, Conservative, at Reformed ay sasang-ayon sa pakahulugang ito: Ang isang Hudyo ay isang tao na ang ina ay isang Hudyo o isang tao na dumaan sa pormal na proseso ng paglipat mula sa kanilang dating relihiyon sa pagiging kaanib ng relihiyong Judaismo.”

Bagamat hindi partikular na tinukoy ng Bibliyang Hebreo ng mga Hudyo ang pagsusog sa pagiging Hudyo ng isang tao sa kaniyang ina, marami sa mga guro ng Judaismo ang naniniwala na may mangilan-ngilang talata sa Torah na nagtuturo nito. Halimbawa sa Deuteronomio 7:1-5, Levitico 24:10, at Ezra 10:2-3. Dagdag pa rito ang mga halimbawa sa Banal na Kasulatan patungkol sa mga Hentil na umanib sa relihiyon ng Judaismo (halimbawa, si Ruth na isang Moabita; pansinin sa Ruth 1:16 kung saan si Ruth ay nagnais na umanib sa Judaismo) na kinilala ng mga Hudyo bilang mga tunay na Hudyo.

Kaya pag isipan natin ang tatlong tanong: Si Hesus ba ay isang Hudyo dahil sa kanyang mga ninuno? Si Hesus ba ay isang tapat na tagasunod na Judaismo? At panghuli, kung si Hesus ay isang Hudyo, bakit hindi kailangang sumunod ang mga Kristiyano sa Judaismo?

Ang mga ninuno ba ni Hesus ay Hudyo, o ang kanyang ina ba ay isang Hudyo? Malinaw na nakibahagi si Hesus sa mga Hudyo noong Kanyang kapanahunan. Para sa kanya Siya ay nabibilang sa mga Hudyo at sa kanilang relihiyon (bagamat kanyang itinutuwid ito). Ang layunin ng Diyos ay ipadala siya sa kanilang kalagitnaan: “Siya'y naparito sa sariling kaniya, at siya'y hindi tinanggap ng mga sariling kaniya. Datapuwa't ang lahat ng sa kaniya'y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan” (Juan 1:11-12). Malinaw din na kanyang sinabi na, “Sinasamba ninyo [mga Hentil] ang hindi ninyo nalalaman: sinasamba namin [mga Hudyo] ang nalalaman namin; sapagka't ang kaligtasan ay nanggagaling sa mga Judio” (Juan 4:22).

Ang pinakaunang talata sa Bagong Tipan ay malinaw na nagpapahayag ng pagiging Hudyo ni Hesus ayon sa lahi: “Ang aklat ng lahi ni Jesucristo, na anak ni David, na anak ni Abraham” (Mateo 1:1). Malinaw din ito sa Hebreo 7:1, “Sapagka't maliwanag na ang ating Panginoon ay lumitaw mula kay Juda; na tungkol sa angkang yao'y walang sinalitang anoman si Moises hinggil sa mga saserdote.” Makikita ditto na si Hesus ay galing sa tribu ng Juda kung saan natin nakuha ang taguring Hudyo. Dagdag pa rito, ano naman ang lahi ni Maria, ang ina ni Hesus? Sa talaan ng mga angkan sa Lukas 3, makikita natin na si Maria ay direktang galing sa angkan ni Haring David na siya namang nagbigay ng legal na karapatan kay Hesus upang maluklok sa trono ni haring David. Isa rin itong paraan para susugin ang angkan ni Hesus bilang isang Hudyo.

Si Hesus ba ay tapat sa pagsunod ng mga batas panrelihiyon ng mga Hudyo? Ang mga magulang ni Hesus ay tumupad sa kanilang mga responsibilidad para sa kanilang anak na si Hesus. Ayon sa Bibliya naganap “nila ang lahat ng mga bagay na alinsunod sa kautusan ng Panginoon [para sa kanilang batang anak na si Hesus]” (Lukas 2:39) Ang tito at tita ni Hesus na si Zacarias at Elizabeth ay mga tapat na tagasunod din ng Torah (Lukas 1:6). Maaari nating sabihin na ang kanilang pamilya ay mga tapat na tagasunod ng Torah.

Sa kanyang sermon sa bundok (Mateo 5-7), patuloy na inangkin ni Hesus ang kapangyarihan ng Torah at ng mga Propeta (5:17), maging sa Kaharian ng Langit (5:19-20). Siya ay tapat sa pagpunta sa sinagoga (Lukas 4:16), at ang kaniyang katuruan ay kinikilala ng maraming mga Hudyo (4:15). Siya ay nagturo sa templo sa Jerusalem (21:37) at kung hindi siya Hudyo, hindi siya pahihintulutang pumasok sa Templo (Gawa 21:28-30).

