Tanong
Sino ang Antikristo?
Sagot
Napakaraming haka-haka tungkol sa pagkakakilanlan sa antikristo. Ang ilan sa mga popular na palagay ay sila Valdimir Putin, Mahmoud Ahmadinejad at Pope Benedict XVI. Sa Estados Unidos, sina dating pangulong Bill Clinton at George Bush, gayundin ang kasalukuyang pangulo na si Barack Obama ang pinakapopular na kandidato. Ngayon, sino ba talaga ang antikristo, at paano natin siya makikilala?
Walang sinasabi ang Bibliya na partikular na lugar kung saan manggagaling ang antikristo. Maraming iskolar ng Bibliya na naghahaka-haka na siya ay manggagaling sa isang samahan ng 10 bansa o kaya nama'y mula sa magpapanibagong siglang imperyo ng Roma (Daniel 7:24-25; Pahayag 17:7). Ang iba naman ay nagpapalagay na siya ay isang Hudyo upang maangkin niya na siya ang Mesiyas. Ang lahat ng ito ay mga haka-haka lamang dahil hindi sinasabi sa Bibliya kung saang bansa manggagaling ang antikristo o kung ano ang kanyang lahing panggagalingan. Isang araw, ang antikristo ay mahahayag. Sinasabi sa atin sa 2 Tesalonica 2:3-4 kung paano natin makikilala ang antikristo: "Huwag kayong padaya kanino man sa anomang paraan: sapagka't ito'y hindi darating, maliban nang dumating mula ang pagtaliwakas, at mahayag ang taong makasalanan, ang anak ng kapahamakan, na sumasalangsang at nagmamataas laban sa lahat na tinatawag na Dios o sinasamba; ano pa't siya'y nauupo sa templo ng Dios, na siya'y nagtatanyag sa kaniyang sarili na tulad sa Dios."
Maaaring ang mga taong nabubuhay kung kailan mahahayag ang antikristo ay masosorpresa kung sino siya. Ang antikristo ay maaaring hindi pa nabubuhay sa ngayon. Si Martin Luther ay kumbinsido na ang Papa noong panahon niya ang antikristo. Ang iba na nabuhay sa nakaraang ilang daang taon ay halos tiyak din sa kanilang deklarasyon kung sino ang antikristo. Sa kasalukuyan alam natin na wala isa man sa kanila ang tama. Dapat nating iwasan ang maghaka-haka, sa halip, ituon natin ang ating pansin sa kung ano lamang ang aktwal na sinasabi ng Bibliya tungkol sa antikristo. Idineklara sa Pahayag 13:5-8, "At binigyan siya ng isang bibig na nagsasalita ng malalaking bagay at mga kapusungan: at binigyan siya ng kapamahalaan, upang magpatuloy na apat na pu't dalawang buwan. At binuka niya ang kaniyang bibig sa mga kapusungan laban sa Dios, upang pusungin ang kaniyang pangalan, at ang kaniyang tabernakulo, gayon din naman ang mga nananahan sa langit. At ipinagkaloob sa kaniya na makipagbaka sa mga banal, at pagtagumpayan sila; at binigyan siya ng kapamahalaan sa bawa't angkan at bayan at wika at bansa. At ang lahat ng nangananahan sa lupa ay magsisisamba sa kaniya, na ang kanikaniyang pangalan ay hindi nasusulat sa aklat ng buhay ng Cordero na pinatay buhat nang itatag ang sanglibutan."
English
Sino ang Antikristo?