Nagpamalas din si Hesus ng mga pagpapatunay na siya ay isang tapat na Hudyo. Siya ay nagsuot ng tzitzit na bahagi ng pananamit ng isang Hudyo (Lukas 8:43, Mateo 14:36) upang magsilbing paalala sa mga kautusan ng Diyos (Bilang 15:37-39). Nagdiwang din Siya ng Paskuwa (Juan 2:13) at nagtungo sa Jerusalem (Deutoronomio 16:16) para sa napakahalagang paglalakbay na ito ng mga Hudyo. Nagdiwang din Siya ng Succoth, o ang Pista ng mga Tabernakulo (Juan 7:2, 10), at nagtungo sa Jerusalem (7:14) bilang pagsunod sa kautusan ng Torah. Nagdiwang din Siya ng Hanukkah, ang Pista ng mga Ilaw (10:22) at marahil nagdiwang din ng Rosh Hashanah, o Pista ng mga Trumpeta (5:1). Nagtungo din Siya sa Jerusalem datapuwat ang mga ito ay hindi ipinag-uutos sa Torah subalit ipinagdiriwang ng mga Hudyo. Malinaw na kinikilala ni Hesus ang kaniyang sarili bilang isang Hudyo (4:22) at Hari ng mga Hudyo (Marcos 15:2). Mula sa kanyang kapanganakan hanggang sa huli nyang pagdiriwang ng Paskuwa (Lukas 22:14-15), si Hesus ay namuhay bilang isang Hudyo.

Ngunit kung si Hesus ay isang Hudyo, bakit ang mga Kristiyano ay hindi sumusunod sa Judaismo? Ang mga batas ng Judaismo ay ibinigay kay Moises para sa mga Israelita. Ito ay dahil sa natatanging tipan sa Bundok ng Sinai. Ito'y nakatala sa aklat ng Exodo. Sa tipan na ito, isinulat ng Diyos ang kanyang utos sa mga bato upang sundin ng mga Israelita. Subalit ang tanging tipan na ito ay anino lamang ng bago at mas mabuting tipan na ibibigay ng Diyos sa Kaharian na kinabibilangan ng mga Hudyo at Hentil.

Ang Bagong Tipan na ito ay nakatala sa Jeremias 31:31-34, “Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y makikipagtipan ng panibago sa sangbahayan ni Israel, at sa sangbahayan ni Juda: Hindi ayon sa tipan na ipinakipagtipan ko sa kanilang mga magulang sa araw na aking kinuha sila sa pamamagitan ng kamay upang ilabas sila sa lupain ng Egipto; na ang aking tipan ay kanilang sinira, bagaman ako'y asawa nila, sabi ng Panginoon. Kundi ito ang tipan na aking ipakikipagtipan sa sangbahayan ni Israel pagkatapos ng mga araw na yaon, sabi ng Panginoon, Aking itatala ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat sa kanilang puso; at ako'y magiging kanilang Dios, at sila'y magiging aking bayan; At hindi na magtuturo bawa't isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, at bawa't tao sa kaniyang kapatid, na magsasabi, Iyong kilalanin ang Panginoon; sapagka't makikilala nilang lahat ako, mula sa kaliitliitan sa kanila hanggang sa kadakidakilaan sa kanila, sabi ng Panginoon: sapagka't aking ipatatawad ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin.”

Hindi sinusunod ng mga Kristyano ang Judaismo ngayon dahil ang Tipan kay Moses ay natupad na ni Hesus. Sinabi ni Hesus, “Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako'y naparito hindi upang sirain, kundi upang ganapin” (Mateo 5:17). Ang manunulat ng Hebreo ay sumulat, “Doon sa sinasabi niya, Isang Bagong Tipan, ay niluma niya ang una. Datapuwa't ang naging luma at tumatanda ay malapit ng lumipas” (Hebreo 8:13).

Bilang mga Kristiyano hindi natin kailangang sundin ang Lumang Tipan dahil iyon ay pinalitan na. Mayroon na tayo ngayong mas mabuting tipan na may mas mabuting handog na walang iba kundi si Kristo, at pinangangasiwaan tayo ng ating Kataastaasang Saserdote. “Mga kapatid, yamang may kalayaan ngang makapasok sa dakong banal sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, Sa pamamagitan ng daang bago at buhay na kaniyang itinalaga sa atin, sa pamamagitan ng tabing, sa makatuwid baga'y sa kaniyang laman; At yamang may isang Dakilang Saserdote na pangulo sa bahay ng Dios; Tayo'y magsilapit na may tapat na puso sa lubos na pananampalataya, na ang ating mga puso na winisikan mula sa isang masamang budhi: at mahugasan ang ating katawan ng dalisay na tubig, Na ating ingatang matibay ang pagkakilala ng ating pagasa upang huwag magalinlangan: sapagka't tapat ang nangako” (Hebreo 19:23).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Si Hesus ba ay isang Hudyo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries